Chapter 25: "Pagiging Tao 101" Part 2

86 15 8
                                    

Malalim na ang gabi at kamay na lang ng orasan ang maingay sa bahay nila aling Ason. Nakatitig pa rin sa kisame si Angelo habang yakap ang unan na nakahiga sa banig sa salas ng bahay. Iniisip niyang sa tuktok ng kinahihigaan niya ay ang kinahihigaan din ni Lourdes.


Humihigpit ang yakap niya sa unan sa tuwing iniisip ang mga labi nito habang tinuturuan siyang maghugas ng pinggan kanina. Hindi man niya naalala kung ano ba talaga siya, oh kung saan siya nanggaling, oh kung ano ba talagang buhay niya dati, ang mahalaga, masaya siya sa mga nangyayari ngayon.


Tumayo siya ng higaan at maingat na pumunta ng banyo dahil naiihi na siya sa sobrang kilig. Wala siyang pang-itaas at tanging shorts lang ang suot dahil na rin sa alinsangan. Madilim na ang buong bahay at maingat niyang tinitingkayad ang mga paa upang di makagawa ng ingay.


Malapit na siya sa pintuan ng banyo at akma na niyang bubuksan ang tarangkahan ng kusa itong bumukas at mula sa loob eh iniluwa ang isang babaeng nakaputi, tila nasabugan ng harina ang mukha at nakatabing sa mga mata ang mahaba't itim na buhok.


"Ahhhhh! Diyos ko poooo!! Aswang?!"


Sabay silang nataranta at nagkabungguan sa pagka-aligaga ng tutunguhing direksyon. Hawak ang mga nagka-untugang mga noo'y dali-daling pumasok ulit ng banyo ang babae at nagbalot naman ng kurtina ang binata. Parang may mga pusa sa bubong nila na na-eskandalo sa tinis ng tili ng babae at sigaw ng lalake. Bagaman humihilik pa rin sa taas si aling Ason.


Unti-unting tinatanggal ni Angelo ang takip na kurtina sa mata habang hinahabol ng tingin ang nilalang na nakabungguan niya.


Unti-unti namang dumudungaw sa pintuan ang babae habang tinatanaw kung saan na naroon ang lalakeng bumulaga sa kanya sa pintuan.


"Ikaw?!"


Sabay nilang turo sa mga sarili.


"Bakulaw kang lalaki ka! Tinakot mo ko! Ikaw lang pala 'yan! Magdamit ka nga!"


Panunumbat ni Lourdes habang binubuksan ang ilaw.


"Ako? Eh ikaw kaya! Tingnan mo nga 'yang nakapahid sa mukha mo! Kahit sino aatakihin sa puso 'pag 'yan ang bubungad sa ganitong oras!"


Sabay turo ng binata sa mukha ni Lourdes sa salamin. Napatili ulit ang dalaga ng makita niya ang puting puting mukha niya sa salamin. Nakalimutan niyang hilamusan ang Facial mask na nilagay kanina. Nagtatakbo siya pabalik sa banyo upang maghilamos at upang magpatila ng kahihiyang sinapit.


"Des, bilisan mo na diyan. Okay na 'yan. Maganda ka na. Ihing-ihi na 'ko!"


Namimilipit na si Angelo sa labas ng banyo habang kinakatok ang dalaga. Sabay biglang bumukas ang pinto at halos dumausdos ang binata.


"Maganda na 'ko?"


Tanong ni Lourdes habang tumutulo pa sa pisngi ang tubig at hinahawi ang basang buhok.


"Oo! Maganda ka naman talaga. Oh siya, pa-ihi na, bago pa ko magkalat sa bakuran niyo."


Isinara ni Angelo ang pinto at kaagad napakagat labi pagpasok sa loob. Alam niyang 'yon talaga ang mga katagang gusto niyang marinig sa dalaga.


************************

Naging mahaba ang gabing iyon. Parang kinakaladkad ng kamay ng oras ang mga imahinasyon nila habang nakahiga sa magkalayong higaan. Isang palapag man ang layo nila, tila magkadikit pa rin ang kanilang mga isip at nagsasagutan ang mga tanong na umiikot sa utak ng bawat isa.


"Sino ka ba talaga? Parang nakita na kita pero hindi ko lang maalala. Yung boses mo, yung mga titig mo, yung presensya mo.. lahat pamilyar sa'kin... pero 'di ko talaga maalala. Bakit hindi ko maalala?"


Sabay nilang tanong sa isip habang sabay ring nakayakap sa unan at sabay na namaluktot sa higaan. Magkasukat ang mga bulong ng labi habang pinalilipas ang magdamag.


♪ ♬ Ikaw ang bigay ng maykapal.

Tugon sa aking dasal.

Upang sa lahat ng panahon,

bawat pagkakataon,

ang iibigin ko'y ikaw. ♪ ♬

"Sana bukas, pagising 'ko, ikaw yung una kong masilayan, yung unang imahen na bubungad sa umaga ko. Yung unang magpapasaya sa'kin. Sana, sabihan mo rin ako ng 'Good Morning!' kahit magulo pa yung buhok ko. Kahit mabaho pa yung hininga ko. Kahit bakas pa sa mga mata ko yung daan ng muta. Sana ngitian mo ulit ako kahit sandali lang, kahit saglit lang, kahit ngayon lang ulit.."


Parehong sabik sa isa't-isa ang kanilang mga diwa. Hindi pa man tumatagal ng isang araw si Angelo sa bahay nila Lourdes ay parang matagal na siyang parte ng tahanang iyon. Parang dati na siyang laman ng bahay - ng isip ni Lourdes.


♪ ♬ Ikaw ang tanglaw sa'king mundo.

Kabiyak nitong puso ko.

Wala ni kahati mang saglit,

na sa iyo'y maipapalit,

ngayon at kailan man'y ikaw. ♪ ♬


Kapwa nila ipinikit nang mga mata para pilitin ang mga sariling matulog. Parehong dalangin na sana'y matagpuan ang bawat isa sa magkaparehong panaginip. Ituloy sa pagtulog ang anomang bagay na kinatha ng kanilang mga imahinasyon. Magkalayo man sila ng kinaroroonan, sakto sa paggalaw ng relo ang sabay na paggalaw ng kanilang mga labi habang ngumingiti sa ideyang nagkakalapit na sila sa isa't-isa - Literal na nagkakalapit.


♫ ♬ ♪ Ang lahat ng aking galaw, ang sanhi ay ikaw.

Kung may bukas mang tinatanaw, dahil may isang ikaw. ♫ ♬ ♪

*********************************

Author Notes:

Ang keso naman ng chapter na 'to. Sorry na sa cheezines overdose. Sarap yumakap sa unan. Lol.


Chapter 26: Ang pagtawid ng tao sa kabilang buhay: "Ang paghahatid.."


Pasensya na po talaga kung matagal ang mga updates. Pinipilit kong itaguyod ito kahit nalulunod na 'ko sa dami ng dapat asikasuhin. 

Thank you nga pala kay mabellion for the support. :)

Updated: 06/20/2016

Estimated Next Update: First Week of Next Month. Kailangan ding matulog ng Author. Lol. 

**************

Updates are posted in the next chapters. Thank you for waiting and for your patience. :)

How to Marry A Guardian Angel?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon