Day 4

165 18 1
                                    


Day 4

"Masarap ba?" Tanong ni Div Umbra kay Redder.

"Huh?" Iyon lang ang lumabas sa bibig ni Redder dahil hindi niya inaasahan ang tanong. Bigla niyang natakpan ang kanyang mga labi.

"Umaasta kang tanga," puna sa kanya ni Div Umbra. "Tinatanong ko lang kung masarap ang tsaa."

Inialis na ni Redder ang kamay sa mga labi at muling inangat ang kanyang teacup. "Oo... masarap ang tsaang Oolong na ginawa mo."

Hindi man kasing tapang ng mga black tea o kasing sarap ng mga green tea ang oolong tea, mayroon naman itong napakabangong aroma. Palagi itong naikukumpara sa lasa at bango ng mga sariwang bulaklak or kaya ay mga sariwang prutas.

Binababad ang Oolong sa temperature na ilang degrees na mas mababa sa boiling point ng tubig. Sa isang tradisyunal na tea ceremony sa Tsina, ang unang salin ng Oolong tea ay itinatapon at ang ikalawang salin ang puwede nang inumin.

Walang partikular na hiniling na tsaa kahapon si Redder. Si Div Umbra ang namili ng kung anong tsaa ang ihahanda sa araw na ito.

Matamang tinitigan ni Div Umbra si Redder. "Mukhang maraming gumugulo sa isip mo ngayong araw."

Bumaling si Redder sa bintana ng kusina. Malakas ang ulan ngayong araw. Kinagabihan pa iyon nagsimula at hanggang ngayon ay hindi pa tumitila. "Baka dahil sa panahon. Hindi ko gusto ang ulan."

"Parang hindi naman iyan dahil sa ulan," ani Div Umbra. Hinawakan niya si Redder sa pisngi at ipinaling muli ang mukha nito paharap sa kanya. "Baka dahil hindi mo makalimutan ang halik ko."

Maingat na inilapag ni Redder ang kanyang teacup sa saucer nito bago niya hinawi ang kamay ng Diablo. Puno ng kaseryosohan ang kanyang anyo. "At ang lakas naman ng loob mo na sabihin iyan. Akala mo ba ay nagustuhan ko iyon? Teka—" Sumandal pa lalo si Redder sa mesa. "Hindi ba ikaw naman ang humalik sa akin? Bakit ba? Pinagnanasahan mo ba ako nang palihim?"

Padabog na ibinagsak ni Div Umbra ang hawak niyang teacup. "Ang kapal naman ng mukha mo. Hindi ba at tinitingnan mo ang sarili mo sa salamin? Sabihin mo nga kung ano ang kanasa-nasa sa iyong Payaso ka?"

"Umamin ka na," mapang-asar na ang tono ni Redder. "Para ngayundin ay tatanggihan na kita."

"Manahimik ka nga, Payaso. Masyado kang papansin," iritableng sabi ni Div Umbra sa kanya. Walang ideya ang Payasong kaharap kung gaanong pagtitimpi ang ginagawa niya kapag kaharap ito.

Bumuntong-hininga siya. "Pero kung hindi ko ginawa iyon, hindi natin malalaman kung paano mabilis na maisasalin pabalik sa akin ang kapangyarihan ng Nyx."

Dahil sa palaging mas nauuna ang pagkainis ni Div Umbra kay Redder, hindi na niya gaanong napagtutuunan ang ibang mahalagang detalye. Gaya ng sa bibig ni Redder niya pinadaan ang kapangyarihan ni Nyx.

Kahapon, nang halikan niya ang Payaso sa mga labi nito na ang balak niya ay para pahiyain lamang ito, may nangyaring kakaiba. Ang paglalapat ng kanilang mga labi ang gumising sa kapangyarihang itim at awtomatiko itong na-a-absorb pabalik sa katawan ni Div Umbra. Ngunit hindi agad-agad. Nadiskubre ni Div Umbra ang karupukan ng katawan ni Redder. Hindi nito makakaya kaagad na mag-regenerate kaya kailangan ay unti-untiin ang pagsasalin pabalik ng kapangyarihan.

Mayroon na lamang tatlong araw para matapos ang Riassegnare ni Blair kaya napagpasyahan nina Div Umbra at Redder na isang beses kada araw nila gagawin ang pagsasalin.

Iniangat ni Div Umbra ang takure at pinakiramdaman kung gaano pa karami ang laman niyon. "Nangangalahati pa lamang ito. Kapag naubos na, gawin na natin ang susunod na pagsasalin."

Six Days Tea for TwoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon