Day 2
Umalis ng basilica si Div Umbra ngunit mahigpit nitong ipinagbawal kay Redder ang pagpasok sa seldang kinaroroonan ni Blair.
May kalahating oras ding nakasilip si Redder sa siwang ng pinto para tingnan ang mas lalo pang paglaki ng pisikalidad ng kanyang anak. Isa na ito ngayong napakalaking halimaw na balot sa napakalagkit at masangsang na substansya.
Lumayo na rin si Redder sa pinto. Ayaw man niyang iwan ang anak, hindi nga dapat siya masyadong lumapit dito.
Nilakad ni Redder ang kahabaan ng pasilyo. Sinundan lang niya ang pinakamalakas na aura na nakasentro sa isang silid na nasa pinakadulo lang ng kabilang pasilyo.
Bukas ang naglalakihang magkatuwang na pinto ng kuwartong tinutunton ni Redder at kaagad siyang pumasok sa loob.
Tumambad sa kanya ang isang napakalaking silid na sa pinakagitna ay mayroong danaw na walang tubig. Ngunit ang talagang pumukaw sa kanyang atensyon ay ang napakagandang landscape painting na sinakop ang lahat ng mga pader ng silid.
Ang lugar na nakasalarawan sa painting sa pangkalahatan ay balot ng kadiliman at kapanglawan. May mga bahaging daig pa ang dinaanan ng matinding sakuna habang may iba na maituturing na paraiso.
Nasa dingding at kasalukuyang nagpipinta ang master ng basilica, ang mahal na Konde. Mahaba ang buhok ng Konde at sa unang tingin ay mapagkakamalan itong babae, ngunit hindi na rin dahil kitang-kita naman sa katawan nito na ito'y lalake. Paano'y roba lamang ang suot nito at hindi pa iyon nakatali nang maayos.
Puno ng samu't saring kulay ang isang kamay ng Konde habang ang kabila ay may hawak-hawak na pinsel. Nang magtama ang kanilang paningin, ngumiti ang Konde.
Si Redder ang agad na nagbawi ng kanyang paningin dahil mas pinagtuunan niya ng pansin ang obra ng Konde. "Pamilyar sa akin ang lugar na iyong ipinipinta..."
Mahinang natawa ang Konde. Mayamaya ay naglaho ito mula sa puwesto nito sa pader at sa isang iglap ay nasa harap na mismo ito ni Redder. "Ikaw rin... pamilyar ka sa akin."
Sinuring maigi ng Konde ang bampirang kanyang kaharap. "Palagi kang nababanggit ng diablo... Tinatawag ka niyang 'payaso'..."
Kaagad na nagpanting ang tainga ni Redder sa sinabi ng Konde ngunit nanatiling payak ang ekspresyon sa kanyang mukha.
Dumapo ang kamay ng mahal na Konde sa pisngi ni Redder. "Kung ikaw ay 'kanyang' payaso... ibig sabihin nu'n ay ikaw lang ang may kakayahang mapatawa ang bugnuting Diablo."
May gusto sanang itanong si Redder ngunit may malakas na puwersa mula sa kanyang likuran ang humila sa kanya. May marahas ding kamay ang tumakip sa kanyang mga mata. "Ano'ng ginagawa mo ritong Payaso ka?"
Hindi man niya nakikita, boses pa lang ay kilalang-kilala na ni Redder kung sino ang nasa kanyang likuran. Dumating na ang Diablo.
"Nakita ko na ang mapa..." kalmadong sabi ni Redder dito. "Wala nang saysay kung tatakpan mo pa ang aking paningin kaya alisin mo na iyang kamay mo. Isa pa, wala naman akong balak na maglakbay sa Praragas... isang kasumpa-sumpang lugar ng mga walang kuwentang diablo..."
Naramdaman na lamang ni Redder na mas humigpit ang pagkakahawak sa kanya ni Div Umbra, parang gusto na siya nitong durugin ngunit nagpipigil pa rin.
Ilang sandali pa ay narinig niya ang hagikhik ng Konde. "Aba... hindi ko inaakala na nakakaaliw pala kayong makitang magkasamang dalawa..."
"Manahimik ka, Eros!" Bulyaw ni Div Umbra sa Konde.
Halos kaladkarin na ni Div Umbra si Redder palabas ng silid ni Eros. Bumalandra si Redder sa pader nang bitawan siya ni Div Umbra.
BINABASA MO ANG
Six Days Tea for Two
FanfictionTwo mortal enemies. Cozy kitchen. Tea time. For six days A fan fiction of Div x Redder Universe: FMBB