Hinabol ko ang huling tricycle na maghahatid ng mga estudyante sa unibersidad namin. Tagaktak na ang pawis ko at amoy usok na din ang uniform ko, pati buhok ko gulo gulo na. Kung minamalas ka nga naman oh!
Napatingin agad ako sa himpapawid ng may pumatak na basa sa pisngi ko at hindi nga ako nagkakamali! Umaambon na!
"Aish! Ano ba naman yan Candy! Araw mo ba talaga ngayon?!" Pagsigaw ko sa sarili ko.
Tumakbo ako patungo sa waiting shed at nagbabakasali na sana ay may dumaan na tricycle kahit na alam ko naman na wala na. Tatlong tricycle lang kasi ang bumabyahe papuntang unibersidad eh. Iilan lang din naman kami ditong nagtatricycle dahil karamihan ay may sariling sasakyan. Inagahan ko na nga ng gising eh para makasakay na ako kaso wala parin! Nakakainis. Kagaya ng araw araw na ginagawa ko kada maiiwanan ako ng tricycle na maglalakad sana ng ilang oras bago makasakay papuntang unibersidad eh hindi ko naman magawa dahil umuulan na!
"Sana naman may anghel na bumaba dito at tulungan ako." Pumikit ako at nagdasal na sana kahit tumila nalang ang ulan. Makapasok lang talaga ako.
Peeeeep peeeep!
'Ay puting tupa!' Inis na sigaw ko sa isip ko ng may bumusina ng pagkalakas lakas! Dumilat ako at nagsisi ako. Sana pala pumikit nalang ako!
"Sup Candy! Waiting for a miracle?" Aniya at tinanggal ang suot niyang shades. Hayuf, shades eh umuulan?
Umirap ako at hindi siya pinansin. Please Lord, ilayo niyo ko sa demonyong 'to. Anghel po ang kailangan ko. Napabuntong hininga ako ng mapansin kong 15 minutes na ang nasasayang sakin. Mukhang walang balak tumigil ang ulan ah!
"C'mon, sabay ka na sakin. Kawawa ka naman jan eh, mukha kang pulubi."
"Hindi ko ho kailangan ng tulong mo, at mas lalong hindi ako sasakay jan sa sasakyan mo. Mamaya kung saan mo pa ko dalhin eh."
"Assuming ka din no Candy? Ikaw din, may quiz pa naman sa Economics. Bye Candy!" Tinaas niya ang bintana ng sasakyan niya at pinaharurot ang sasakyan.
Aish! May quiz nga pala kami ngayon! Di lang basta quiz no! Dahil LONG QUIZ yun. Literal na long!
"Choosy mo pa kasi Candy eh! Paano na yan? Paano ka na makakapasok ngayon eh sinayang mo yung chance?! Aghhhh stupid me!"
Nagpapapadyak ako doon at naiiyak na dahil mukhang wala na talagang pag-asa. Magkaka-singko na naman ako sa Economics neto eh! Ang hirap pa naman paki-usapan ng prof ko dun!
Kinuha ko sa bulsa ang phone ko para sana itext si Cara, bestfriend ko. Pero pagtingin ko sa phone ko eh dead batt na! Sinusumpa ko talaga tong araw na to! Kung pwede lang talaga sana mag-teleport eh, ginawa ko na!
"Miss?"
Napalingon naman ako sa lalaking tumawag sakin. May nakasubong lollipop na naman sa bibig niya at nakangiti habang nakatingin sakin.
"Uh, yes?"
"Kaklase kita diba? Tara, sabay ka na. Wala ng dadaan na tricycle dito."
Napapikit naman ako. Nakakahiya pero kasi ayokong umabsent! Sayang yung grade at attendance. Kung bakit ba naman kasi umulan eh! Ayan tuloy kailangan ko pang makisabay sa mga taong to!
"Eh ano, ayos lang ba?" Nahihiyang tanong ko.
Tinanggal niya ang lollipop sa bibig niya at inabutan ako ng payong.