Ituro Mo Sa Akin

15 1 2
                                    

Turuan mo ako kung paano bumitaw...

Kung papaanong buksan ang mga kamay at hayaang unti-unting kumalas ang kapit mo sa aking balintataw.

Ituro mo sa akin kung paano mo binitawan ang aking kamay...

Upang magawa kong iwaksi ka na ng tuluyan sa aking malay.

Turuan mo ako kung paanong buksan ang aking mga bisig...

Upang magawa kong alisin ang pagkakayakap ko sa alaala ng malamyos mong tinig.

Ituro mo sa akin kung paano mo tinalikuran ang mga masasayang sandaling ating pinagsaluhan...

Upang di ko na muling gunitain ang mga sandaling tayo ay masaya at di alintana ang kinabukasan.

Turuan mo ako kung paano lumimot...

Kung paanong burahin ang pakiramdam ng mga haplos mong hanggang sa kaluluwa ko'y nanunuot.

Ituro mo sa akin kung paano mo ginawang basta na lamang akong nilisan...

Upang magawa kong hindi na muling hanapin ang matamis mong ngiti sa tuwing magigising ako sa kalaliman ng gabing ramdam ko ang kawalan.

Turuan mo ako...

Kung paano maging malaya sayo.

Ituro mo sa akin...

Kung paanong hindi ka na mahalin.

©

Ituro Mo Sa AkinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon