Chapter 10 [第10章]
"HITSUGAYA-SAMA!" Tinawag ako ng isa sa mga tauhan ng pangkat.
"Oo," Tugon ko sa kaniya. "Narinig ko rin ang sigaw na iyon. Sa banda roon!"
Nagmamadali kaming nagtungo sa pinangagalingan ng tinig ni Hisagi-san. May ilang oras na rin ang nakalilipas nang makarating sa amin ang balita mula sa isang saksing asset na may bumangga sa sasakyan ni Kazuki-kun at matapos niyon ay kinuha ang mga sakay nito ng mga hindi kilalang lalaki. Mabuti na lamang at nasundan ng asset ang mga ito at saka tumawag ng tulong.
Nakarating kami sa isang malaking lote na sa tantiya ko ay may lima hanggang walong mga abandonadong bodega. Isa sa mga ito ang nagkakanlong sa aming pinuno at kay Hisagi-san. Mabuti na lamang at nakarinig kami ng pagsigaw kaya't sa wakas ay natunton namin ang kinaroroonan nila.
Dali-dali kong binuksan ang pintuan ng bodega kung nasaan sina Kazuki-kun at Hisagi-san, at laking gulat ko nang makita ko ang aking pinuno na may hawak na patalim at nakasaksak na ito sa kaniyang sikmura.
"TIGIL!" Bulyaw ko.
Doon ay napalingon ang lahat sa akin. Bukod kasi kay Hisagi-san, Kazuki-kun, at sa isang naka-hood na lalaking nakatayo malapit sa kaniya ay may ilan pang mga kalalakihan na nagkalat sa paligid. Kahit na may kadiliman sa bodega dahil sa iilang pirasong bumbilyang gumagana ay walang duda na ang mga lalaking bumihag sa aming pinuno ay mga tauhan ng kaaway naming angkan -- ang mga Ishida!
Nakita ko kung paano mawalan ng ulirat si Kazuki-kun matapos niya akong masilayan at tuluyan na siyang nalugmok sa sahig. Si Hisagi-san ay walang ibang magawa kung hindi ang pauli-ulit na tawagin ang pangalan niya. Wala na kaming dapat aksayahing sandali. Tumatakbo ang oras at sa kondisyon ni Kazuki-kun ay maaari siyang mapahamak anumang saglit. Kaya naman sa pagkumpas ko at ng lalaking naka-hood ay nagsalubong na ang galit ng aming mga pangkat!
Ang ilan sa mga tauhan ng Ishida ay pinapaputukan kami ng baril, habang ang ilan na may samurai ay tinangka rin kaming sugurin. Hindi kami magpapalamang. Nakipagpalitan din ng putok ang mga tauhan naming may dalang baril at ang mga may samurai naman ang sumalubong sa mga eskrimador ng mga Ishida.
At sa gitna ng kalansing ng mga espada at alingawngaw ng pagputok ng baril ay nagmamadali akong nagtungo sa kinalalagyan ni Kazuki-kun upang mailayo ko siya sa lugar na ito. Subalit bago pa man ako makalapit ay hinarang na ako ng lalaking naka-hood. Napaatras ako nang sa wakas ay makilala ko kung sino ang may pasimuno ng kaguluhang ito.
"Ama!" Bulalas ko. "Hindi mo sinabi ang tungkol dito. Kung alam ko lang na sasaktan mo si Kazuki-kun, sana ay hindi ko na ibinigay sa iyo ang liham ni Kaneshiro-sama!"
"Patawarin mo ako anak," tugon ng aking ama. "subalit nararapat lamang sa kaniya iyan."
"Isa kang baliw! Walang kinalaman si Kazuki-kun sa pagkamatay ni pinunong Kaneshiro. Umalis ka sa daraanan ko. Kailangang madala ko sa pagamutan si Kazuki-kun."
BINABASA MO ANG
Macho Hearts Book 3: Sakura Hearts
Aktuelle LiteraturSI HISAGI YUUTO ay nagsumikap na mamuhay ng normal sa piling ng kaniyang bagong pamilya at mga kaibigan sa Japan. Simula nang lisanin nila ang Pilipinas ay nangako siya sa sarili na hindi na mauulit pa ang kaniyang katangahan sa larangan ng pag-ibig...