Day 6
Huminto na rin ang ulan at sumikat na ang araw.
Sakto sa antisipasyon ng mga nasa basilica ng Konde, iniluwal na ng cocoon si Blair. Siniguro ni Redder na sa pagkakataong ito ay nasa tabi na siya ng kanyang unico hijo. Hinagod-hagod pa niya ang cocoon para makondisyon ito at madaling mailabas ang katawan ni Blair. Natagalan ang proseso dahil sa mga pakpak nito sa balikat.
Hinawakan lamang ni Redder ang dugtungan ng mga pakpak ni Blair at naglaho na agad ang mga iyon. Malamang ay naging kalbaryo ni Blair ang mga pakpak nito dati. Wala siya noong sumailalim ang anak sa una nitong transpormasyon. Ni wala siyang naibilin dito.
Pinunasan niya ang mukha ng anak at pinagmasdan niya ito. Hindi niya lubos-maisip kung ano'ng sakit ang pinagdaanan ni Blair dati. Ang mahalaga ay ang ngayon. Hindi na nakaramdam ng sakit si Blair. Magiging maayos na ang lahat para dito.
Bumaling si Redder kay Div. "Tulungan mo ako na malinisan siya."
Walang sinabing kahit na ano ang Diablo ngunit tinulungan naman siya nito. Nilinisan nila si Blair. Nakiusap rin si Redder na maghanap ng kabaong para dito.
Nakakita si Div Umbra ng kabaong sa stock room na pinaglalagyan ng mga gamit pangmisa. May kalumaan na iyon ngunit maaari pa ring gamitin.
Habang naghihintay kay Div Umbra, pinutulan naman ni Redder ang mahabang buhok ni Blair. Inilagay nila sa loob ng kabaong ang natutulog na si Blair ngunit hindi muna isinara ang takip.
Nagpatawag si Eros ng Porter ngunit may dalawang oras pa bago iyon makakarating, sakto iyon na papalubog ang araw.
"Tsaa?" Alok ni Redder kay Div Umbra. "Ako na ang gagawa ng tsaa ngayong araw."
Tango lang ang isinagot sa kanya ng Diablo.
Sa huling pagkakataon, tumungo sila ng kusina; at sa panghuling araw, ang tsaa na inihanda ni Redder ay ang green tea. Kasama iyon ng white tea na dinala kahapon ni Div Umbra.
Kaiba sa mga nainom na nilang tsaa nitong mga nakaraang araw, sariwa ang green tea. Hindi ito pinalanta, pinatuyo, o pinausukan.
Hindi ganoon katapang ang lasa ng green tea. Ibinababad ito sa mas mababang temperatura; mas maganda ang kalidad ng tea leaves, mas mababa dapat ang temperatura ng tubig.
Sa unang serving nila ng tsaa, wala sa kanilang dalawa ang nagsalita ngunit nakatingin lamang sila sa isa't isa.
Si Redder ang unang bumasag sa katahimikan pagbaba niya ng walang laman niyang teacup. "Tama ang ating kalkulasyon. Makakaya ko nang ibalik sa iyo ang natitira pang kapangyarihan ng Nyx sa loob ko. Nararamdaman ko na makakaya ko na iyon."
Kinuha ni Div Umbra ang takure at sinalinan ang teacup ni Redder. "Sana nga ay makaya mo. Nakakahiya naman kasi kung dahil lang sa suporta ng aking kapangyarihan kung bakit ka nakakakilos nang maayos ngayon."
"Huwag mo akong patawanin, Diablo," ani Redder.
"Hindi ko gawain ang magpatawa. Gawain iyon ng mga payaso," balik naman sa kanya ni Div Umbra.
Saglit na sumulyap si Redder sa may bintana. "Maaalala ko ang mga hapon na nandito tayo, lihim na namumuhi sa isa't isa ngunit ang ginagawa natin ay namamahinga at nagtsatsaa. Kakatwa..."
Mabilisang sumimsim si Div Umbra sa kanyang teacup. "Ang maaalala ko lang ay ang mga katangahan mo."
"Ayoko ng ganoon," sabi naman ni Redder. "Nakalimutan mo na ba ang sinabi ko kahapon? Ang gusto ko ay palagi mo akong hinahanap... kaya dapat ay palagi mo akong maaalala."
BINABASA MO ANG
Six Days Tea for Two
FanfictionTwo mortal enemies. Cozy kitchen. Tea time. For six days A fan fiction of Div x Redder Universe: FMBB