Day 3

145 19 3
                                    

Day 3

Pansamantalang inokupa ni Redder ang isang silid sa mataas na palapag ng basilica. Bago siya magtungo ngayong araw sa kusina, balak niyang dumaan muna sa selda ni Blair upang malaman kung ano na ang lagay nito kahit sandali lamang.

Kasalukuyang nagbibihis si Redder ng kanyang pang-itaas nang mapatingin siya sa sariling repleksyon sa lumang body mirror na nasa silid. Matagal na niyang hindi tinitingnan ang sarili sa salamin. Ganoon pa rin naman ang makikita niya dahil walang nagbabago sa kanya.

Bumaba ang paningin niya sa mahabang pilat na nasa kanyang tagiliran. Hindi iyon magandang tingnan ngunit nagpasya siya na mananatili iyong nasa kanyang katawan, isang simbulo hindi ng kanyang nagdaang paghihirap, kundi ng kanyang kalayaan.

Dahil malalim ang iniisip, hindi niya inasahan ang biglaang pagbukas ng pinto. Pabalibag pa iyon. Pumasok ng silid ang Diablo na mukhang masama ang gising, kung natulog man ito.

Nilingon ito ni Redder na nasa aktong itataas pa lang ang manggas ng kanyang damit, "Hindi ka ba marunong kumatok?" Kaagad na tinakpan ni Redder ang kanyang tagiliran upang hindi makita ni Div Umbra ang pilat niya. "At nakita mo namang nagbibihis pa lamang ako."

Sinamaan pa lalo siya ng tingin ni Div Umbra. "Hindi ko kailangang maging magalang sa iyo. Isa pa, wala ka namang kailangang itago. Nakita ko na iyang pilat mo."

"Huh?" Saglit na may rumehistrong pagkagulat sa mukha ni Redder. "Nakita mo na ang pilat ko? Kailan?" Kahit isipin niya, wala siyang naaalalang humarap siya kay Div Umbra nang walang pang-itaas kaya paano nangyari iyon? Hindi kaya ay may balak lang itong inisin siya?

Lumapit si Div Umbra kay Redder at pagkatapos ay hinaklit niya ang braso ng huli. "Noong humingi sa akin ng tulong ang iyong anak para paliguan ka. Kaya huwag ka nang mag-inarte at halika na. Gusto kong makita mo ang nangyayari ngayon sa katawan ng bata kung normal ba iyon."

Napansin ni Div Umbra na nawalan na ng imik ang Payaso. Nagpahila lang ito sa kanya hanggang sa makarating sila sa selda kung nasaan si Blair.

Sumandal si Redder sa pinto at sumilip sa siwang. Halos kalahati ng loob ng selda ay balot sa sapot na kulay pilak. Nasisiguro ni Redder na ang pinakaprominenteng umbok ay ang malahalimaw na uod na siyang pinakahuling naging hitsura ni Blair bago nito nabalot ang sarili sa sapot.

Tila nabunutan ng tinik sa lalamunan si Redder. Mula rito, maayos na ang lahat. Ang tanging hihintayin na lamang ay ang paglabas ng bagong Blair.

"Normal lang ba iyan?" Pukaw sa kanya ni Div Umbra.

Nang mapatingin si Redder sa Diablo, naisip niyang muli ang tungkol sa sinabi nito kanina. Nang magbaba siya ng paningin, napansin niya na hindi pa niya naibubutones ang kanyang pang-itaas. Mabilis siyang nagbutones pero dahil sa puwersa ng kanyang kamay, natanggal lamang ang isa.

"Tinatanong kita, Payaso!" Nagtaas na ng boses si Div Umbra subalit hindi pa rin siya nasagot ni Redder.

Nayakap ni Redder ang sarili at saka humakbang patalikod. "Huwag kang lalapit sa akin, Diablo!"

Sa inis ni Div Umbra, hinila niya si Redder at sapilitan itong isinandal sa pader. Hinawakan niya ang magkabilang pulsuhan ng Payaso at maging ang mga iyon ay inilapat niya sa pader para hindi na ito makapalag sa kanya. Tinitigan ni Div Umbra ang Payaso sa mga mata nito. "Sinasadya mo ba talagang sagarin ang pasensya ko? Kapag may tinatanong ako, ang gusto ko ay sagutin mo kaagad! Ano na ang kalagayan ng bata?!"

"Maayos siya. Bitawan mo na ako—!"

"Ehem," narinig nilang pareho ang pagtikhim ng kadarating lamang na Konde. Ngingiti-ngiti si Eros nang lingunin nila ito. "Gusto ko sanang makita ang kalagayan ni Lord Blair pero mukhang hindi dapat ako nandirito. Pasensya na kung nakaabala ako."

Six Days Tea for TwoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon