"Masaya ka ba?" tanong niya sa'kin. Tumingin ako sa kaniyang mga mata ngunit mabilis na nag-iwas din ng tingin. Hindi ko kayang matagalan ang ningning ng liwanag sa kaniyang mga mata, dahil tila nilalamon ako ng mga ito. Sa halip ay yumuko ako.
"Tinatanong kita, naging masaya ka ba?" muling tanong niya.
Nag-angat ako ng ulo subalit hindi ko siya sinulyapan. Hindi ko alam ang isasagot ko sa kaniyang tanong.Napa-atras ako nang maramdaman ko ang palad niyang tumatapik sa aking balikat.
Sa isang iglap ay natagpuan ko ang sarili ko sa tuktok ng isang talampas na nasa gitna ng isang malawak na lawa. Hindi ko siya nakikita subalit ramdam ko ang kaniyang presensiya. Binubulungan ako ng hangin. "Magmasid ka at iyong makikita."
Iginala ko ang aking paningin, sa kakahuyan, sa ulap hanggang sa lawa. Unti-unti iyong nagbago ng kulay. At tila isa itong telebisyon kung saan buhay ko ang palabas.
Lahat nang paghihirap ko, ang aking mga sakripisyo at sa huli'y ang aking pagsuko.Nanikip ang aking dibdib, ramdam kong umiiyak ako subalit walang luhang dumadaloy sa aking mga mata.
"Naging masaya ka ba?" tanong niyang muli. Sa pagkakataong ito'y tinitigan ko na siya. Malungkot na umiling ako.
"Nakalimutan mo ang aking ikalawang utos. Mahalin mo ang 'yong kapwa kapara nang pagmamahal mo sa iyong sarili," nakangiting wika niya.
Nanlaki ang aking mga mata nang maramdaman ko ang pagtibok ng aking puso.
"Isang beses pa," wika niya habang nilalamon ako ng liwanag.
BINABASA MO ANG
From Quotes to Stories
RandomAng librong ito ay naglalaman ng iba't ibang kwento mula sa iba't ibang mga manunulat sa bansa. Ang mga kwentong inyong mababasa ay pawang mga interpretasyon ng mga manunulat sa mga siping ibinigay ng grupo.