Chapter 17

90 3 0
                                    

Chapter 17:

Nagmistulang basang sisiw si Aling Martha habang nakatanghod sa mataas na mansyon. Kung kanina'y sumisigaw siya't tinatawag ang anak, ngayo'y tahimik na lamang ang ginang. Pero patuloy pa rin sa pagbagsak ang mga luha niya kasabay ng malakas na buhos ng ulan.


Mag-isa na lamang si Cynthia sa libary. Kanina pa kasi siyang iniwan ni Manang Azon matapos niyang ipakiusap rito na gusto na muna niyang mapag-isa.

"Ate Veronica, nalaman na niya ang totoo. Humihingi siya sa akin ng kapatawaran. Hah! Akala ba niya mauuto niya ako?! Hindi! Kita mo naman, walang pasakalye ko siyang pinalayas sa bahay ko.." si Cynthia na animo'y naroon pa ang kausap.

"Naiganti na rin kita ate.. Una na ang Tess na iyon! Alam mo bang walang gustong tumulong sa kanya! Kaawa-awang nilalang.. Hindi niya alam na lahat ng kilala niya'y nabili ng salapi ko.."

"Alam kong nakikita mo ang ating ina.. Pagmasdan mo kung paano siyang nagdurusa ngayon.. Siya na dahilan ng lahat! Siya na sumira ng ating pamilya!"

Parang baliw na ang dalaga ng mga oras na iyon. Nakangiti siya at umiiyak na parang bata habang matalim ang titig sa ginang.

"Masaya ka naman ate di ba? Dahil kahit paano nagbayad na ang mga maysala?"

"Si Martha, talagang ayaw niyang umalis. Ang akala niya sapat na kabayaran ang ginagawa niya.. Hah! Iyon ang akala niya. Habang nagpapakatanga siya, mas lalo kong nararamdaman ang tagumpay para ibagsak siya!"

Ilang sandali pa niyang inobserbahan ang inang basang basa na't nangingikig sa tindi ng pagkaginaw. Mayamaya pa, nagpasya na siyang hayaan ito roon. Katwiran niya, ito ang may gustong magpaulan.

Samantala...

"Diyos ko, patawarin n'yo ang anak ko kung nagagawa man niya akong pahirapan ng ganito. Wala akong sama ng loob sa kanya pagkat nasaktan ko siya ng labis.. Alam ko na ako ang dahilan kung bakit siya lumaking ganyan, kung bakit napuno ng galit ang puso niya.. Nawa'y bigyan mo pa ako ng lakas para kayanin ang paghihintay.." si Aling Martha na taimtim pang nanalangin.


"Naku! Kawawa naman iyong ale! Basa na ng ulan.."

Napatingin naman si Lawrence sa tinuran ng driver. At nang tingnan niya, totoo ngang may ale roon na basang basa!

"Kaawa-awa naman.. Pero teka, mukhang may sadya siya kina Cynthia, a!" sa isip ng binata pagkuwa'y binalingan ang driver. "Manong, diyan na lang po sa tabi.."

Inihimpil nga ng driver ang taxi malapit sa kinatatayuan ng ale. Laking gulat pa ng binata hustong umibis siya ng sasakyan at nang makilala ang ale.

"Nanay Martha!"

Lumingon ang namumutlang ginang.

"L...L-Lawrence.."

"Bakit ho nandito kayo? Basang basa ka na!"

"A.. Ayos lang ako. W-wag mo akong alalahanin.."

"Ano ho bang sinasabi n'yo? Bakit di kayo pinapapasok? Si Cynthia, alam ba niyang andito kayo't nauulanan?!"

"Cynthia! Cynthia!" sigaw ni Lawrence. "Halika 'nay, pumasok tayo.."

"Huwag na.."

"Ano bang-- 'Nay Martha!"

Buti na lang at agad nasalo ni Lawrence ang katawan ng hinimatay na ginang.

"Diyos ko, ang taas na ng lagnat niya!" lalo namang nag-alala ang noo'y basa na ring binata.

"Cynthia! Aling Azon!" tawag niya sa mga nakatira sa mansyon pero walang pumapansin sa kanya. "Shit! Cynthia!!"

Hangos na pinuntahan ni Aling Azon ang among dalaga.

"Cynthia..."

"Hayaan n'yo sila manang.." pilit na pagmamatigas ng dalaga.

Wala namang nagawa ang mayordoma. Pero lingid sa kaalaman ng dalaga, di rin nila natiis ang ina nito. Tinulungan pa rin nila si Martha at hinintay lamang na malingat ng kaunti si Cynthia.

"Mataas ho ang lagnat niya." pagbibigay-alam ni Lawrence sa mayordoma nang pagbuksan sila nito ng gate.

"Oo nga. Diyos ko, tama ang hinala ko! Halika!"

Iginiya ng mayordoma ang binata sa servant's quarter. Buhat ni Lawrence ang ginang na nangingikig pa rin sa ginaw!

"Ano ho bang nangyari? Bakit nagpapaulan siya? Si Cynthia ho?"

Sunud-sunod na ang tanong ni Lawrence. Naguguluhan na talaga siya! Sa sinabi ng ina-inahan at sa rason kung bakit niya ito dinatnang basang basa ng ulan!

"Lawrence, mahabang kuwento.."

"Paano hong mahaba? Nasaan po ba si Cynthia, ha manang?"


"At saka usapan namin na siyang bahala sa lahat! E, bakit nagkaganito? Magsabi nga kayo ng totoo, may nangyayari bang dapat kong malaman?"

"Lawrence.. Ewan ko kung tama pero mas mabuti kung magpapakalayo na lamang si Martha.."

"Bakit ho?"

"Ano kasi.. Ayokong sa akin ito manggaling--"

"Diretsuhin n'yo na ho ako. Bakit mas maigi na lumayo si nanay Martha?"

"Hindi siya titigilan ng amo ko iho. Masyado na ang udyok ng hangarin ni Cynthia na makapaghiganti.." sagot ni Manang Azon. "Siya si Luisa Sanchez. Kung alam mo ang kuwento, malalaman mo rin ang koneksyon nila sa isa't isa.."

"Siya? Siya si... L-Luisa?"

"Oo. At galit na galit siya sa ina-inahan mo. Kanina, humulagpos ang galit niya't nagkasumbatan.. Pinalalayas niya si Martha pero desidido ang nanay mo na humingi ng tawad.."

"Hindi niya dapat ginawa ang ganito kay inay. Matanda na siya..."

"Hindi natin siya masisisi. Maraming frustration sa buhay ang alaga ko. Masakit ang dinanas niya at hindi niya mapatawad ang sarili niya sa nangyari sa kapatid niya.."

"Nasaan siya manang? Kailangan ko siyang makausap."

"Wag na muna Lawrence. Hindi ka niya pakikinggan."

"Ang kwentong alam niya ay iyong pinabayaan sila ni nanay. Pero hindi na niya alam ang nangyari pagkatapos nun. Kaya kailangang magkausap kami.."

"Sa susunod na araw na lamang. Ang mabuti pa, bantayan na muna natin ang nanay niya."

Dahil sa tinuran ng ginang ay napahinuhod na rin ang binata. Pero kailangan niyang makausap sa lalong madaling panahon ang bunsong anak ng taong pinagkakautangan niya ng buhay!

"Alam ko ang nararamdaman mo iho, pero wag mo sanang kamumuhian ang alaga ko. Naging biktima lamang siya ng sirkumstansya."

"Nauunawaan ko ho. Isa pa, alam ko na mabait siya. Nabubulagan lang siya ng galit dahil inakala niyang kinalimutan sila ni nanay. Pero alam ko, nakita ko kay inay na ni minsan ay di sila nawala't kinalimutan.."

"Salamat naman kung ganoon. O siya, diyan na muna kayo ha?"

"Sige ho. Salamat."

Iniwan na siya roon ng mayordoma kasama si Aling Martha inaapoy ng lagnat!


Mayamaya pa, tiningnan ng binata ang ina-inahan. Nagulat pa siya nang biglang magsalita ang ginang.

"Luisa.. Anak ko.."

Sa una'y di pa maintindihan ng binata. Pero unti-unting lumilinaw ang kung anong sinasambit ng ginang. Kasabay ng pagtawag nito sa pangalan ng bunsong anak ay dumadaloy rin ang luha nito!

"Patawad.. Patawad.. Patawarin mo ako anak..."

"Ssh. Tama na ho inay Martha.." alo niya pero tuloy pa din sa pagdideliryo ang matanda.

"Nagkamali ako. Napakalaki ng kasalanan ko sa inyo ng ate mo.. Patawarin n'yo ako. Patawarin n'yo ang nanay kung napabayaan ko kayo.. Patawad.."

Awang awa si Lawrence sa ina-inahan.

"Luisa, anak ko.. Alam ng Diyos kung gaano ko pinagsisihan ang lahat. K-kung maibabalik lang ang panahon, di ko gagawin ang gayon. Patawad, patawad. Mahal na mahal kita anak.."

Damang dama ng binata ang paghihirap ng kalooban ni Aling Martha. Nahahati tuloy siya sa pagitan ng dalawang tao na mahalaga sa kanya.. Kay Aling Martha dahil sa ginawa nitong pag-aaruga sa kanya nitong nakalipas na mga taon.. Kay Cynthia o Luisa dahil sa sandaling panahon ay nakuha nito ang paghanga't respeto niya. Na sa unang pagkakataon, naamin niya sa sarili na ito ang babaeng ninanais niyang pag-alayan ng lahat sa kanya!

Totoong nakakagulat ang nalaman niyang si Cynthia ay si Luisa pala. Gayunpaman, di naman nagbago ang damdamin niya para rito. Handa siyang mahalin ang pagkatao nito. Nakahanda siyang gawin ang nararapat. Gagawin niya ang lahat para pagsamahing muli ang mag-ina. Iyon ang pangako niya sa sarili pagkuwa'y marahang pinunasan ang bakas ng luha sa pisngi ni Aling Martha.

-To be continued-

Kailan Dapat Magpatawad?~COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon