† KURAP †
[One-shot/ Suspense/ Thriller]
Written by: ImGrey
All Rights Reserved © 2016
--
Nakalabas na ang huling empleyado sa pampublikong gusali na aking pinagtatrabahuan ngunit masigasig pa rin akong nakaupo at tinatapos ang aking ginagawa. Kasalukuyan akong nakaharap sa monitor ng aking kompyuter. Patuloy sa pagtipa sa keyboard na tila wala ng bukas sa sobrang bilis. Hindi ako maaring abutin ng siyam-siyam sa aking ginagawa sapagkat katakot-takot na pangyayari ang siguradong magaganap. Huling araw ko na rito bilang empleyado kaya naman pinagbubutihan ko ang aking ginagawa. Walang kurap at tila pigil-hininga ang bawat sandaling nalalabi. Puno ng pagnanais na sana'y matapos na sa bagay na pinagkakaabalahan.Sa gilid ng aking mga mata ay may naulinagan akong bulto ng isang tao na tila dumaan sa bandang kanan ng aking upuan. Nanginginig kong tinapunan ng tingin ang parteng iyon. Pagkaharap ko mismo doon ay isang malakas at napakalamig na hangin kaagad ang sumalubong sa akin. Bagay na nagdulot ng hilakbot sa akin.
Para na akong maiihi sa takot ng sumabay pa ang pagkurap-kurap ng bumbilya ng ilaw. Tila sinasadya na ako'y takutin upang lisanin na ang kanilang lugar-aliwan—ang aming opisina tuwing sasapit ang gabi.
Butil-butil na rin ang aking pawis sa sobrang takot at kaba. Animo'y isang atleta sa larangan ng takbuhan kaya't ganoon na lamang ang pawis sa aking noo maging sa ibang parte ng aking katawan.
Mas binilisan ko pa ang aking bawat galawa. Tinutok ang buong atensyon at ibinigay ang buong husay sa larangan ng kompyuter upang matapos ang aking ginagawa.
Sa sandaling pagkawala ng aking takot ay nakahinga ako ng maluwag. Ngunit hindi ito nagtagal sapagkat isang mahinang bulong ang aking narinig.
"Umalis ka na!" Ang eksaktong salita na nagdulot ng kakaibang pakiramdam sa aking katawan. Tila nagyelo ako sa aking kinauupuan.
Saglit na pumasok sa aking isipan na itigil na ng aking ginagawa at umuwi na lang. Pero hindi maari. Ito ang magpapakain sa aking pamilya at tutupad sa matagal ko ng pangarap kaya kahit anong klaseng halimaw ay hindi ko dapat katakutan. Hindi dapat ako magpadala sa mga kung ano-anong kalokohan na aking naiisip.
Muli kong sinariwa ang kwentuhan ng aking mga kapwa empleyado noong nakaraang araw. Nang gabihin daw ng uwi si Leo dahil sa dami ng trabahong tinapos ay may nakita raw itong multo. Isang lalaking nakakadiri ang mukha at tila galit na galit sa lahat ng taong gumagambala sa lugar na ito. Magmula ng makita niya iyon ay hindi na siya pumasok pa. Inisip lang namin na baka tinamad lang. Ngunit nabalitaan na lamang namin na nagpakamatay ito ngunit walang sino man ang nakakaalam ng tunay na dahilan kung bakit niya ginawa ang bagay na iyon.
Ang balitang iyon ay naging isang malaking palaisipan sa lahat, ngunit hindi para sa akin.
Isang bagay ang agad na pumasok sa aking isipan. Marahil ay sinundan siya ng kaluluwa na kanyang nagambala na sya mismong naging dahilan upang kitilin niya ang kanyang sariling buhay.
Matalik na kaibigan ko si Leo kaya't alam kong hindi iyon matatakutin sa mga multo o kung ano-anong katatakutan na bunga lamang daw ng malikot na imahinasyon ng tao. Sa katunayan ay mas takot ako sa multo kumpara sa kanya. Bagay na ipinagtataka ko.
Maraming kwentong kababalaghan ang narirnig ko sa gusaling ito simula ng magtrabaho ako. Dati raw itong morgue kaya siguro maraming kaluluwa ang nagpaparamdam sa mga empleyadong nahuhuli ng uwi. Maging ang guard dito ay hindi nagtatagal dahil hindi kinakaya ang sobrang takot. May iba rin na nagsasabing dati daw itong sementeryo.
Maraming beses na itong pinabendisyunan ngunit hindi pa rin nawawala ang pagpaparamdam ng mga kaluluwa. Kahit hindi pa ako nakararanas ng mga ganoong bagay ay labis ang takot ko. Kung hindi lang talaga kailangan tapusin itong ginagawa ko ay kanina pa ako umuwi.
Mula sa aking pambisig na orasan ay nakita kong alas-otso y media na ng gabi. Tatlong oras na mahigit ang lampas sa aking nakatakdang pag-uwi mula sa trabaho. Muli ko namang ipinagpatuloy ang aking ginagawa. Kanina pa sana ako tapos kung hindi lang nagkaroon ng konting aberya sa mga files na binubutingting ko.
Tahimik na muli sa buong paligid. Huni ng mga panggabing ibon na lamang ang aking naririnig bukod sa sariling paghinga at tunog na nililikha ng pagtipa sa keyboard. Sandali akong napahinto sa aking ginagawa ng makarinig ako ng ilang yabag mula sa labas. Naging alerto naman ang aking buong sistema. Ipinokus ko ang aking paningin sa bawat sulok ng kwarto na aking kinalalagyan. Sinisiguradong wala akong ibang kasama. Kahit may nararamdaman na akong kakaiba.
Mababakas sa aking mukha ang labis na takot. Kahit gustuhin ko man na umuwi ngayon at humarurot ng takbo mula sa ikaanim na palapag ng gusaling ito ay hindi ko magawa. Tila napako ako sa aking kinauupuan.
"M-may t-tao ba dyan?" Kahit nanginginig ay pilit kong isina-tinig ang aking nais sabihin.
Walang sagot akong narinig. Lumakas ang hangin sa loob ng opisina. Nagliparan ang ilang mga papel at nagkalat ito sa sahig. Doble ang takot at kaba na aking nararanasan kumpara kanina. Gayunpaman ay hindi ako nagpadala. Marahang dasal na lamang ang aking inusal at muling nagpatuloy sa aking ginagawa. Ilang minuto na lang ay tiyak matatapos ko na ito. Alam kong mapagtatagumpayan ko ang isang ito sapagkat gaya ng sabi ko ay huling araw ko na rito bilang empleyado.
Wala ng iba pang dapat maging problema. Aalis ako dito ng malinis at walang bahid ng ano man.
Ngunit iba yata ang nais mangyari ng kapalaran. Muli akong nakarinig ng mga yabag. Mas malalakas at mas marami kaysa sa nauna kong narinig kanin lang. Sa pagkakataon na ito ay pinilit kong silipin ang hallway sa labas ng opisina.
Isang mahabang buntong-hininga ang aking pinakawalan. Inipon ko lahat ng natitira kong lakas ng loob at saka tuluyang tumayo mula sa aking kinauupuan. Walang multo! pagkumbinsi ko sa aking sarili.
Ang kaninang mga yabag na aking narinig ay nawala ng malapit na ako sa pinto. Hindi na sana ako tutuloy sa pagsilip kung mayroon nga talagang nagpaparamdam na kaluluwa ng makarinig ako ng nakakahilakbot na tinig. Isang boses na tila galing hukay. Agad akong napalayo mula sa pinto at sumiksik sa ilalim ng aking mesa. Kilala ko agad kung kanino nanggaling ang boses na iyon. Hindi ako maaaring magkamali. Mas lalo akong nagimbal ng bigkasin niya ang mga salitang kahit kailan ay hindi ko nais marinig. Nanindig ang aking mga balahibo. Nanuyo ang aking lalamunan sa labis na takot. Tila naubusan ng dugo ang aking mukha sa sobrang putla. Wala na akong kawala pa. Sapagkat ito na ang nakatakda kong katapusan. Mawawala na ako sa aking mundong ginagalawan.
"Alejandro Villanueva, taas ang mga kamay!" sambit ng tunay kong kaaway na siyang aking lubos na kinatatakutan. Agad kong itinaas ang aking kamay. Ipinapahiwatig ang pagsuko sa mga alagad ng batas. Patong-patong na kaso ang aking kakaharapin. Dahil sa malaking kasalanan na aking ginawa. Hindi ko na muling magagatasan ang kaban ng bayan. Dahil bukod sa nahuli na ako sa aktong pagnanakaw ay iba na ang nahalal at uupong Mayor sa aking siyudad. Simula bukas, siguro'y wala ng korapsyon sa pamahalaan.
W A K A S .--
Please do Votes. And leave some comments if you like the story. Thank you very much.-ImGrey
BINABASA MO ANG
Kurap [Isang-Bira]
HorrorAng mahuli sa lugar na kasumpa-sumpa ay siguradong mawawala. Sapagkat ang pagkurap ng iyong mga mata'y hindi mo na dapat ginawa.