Chapter 8 [第8章]
DUMATING AKO sa bukana ng Tokyo Tower may labinlimang minuto bago ang ika-apat ng hapon, at naroon na sina Mariko at Rie. Masaya silang kumaway sa akin nang magtagpo ang aming mga paningin. Ngumiti ako at nagsimula nang humakbang palapit sa kanila. Maging sila man ay sumalubong na rin sa akin at nang makalapit nga ay kumapit sa magkabilang bisig ko: si Rie sa kaliwa, si Mariko sa kanan. Nagmamadali nila akong dinala sa ticket area at dahil nga naipangako nilang ipapasyal nila ako ngayong araw na ito ay wala raw akong babayaran. Mabuti na lamang at libre lang ito dahil magastos ang pumasyal dito. Kung hindi pa ako nalibre, malamang ay matagal pa bago ako makapasok dito.
Maganda sa loob ng Tokyo Tower at hindi ko maiwasan ang mamangha. Sa unang palapag pa lamang ay bumungad na sa akin ang isang napakalaking aquarium na hitik sa libu-libong makukulay na isda. Hindi ko maiwasang maisip si Kiyo sa mga pagkakataong gaya nito. Kahit sino naman siguro ang tanungin mo ay siguradong gusto rin nilang makasama ang mga taong mahal nila sa bawat espesyal na pagkakataon. Isa pa, kung narito si Kiyo, siguradong matutuwa rin siya sa mga makikita niya.
Naglakad-lakad pa kami ng kaunti at paminsan-minsan ay humihinto upang magkuhaan ng mga larawan gamit ang aming mga cellphones. Nang makalampas kami sa Aquarium Gallery ay sumaglit kami sa Family Mart na nasa unang palapag din ng Tower dahil bibili si Mariko ng makakain namin habang namamasyal. Pagpasok sa loob ay mabilis na nag-ikot si Mariko at sinamahan naman siya ni Rie. Nagpasiya akong maghintay sa kanila sa isang sulok. Habang naghihintay ay kinuha ko ang aking cellphone upang tingnan ang mga kuha naming larawan sa Aquarium Gallery. Hindi ko maiwasan ang mangiti sa mga masasayang kuha naming tatlo, subalit may isang larawan ang biglang nagbigay sa akin ng matinding kaba: sa isa kong selfie ay napansin ko na naman ang maliit na lalaking naka-hood na bagamat hindi masiyadong malinaw ay nakuha pa rin siya sa camera .
Madali kong ibinulsa ang aking cellphone at tumingin-tingin sa paligid. Siya rin ba ang lalaking nakita kong sumusunod sa akin noong nakaraan? Muli ay inisip ko kung ito nga ba si Shizumaru. Subalit kung siya man ito ay bakit kailangan niya akong sundan ng palihim? Napag-utusan na naman ba siya ni Kazuki? Sa gitna ng aking pag-iisip ay dumating na sina Mariko at Rie at minsan pa ay niyaya na ako upang magtungo kami sa ikatlong palapag kung saan ay may Wax Museum.
Minsan pay ay nakaranas na naman ako ng "first time" dahil ngayon lang ako nakakita ng mga modelong gawa sa kandila. Napakaraming sikat na tauhan ang nakita ko rito at halos mapanganga ako sa husay ng pagkakalikha sa kanila dahil para na silang mga totoong tao. Sa isang sulok ay nakita ko ang modelo ng The Beatles at lalapit sana ako upang mapagmasdan ito ng mas mabuti nang minsan pa ay nahuli ko na naman ang lalaking naka-hood na nagmamanman sa akin -- nakatayo siya malapit sa isa pang wax model na para bang nagtatago. Nang mapansin niyang nakita ko siya ay nagmamadali itong lumabas ng silid. Hindi ko na mapapalampas ito. Kung si Shizumaru man ang lalaking iyon ay kailangan ko na siyang kumprontahin dahil naiinis na ako sa ginagawa niya.
Dali-dali ay sinundan ko ang lalaking naka-hood. Mabuti na lamang at abala sina Mariko at Rie kaya hindi na nila namalayan ang paghiwalay ko sa kanila. Hindi ko rin kasi nais na madamay sila rito. Mabilis maglakad ang lalaki pero hindi siya tumatakbo. Pakiramdam ko tuloy ay sadya siyang nagpapahabol sa akin.
Patuloy lamang siya sa paglalakad ng mabilis hanggang sa makarating na kami sa ika-apat at huling palapag ng Tokyo Tower. Pumasok siya sa isang silid na kung tawagin ay Trick Art Gallery at mabilis ko naman siyang sinundan.
BINABASA MO ANG
Macho Hearts Book 3: Sakura Hearts
Ficción GeneralSI HISAGI YUUTO ay nagsumikap na mamuhay ng normal sa piling ng kaniyang bagong pamilya at mga kaibigan sa Japan. Simula nang lisanin nila ang Pilipinas ay nangako siya sa sarili na hindi na mauulit pa ang kaniyang katangahan sa larangan ng pag-ibig...