Ang araw ay lumipas at tuluyang nanahan ang takot sa ugat ng punong kinakapitan ng dahong natutuyo.Nagpatuloy ang pagsikat at paglubog ng araw sa kanyang kandungan.Sumilay ang pag-asang muling magiging luntian pang muli.Nanariwang muli ang dahong pinanawan ng kulay at nagbigay-kulay sa punong nalulumbay.Naging masigla ang dahon at nagigng maharot ang hangin sa kanya.Subalit isang araw ay hinagupit ng malakas na hangin ang puno at pilit itong pinasasayaw sa tugtuging kailanman ay di pa nya napakinggan. Napilitang makipagsayaw ang puno sa hangin maging ang dahon ay nakipagsayaw na rin. Kahit hirap ay pinilit nilang makasabay sa indak subalit sumuko ang dahong bago lamang nakabawi sa hapo at tuluyan itong nalaglag sa lupa.Tuluyan itong nakihalubilo sa kakulay na lupa.Wala na itong ipinagkaiba sa nilikha ng Diyos na nagmula sa alabok...Sumapit na nga ang taglagas at ang dahon ay nalaglag sa dapat kalaglagan.
Halos mabuwal ang puno sa hapding dulot ng pagkawalay ng dahon sa kanyang katawan.Halos masaid ang katas ng kanyang katawan sa patuloy na pagdaloy mula sa sugat na iniwan ng dahon.Hanggang sa mapagod ang puno at tuluyang malugmok dahil sa hapdi .Namanhid ang kanyang kalamnan at halos mapugto ang kanyang hininga.Nang magsawa ang katas ay wala itong iniwan kundi isang pilat na kailanman ay di mapaghihilom ng panahon...isang pilat na magiging bahagi ng ng katawan ng puno hanggang sa kahuli-hulihang lakas na maipagkakaloob niya sa mundo.
Lumipas ang taglamig...tag-ulan...tag-init ngunit ang alaala ng taglagas ay di kailanman mabubura sa kasaysayan ng puno. Muli mang magkakadahon ito at mamumulaklak subalit ang dahong minsang nalagas ay mananatili sa puso ng punong naging kanyang tahanan at mananatili syang mananahan doon magpakailanman.