Day 1

280 20 1
                                    

Day 1

Ikalawang araw ni Redder sa loob ng basilica sa nasa ibayo ng kontinente ng Ridre at pag-aari iyon ng isang Konde.

Nanatili lamang siya sa loob ng seldang ginagawang kuwarto ni Blair. Habang matyaga niyang binabantayan ang mabagal na transpormasyon ng kanyang unico hijo, pinagdaop niya ang kanyang mga palad dahil sa panginginig ng mga iyon at ayaw niyang may kahit sino'ng makapansin—lalung-lalo na ang Diablo.

Naalala na rin lang niya, ang panginoon ng lagim na si Div Umbra ay saktong pumasok sa loob ng selda at tanging malamig na tingin ang ipinukol nito sa kanya. "Bakit hindi ka gumawa ng kahit ano'ng may kabuluhan kaysa ang tumanga ka lang riyan magdamag? Wala akong tiwala na binabantayan mo ang batang iyan. Baka mamaya ay aksidente mo pa siyang maisumpa."

Hindi iyon isang makapangyarihang utos mula kay Div Umbra kaya nakaya pa ni Redder na pigilan ang pag-iisip na lumabas ng selda. Nanatili siyang nakaupo sa silya at itinuon ang atensyon sa anak na para bang wala sa paligid ang Diablo.

Ang katawan ni Blair ay unti-unting nagbabago at nagsasahalimaw. Nagbubuga ang malaking bibig nito ng kung anong likido na nakakaalarma ang kulay at may napakasangsang na amoy.

"Hindi mo ba ako naririnig?" Galit nang sabi ni Div Umbra. Ang ayaw niya sa lahat ay iyong hindi siya pinapansin ng kanyang kausap. "Ang sabi ko ay llumabas ka!"

Ang salita niya ay makapangyarihan para sa kanyang familiar na si Nyx, at ang kapangyarihan ng Nyx ay nasa loob ng katawan ni Redder. Biglang natigilan si Redder. Pagkatapos, parang wala sa sarili siyang tumayo. Limitado lamang ang kilos niya na waring isa siyang manikin na pinapagana ng mga pisi. Lumakad siya at lumabas ng selda nang walang kaimik-imik.

Paglabas na paglabas niya ng selda, doon na lang nagbalik ang kanyang huwisyo.

Kinuyom ni Redder ang kanyang mga palad. Sa loob-loob niya ay para siyang sasabog sa galit ngunit hindi niya iyon kayang ipakita.

Ipinanganak naman talaga siyang walang kaalam-alam sa mga emosyon. Dati ay mayroong nagturo sa kanya ng iba't ibang uri ng ekspresyon, kung paano iyon nararamdaman at kung paano iyon ipapakita.

Sadyang hindi natuto si Redder dahil napag-isip-isip rin niya kaagad na hindi importante ang pagpapakita ng emosyon dahil kahit na sinong kaharap niya ay gustung-gusto ang kanyang hitsura anuman ang ipakita niyang ekspresyon.

Tumayo si Redder sa gitna ng pintuan ng selda ni Blair at nakatingin sa loob. Kahit na ano'ng gawin niya ay hindi siya makahakbang papasok. Ang kapangyarihan ng Nyx na nasa kanya ay si Div Umbra lamang ang sinusunod.

Sa kasamaang palad ay hindi pa niya iyon kayang ibalik nang buo sa Diablo. Sumalo na ito sa kanya at parang ito pa ang nagpapanatili sa kanyang buhay ngayon. Malaki ang naging pinsala niya dahil sa pagkabigo niyang maglakbay sa Sveglio.

Maaari naman niyang pakawalan ang kapangyarihan ng Nyx ngunit panaka-naka lamang. Kapag inalis ito nang biglaan sa kanyang sistema ay baka ikamatay niya.

Wala pa siyang balak na mamatay sa ngayon. Hindi pa, hangga't hindi pa natatapos ang proseso ng transpormasyon ni Blair.

Humarap si Div Umbra sa pintuan. Lalabas na rin siya ngunit nakaharang si Redder sa kanyang daraanan. Wala siyang iniutos na kahit ano kay Redder. Hinawi lang niya ito para tumabi pero hinila niya ang isa nitong braso.

"Magtsaa tayo... para may magawa tayo," sabi ni Div Umbra sa kanyang normal na tono ng pananalita.

"At sasabihin mong may kabuluhan ang pagtsatsaa sa mga oras na ito? Wala akong balak na magtsaa, lalo na kung kasama ka," protesta ni Redder ngunit hindi naman niya binabawi ang braso na hawak pa rin ng Diablo.

Six Days Tea for TwoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon