Prologue
Lahat tayo nakakaranas ng kababalaghan kagaya ng paglabas ni Sadako sa balon, o ang pagchamba mo sa isang exam, o kaya pagkapatay ng iyong kuko (bigyan mo yan ng 21 guns salute at magarbong libing) pero yung kababalaghan na naranasan ko ay napakakaraniwan lamang....
Umibig kasi ako.
Naalala ko pa, sabi sa akin ng nanay ko noong bata pa lang ako, “Anak, may lahi tayong mangkukulam.” Sabi niya sa may seryosong tono pero kinurapan ko lang siya. Tinignan ko siya sa mga inosente kong mga mata.
Mga ilang minuto pa ng pagkurap ko ay nagsalita na rin ako, “Nay, hindi po pwede iyon.”
“Bakit naman hindi, anak?” tanong sa akin ni Nanay.
“Pangbabae lang po ang pagiging mangkukulang. Parang ganito lang po kasi 'yan Nay, kung pangubo po ang ininom niyong gamot kahit sipon naman ang sakit niyo, edi magkakaubo na rin kayo.”
“Sigurado ka ba diyan anak?” tanong ni Nanay sa akin na may nanghihinalang ekspresyon.
“Sympre naman Nay!” nginitian ko si Nanay ng abot hanggang tenga.
“Whooshie, hooshie, hooshie, whoosh!”
Napatigil ako sa kakahabol sa kuneho ng marinig ko ang isang nakakakilabot na bulong. Tinignan ko ang paligid ko—andaming puno. Puro puno na lang ang aking nakikita. Dahil sa kakahabol sa kuneho para sana may makain kami ni Nanay na karne mamayang gabi, hindi ko na namalayan na nasa pinakasulok na pala ako ng gubat. Buti na lang taong gubat ako. Hindi ako nawawala dito sa gubat dahil kabisado ko na ito.
“Whooshie, hooshie,hooshie, whoosh!”
Narinig ko na naman yung nakakakilabot na bulong sa aking kanan. Humakbang ako pakanan at habang humahakbang ako, mas lumalakas yung tunog. Sobra akong kinakabahan. Yung tipong malamig na pawis na ang lumalabas sa mga butas ng aking balat. Yung tipong yung tae ko na kaninang umaga ayaw lumabas, nagsusumigaw na ngayon na pakawalan ko na siya. Yung tipong naging ahas na ang mga bulate ko sa tyan at galaw na ito ng galaw. Ano ba iyong tunog na iyon at lumalakas ang tibok ng puso ko?
Tumigil ako sa aking paglalakad nang katapat ko na ang isang napakataas na puno ng balete pero hindi ito ang nakatawag sa aking pansin. May nakasulat kasi sa puno, ‘bawal sumilip!’ pero dahil bata ako at may pagkamakulit, sumilip pa rin ako.
Nagulat ako sa aking nakita. May maliit kasi na kubo. Sa aking pagkakatanda wala naman ito dati, bakit ngayon meron na? Ito ba ‘yung sinasabi ni Nanay na salitang ‘magic’. Gumagawa pala ng kubo ang ‘magic’. Ang galing!
Lumapit ako sa kubo. Sa bawat hakbang na gagawin ko, mas lumalakas yung bulong. Kahit natatakot na ako, ipinagpatuloy ko lang ang paglalakad.
“Whooshie, hooshie, hooshie, whoosh!”
Nang nasa tapat na ako ng pintuan ng kubo na wala naman talagang pintuan, hindi na naging bulong ang mga salita, naging normal na lamang ito na pananalita.
Sa loob ng kubo may isang batang babae.
Itim lahat ng suot niya—mula sa kanyang sapatos, bistida at sombrero na patusok. Malungkot kaya siya kaya siya naka suot ng lahat ng itim? Sayang maputi pa naman siya.
Napansin ko din na may kulay itim ang kanyang labi. Kumain kaya siya ng pusit kaya ganoon?
Nakatayo siya sa isang kahoy na upuan at may hawak siyang malaking sandok. Ginagamit niya ang malaking sandok na panghalo sa isang malaking palayok habang binabanggit niya ng paulit-ulit ang mga hindi pamilyar na salita, “whooshie, hooshie, hooshie, whoosh!”
Napasinghap ako nang may biglang lumabas na asul na usok sa malaking palayok dahilan para mapatingin siya sa kinatatayuan ko. Isang napakatalim na tingin ang ibinato niya sa akin. Yung mga tingin na parang sumasaksak sa dibdib ko. Bakit ang sakit ng puso ko?
Binitawan niya ang hawak niyang sandok at bumaba siya sa silya na pinagtatayuan niya lamang kanina .
Sa sobrang pagkataranta ko, napatakbo na lang ako.
Nakakainis naman kasi! Bakit ba naman kasi bigla na lang akong naiihi? Sayang! Hindi ko man lang nakausap yung maganda, maputi at lahat ng suot ay itim na babae na kumain ng pusit kaya itim din ang labi.
Ayoko naman umihi dito sa gubat. Sabi sa akin ni Nanay marami daw masasamang elemento ang naninirahan dito. Kung tatangkain ko daw umihi, isasarado nila ang daluyan ng aking ihi at hindi na ako makakaihi habang buhay.
Pagkarating ko sa aming bahay, andun na si Nanay. Humalik ako sa kanya sa pisngi at tumakbo na papuntang banyo.
Kahit hindi ko nakausap yung maganda, maputi at lahat ng suot ay itim na batang babae na may itim na labi, masasabi ko pa rin na swerte ako. Hindi kasi nakasara ang daluyan ng aking ihi.
Nakahinga ako nang maluwag na mawala na ang kumikiliti sa aking puson. Pero yung utak ko ata ang hindi nakakahinga. Paulit-ulit nitong binubulong ang mga katagang, “whooshie, hooshie, hooshie, whoosh!”
BINABASA MO ANG
The Witchy Bitchy Witch
FantasyYung nakaitim na babae. Yung maganda. Yung maputi. Yung kumain ng pusit kaya itim ang labi. Sabi niya, "Whooshie, hooshie, hooshie, whoosh!"