May mga bagay talagang kahit gaano mo kagustong mangyari, kahit gaano mo kagustong makuha ay minsan hindi kailanman mangyayari at hindi mo ‘yun makukuha. May mga bagay na hindi mo inaakala na ganun lang pala kadali ang lahat. Kahit ipilit mong itama ang mga pagkakamali mo, bumawi sa mga pagkukulang mo, baguhin ang mga dapat baguhin at tanggapin nang buong-buo ang taong minamahal mo, bale wala ‘yun kung ikaw lang ang nagsisikap para gawin ‘yun at kung hindi ka hahayaan ng minamahal mo gawin ‘yun dahil hindi ka na niya mahal. Bukod sa nasasaktan ka na, mas masakit ‘yung sinasampal ka ng katotohanan nang paunti-unti, paulit-ulit at harap-harapan.
Freshman pa lang kami noong college, nakilala ko ang babaeng unang nagpatibok sa puso ko. Halos sa lahat ng subjects, magkakaklase kami kasi bloc section ang system sa amin. Hindi ko alam kung bakit ang lakas ng tama ko sa kanya. Hindi ako sanay na makaramdam ng kaba sa tuwing kasama ko ang isang tao dahil sa tunay na nararamdaman ko sa kanya - hindi ako sanay na mainlove. Kung titingnan ninyo ako, parang wala sa hitsura ko na nagkaka-love life. Dati nagkakacrush ako, pero hanggang doon lang 'yun. Siguro torpe lang talaga ako - lalaking marunong mahiya, marunong maghintay at higit sa lahat, seryosong magmahal.
Halos palagi na rin kaming magkasama - sa klase, sa break time at sa pagtambay kung saan - kasama ang iba pa naming blocmates na tinuri naming barkada. Nang hindi ako makapagpigil nung sophomore na kami, naglakas-loob akong sabihin ang tunay na nararamdaman ko. Noong una, hindi ko alam ang isasagot niya sa tanong kong kung pwede akong manligaw. Natawa lang siya. Pero nung nakita niya sa mga mata ko na seryoso ako, tumahimik siya. Pumayag siyang ligawan ko siya.
Halos buong first semester, niligawan ko siya, at noong sembreak halos nagkikita kami, pumupunta ako sa bahay nila sa Cavite. Okay lang, malapit lang naman kami doon. Nagdate kami, nanood ng sine, kumain sa labas at kung anong matripan. Hanggang sa isang araw, sumagot na siya ng 'oo'. Noong una hindi ko pa magets. Kasi napaka-random namang sumagot siya sa akin ng oo. Iba naman kasi ang pinag-uusapan namin. 'Yun pala, sinasagot na niya ako. Sobrang saya ko noong araw na 'yun. Hindi mo naman kasi aakalaing ang isang seryoso at nerd na kagaya ko ay sasagutin ng isa sa mga magaganda sa university namin.
Marmai kaming pinagdaanan, mapa-ups or downs, mga awayan na nauuwi sa lambingan. Minsan muntikan na kaming magbreak pero hindi kami bumitaw. Aminado akong minsan ako 'yung mali. Perfectionist kasi ako kaya minsan nadadala ko 'yung ugaling 'yun sa relasyon namin. Marami akong pinagselosang kaibigan niya. Ganun din naman siya sa akin. Kahit 'yung mismong best friend niya since high school, napagselsoan ko. Kaso narealize kong mali dahil wala pa man ako sa mundo niya, si best friend nag-eexist na. May tiwala naman ako sa kanya. Naniniwala akong mahal na mahal namin ang isa't-isa.
Isa sa mga masarap na pakiramdam bilang estudyante ay sabay kayong grumaduate ng taong mahal mo. Ang sayang malaman na sabay kayong nagtagumpay sa college. After graduation, bumisita muna siya sa Singapore kasama ang pamilya niya para magpahinga sa nakaka-stress na thesis namin. Ako, binalak ko agad magtrabaho. Hanap dito. Hanap doon. Hanggang sa isang araw, may tumawag sa akin - hindi lang long distance call kundi super long distance call - nasa ibang bansa kasi. Akala ko nga nung una, 'yung girlfriend ko 'yung tumawag pero nagtaka ako kasi katatapos lang namin mag-Facetime at magswi-swimming daw sila ng family niya sa Jurong East Swimming Complex. Pero ang tumawag sa akin ay isang employer sa isang Asian country. Hindi ko maintindihan masyado ang English ng kausap ko. Parang Chinese or Japanese ata siya. Nag-isip ako noon kung may inapplyan ba akong work dati sa ibang bansa. Ang tanda ko, sa Singapore, Korea at Hongkong lang o sa Japan para makapag-MS. Sabi ng kausap ko, qualified for the interview daw ako for the position of researcher sa isang university sa Korea. Sobrang saya ko pero naisip ko agad ang girlfriend ko. Paano kung tuloy-tuloy na ito, paano na ang magiging set up namin ni Sophia.
Dumating na siya from Singapore at halatang nalulungkot siya noong kinaon ko siya sa airport. Bakas sa mga mukha niya ang pag-aalala, marahil siguro na aalis na ako sa susunod na linggo. Pero ramdam ko ang pagkamiss niya sa akin. Inisip na lang niya na 1 taon lang naman ang unang contract ko doon. Gusto ko lang din naman maexperience magtrabaho at may matutunan. Bata pa lang ako, pangarap ko nang maging scientist. Kaya kumuha ako ng kursong Biology. Dumating ang magandang opportunity, kaya iga-grab ko na agad. Sayang naman.