Chapter 19:
"Manang, tawagan n'yo ho si Cynthia. Kailangang malaman niya ang bunga ng ginawa niya!"
"Iho.."
"Lawrence, andiyan na ang ambulansya." si Tasing.
"Manang, pakisabi sa alaga n'yo na huwag na siyang mag-alala. Dahil sa nangyari kay nanay, ako na mismo ang maglalayo sa kanya!" si Lawrence na kinarga na ang ginang.
Dali-dali naman siyang inasiste ng medical group na lulan ng ambulansya. Nang masigurong ayos na ang lahat, umalis na rin doon ang ambulansya.
"Diyos ko, ano ba naman ito? Tasing, madali ka. Sumunod ka sa kanila sa ospital."
"Ho? E, paano po kayo manang? Si senyorita--"
"Ako na ang bahala. Susubukan ko muna siyang tawagan. Sige na.."
Agad namang tumalima ang inutusan. Kinuha naman ni Manang Azon ang kanyang telepono at dinayal ang numero ng alaga.
"Cynthia, sagutin mo naman.. Diyos ko, nasaan na kaya iyon?"
Walang sumasagot sa cellphone ng dalaga. Minsan pang dinayal ni Aling Azon ang numero nito pero ring lang ng ring.
"Diyos ko Cynthia. Wag mo nang tikisin ang sarili mo at ang iyong ina.. Patawarin mo na siya at ang sarili mo. Baka mahuli na ang lahat para sa inyo."
Wala namang kamalay-malay si Cynthia na inatake na sa puso ang kanyang ina. Ipinasya niyang puntahan ang puntod ng nakatatandang kapatid. Doon niya nais ibuhos ang sama ng loob at ang lahat ng kanyang nararamdaman. Hindi rin kasi niya matanggap na biglang may ligaw na damdaming nag-uudyok sa kanyang patawarin si Martha.
"Sa tingin mo ate, sapat na ba talaga ang ginawa kong pagpapahirap sa kanya? Bakit parang ako pa ang lumalabas na masama sa paningin ng lahat?"
Tanging ihip lamang ng hangin ang naging karamay ng dalaga.
"Hindi ko inaasahan na ganito ang mararamdaman ko. Bakit kailangang maungkat pa ang pangungulila ko sa kanya? Bakit kailangang manabik ako na yakapin niya?"
At bago pa mamalayan ni Cynthia, nagsisimula na namang pumatak ang mga luha niya.
"Matigas na ako. Hindi na ako ang dating Luisa, di ba? Matagal ko nang pinatay ang ugnayan ko sa Martha na iyon!"
"Akala mo lamang iyon. Ikaw pa rin si Luisa. At kahit na pagbaligtarin pa ang mundo, mag-ina pa rin kayo. Hindi mo na mababago ang katotohanang iyon!" usig ng konsensya niya.
"Pero, mabuti na nga rin na ganito. Kailangang matawagan ko sina mommy. Aalis na ako at ibabaon ko na sa limot ang lahat. Ate Veronica, patawarin mo ako kung ito ang naging desisyon ko. Para na rin naman ito sa ikatatahimik mo. Wag kang mag-alala, palagi kang mananatili sa puso ko. Maraming salamat sa pagmamahal."
Matapos makapag-alay ng maikling panalangin, tumayo na ang dalaga't inayos ang sarili. Tinungo niya ang kinaroroonan ng kanyang kotse saka sumakay.
Wala sana sa plano ng dalaga na bisitahin ang kanyang cellphone kung hindi lamang tumunog iyon.
Palibhasa'y nagdadrive na rin, ikinabit na lamang niya ang headset niyon sa kanyang taynga.
"Hello, who's this?"
"Sweetheart! Oh my, I really miss you na. Kumusta na?"
Natigilan naman ang dalaga pagkarinig sa boses na iyon. Para pa ngang di pa siya makapaniwala nang banggitin ang pangalan ng kanyang nobyo.
"R... R-Ralf?"
"Of course, it's me. Hmm.. Bakit, may iba ka pa bang ineexpect na tumawag sa'yo ng sweetheart?"
"Ah, hindi! Nagulat lang ako. Matagal na rin kasi tayo di nakakapag-usap e." sagot niya.
"Oo nga, e. I'm sorry dahil naging busy lang talaga kami sa kumpanya. Anyway, kumusta ka na nga."
"I'm okay. I guess?"
"Hey, bakit parang iba naman ang nadedetect ko sa boses mo?"
"H-ha? Wala. Siguro dahil lang sa trabaho. But, don't worry, kaya ko pa naman."
"Are you sure?"
"Yeah. Wait, bakit nga pala bigla kang napatawag? Akala ko ba busy ka?"
"Hindi na po masyado. At isa pa, kailangan kong bumawi sa girlfriend ko. Anyway, nasa mansyon ka ba ngayon?"
"Wala. I'm out. Bakit?"
"Because I'm dying to see you. To hug and kiss you just like before.."
"Asus. At paano mo namang gagawin na i-hug and kiss ako, e narito ako sa Pinas. Unless--"
"Narito na ako sa NAIA!"
"Ha? Di nga?"
Dinig pa ni Cynthia ang matunog na pagtawa ng nasa kabilang linya.
"Yup. Surprise ka, ano?"
"Oo naman. Hindi ko ineexpect na pupuntahan mo pa ako rito sa Pilipinas."
"Medyo matagal na nga kasi mula noong huli tayong magkita, di ba? Isa pa, natatakot ako na baka may nahanap ka na riyang pamalit sa akin."
Sukat sa sinabing iyon ni Ralf, pinamulahan ng pisngi si Cynthia.
"Patawarin mo ako Ralf. H-hindi ko naman sinasadyang magmahal ng iba.." piping usal ng dalaga.
"So, may progress ba sa agenda mo?"
"Ah, puwede bang magkita na lang tayo sa bahay? Doon na lang tayo magkuwentuhan, tutal, pauwi na rin naman ako."
"Sige. Doon na lang ako didiretso. Naroon naman siguro si Manang Azon?"
"H-ha? Oo naman. Sige, magkita na lamang tayo. Bye."
"Okay."
Nawala na nga sa linya ang kanyang nobyo.
"Wala na siguro sina Lawrence sa bahay." ang katotohanang iyon ang nagpapalungkot sa dalaga.
Kaysa magpatalo sa emosyong pilit na bumabangon sa puso niya, pinili na lamang ng dalaga na iwaksi iyon sa isipan. Lalo pa ngayon, hindi niya na dapat pinagtutuunan ng pansin ang tungkol sa ampon ng kanyang ina. Mali para sa paningin ng lahat, unfair para kay Ralf na mula't sapol ay minahal siya ng totoo. At ngayong naisakatuparan na niya ang matagal ng plano, kailangan na rin niyang tuparin ang usapan nila ng nobyo. Nangako na siya rito tungkol sa kanilang pagpapakasal.
"Pero may mahal ka ng iba, Cynthia! Si Lawrence! Siya na ang nagmamay-ari ng puso mo."
"Nakakompromiso na ako. Ayokong saktan siya. Minahal niya ako. Iginalang. He's the perfect man for me."
Muling tumunog ang kanyang cellphone. Palibhasa okupado pa ang kanyang isip, basta na lamang niyang sinagot ang tawag ng di muna inaalam kung sino iyon.
"Diyos ko Cynthia. Buti naman at sinagot mo na ang tawag ko. Kanina pa kita kinokontak, nasaan ka ba?"
"H-ha? Pasensya na Manang Azon, iniwan ko sa kotse itong cellphone ko. Dinalaw ko lang ang puntod nina itay at ate, tapos tumawag pa si Ralf."
"Si Ralf? O, e, bakit daw?"
"Narito na raw po siya sa Pilipinas. Diyan po siya tutuloy sa mansyon. Nga pala, bakit ho kayo napatawag?"
"Iyon na nga. May kailangan kang malaman tungkol kay Martha.."
"Nakaalis na ho ba sila riyan? Ayokong madaratnan pa namin sila ni Ralf kaya gumawa ho kayo ng paraan para mapalayas sila."
"Hindi na kailangan, iha. Wala na sina Lawrence dito."
"Mabuti naman pala kung ganoon. Madali lang--"
"Nasa ospital na sila. Inatake sa puso ang nanay mo."
Daig pa ni Cynthia ang sinabugan ng bomba. Ni hindi na niya namalayang napahinto siya sa pagmamaneho ng kanyang kotse.
"A-ano ho?"
"Noong umalis ka, iyak ng iyak ang nanay mo. Hindi nga siya mapatahan ni Lawrence tapos bigla niyang sinapo iyong dibdib niya."
"Nasaan po si.. Si i-inay?"
Ewan ng dalaga pero parang nang mga oras na iyon ay mas nanaig ang pagiging anak niya.
"Pinasunod ko na lamang si Tasing doon."
"Manang, kapag dumating si Ralf pakisabi ho na nasa ospital ako."
"H-ha? O, e, s-sige. Pero Cynthia, sana naman mapatawad mo na ang nanay mo."
"Manang.."
"Mahal na mahal ka niya iha. Kung may nagawa man siyang malaking pagkakamali noon, alam ko na pinagsisihan na niya iyon. Handa siyang makipag-ayos at magpaalipin sa'yo. Kanina, ramdam ko ang paghihirap ng kalooban niya. Kaya sana, bago mahuli ang lahat, magkapatawaran na kayong mag-ina."
Kahit paano, tinamaan rin naman ang dalaga. Kahit paano may kudlit ng pag-aalala at pagsisisi siyang nadarama.
"Cynthia, payo ko lamang ito. Para rin sa ikatatahimik ng kalooban mo. Alam ko namang gusto mo na ring magpahinga dahil nahihirapan ka na."
"Manang.."
"Iha, ang Diyos natin ay mapagpatawad at maunawain. Isipin mo na lamang halimbawang bawiin na sa'yo ang nanay mo, pagkatapos ay di mo man lamang nasasabi sa kanya ang mga bagay na dapat niyang malaman, sa tingin mo ba iyon talaga ang gusto mong mangyari? Iha, lahat tayo ay nagkakamali. Lahat tayo ay nasasaktan, nagmamahal. Pero di ibig sabihin na sinaktan tayo ng taong iyon ay di na tayo importante. Tama na ang ilang taon mong pagdadala sa galit na iyan. Pakawalan mo na ang sarili mo.."
Sa pagkamangha pa niya, dinig ng dalaga ang marahang paghikbi ng ginang.
"Manang Azon.."
"Pakiusap iha. Maawa ka sa sarili mo.."
Sa huling tinuran ng ginang napahikbi ang dalaga. Ngunit di kalaunan ay naging hagulgol na rin. Nagkaiyakan na silang dalawa.
"Palayain mo na ang sarili mo mula sa galit na iyan.." iyon ang umuukilkil sa isip ng dalaga.
Tama ang kanyang yaya. Panahon na para magpatawad. Panahon na para palayain niya ang kanyang sarili at kalimutan na ang masasamang alaala ng kanyang nakaraan. Tama na ang ilang taong pagdurusa nilang mag-ina. Kailangan na nga niyang itama ang lahat!
"Manang, pupuntahan ko ho si nanay. Kailangan niyang malaman na napatawad ko na siya. Kailangan kong masabi sa kanya na mahal ko ho siya, kaya kayo na munang magpaliwanag kay Ralf. No, much better kung sumunod na lang ho kayo sa ospital. Pero itext n'yo sa akin kung saan para mapuntahan ko ang nanay."
"O-oo, Cynthia! Matutuwang tiyak ang nanay mo."
"Salamat ho sa pagmumulat sa akin sa katotohanan, manang. Sana lang ho talaga, di pa huli para itama ko ang lahat."
"Oo naman. Magdasal lang tayo sa Panginoon, iha. Alam kong di ka niya bibiguin lalo pa't nakahanda ka nang magpatawad. Sige na, mag-ingat ka sa pagmamaneho."-To be continued-
BINABASA MO ANG
Kailan Dapat Magpatawad?~COMPLETED
Roman d'amour[COMPLETED] Si Luisa ay ang bunsong anak ni Aling Martha na muling nagbabalik sa bansa bilang Cynthia. Ang dahilan ng kanyang pagbabalik? Nais niyang maningil..gusto niyang gantihan ang lahat ng tao na nagkaroon ng kasalanan sa kanya. Pero sa kanyan...