April 22, 2013
Anthony’s POV
“A, mahilig pala siya sa mga charm bracelets? E sa mga kwintas, mga hikaw o iba pang mga accessories? Teka, ano ba kasing klase ng charm bracelet yung tinutukoy mo na gusto niya? Gold ba o silver? Tsaka ano na rin palang mga design yung kinahihiligan niya?”
Ang mga sunud-sunod na tanong ni Aaron sa kanyang kausap sa telepono ang agad kong narinig habang naglalakad ako papatungo sa kusina namin nung umagang iyon.
Nagpatuloy na lamang ako sa aking mga yabag at nanatiling nakatingin sa gawi niya, samantalang siya naman ay nakatuon pa rin ang buong atensyon sa kanyang kausap nung mga oras na iyon. Tumango siya saglit sa aking gawi bilang pagbati nang mapansin niya ang aking pagdating, ngunit pagkatapos ay nagpatuloy na rin siya muli sa kanyang pakikipag-usap sa telepono.
“Sige, sige. Basta, sigurado kang mga ganung klase talaga ng design ng charm bracelet ang gusto niya a? Baka mamaya hindi pa niya yun tanggapin. Ayoko namang magpapabalik-balik pa ako dun sa jewelers.” Tugon ng kabarkada ko, at pagkalipas ng ilan pang segundo ay nagpaalam na rin siya sa kanyang kausap at tinapos nang tuluyan ang tawag.
Muli naman akong napatitig sa kanyang gawi pagkaraan.
“Sino yung kausap mo, ‘Pre?” Ang tila mawalang-bahala kong tanong, kahit na sa totoo’y interesadong-interesado talaga akong malaman ang katauhan ng kung sinumang tumutulong kay Aaron sa kanyang panliligaw kay Nikki.
Kung tutuusin kasi, kahit na kampanteng-kampante akong hindi rin naman talaga bibigyan ni Nikki ng pagkakataon ang kabarkada ko na maging kasintahan niya, aaminin kong hindi pa rin ako tuluyang mapalagay, lalo na dahil napagtanto kong may tumutulong pala sa kanya sa pagsuyo sa best friend ko.
At sa totoo lang talaga, mas lalo lang akong kinabahan kahapon nang makita ko ang napakasayang ekspresyon sa mukha ni Aaron nang umuwi siya mula sa bahay nina Nikki. Nagsisimula na tuloy akong magduda kung nagkaroon na ba ng pagsulong sa kasalukuyang estado ng kung anumang relasyon ang namamagitan sa kanilang dalawa.
Napangisi naman sa aking gawi ang asungot kong kabarkada, at pagkaraan ay nagsimula siyang mag-compose ng text message sa kanyang cellphone.
“Sabihin na lang nating siya yung trusted helper ko. Yung personal Cupid ko ika nga.” Tugon niya habang patuloy lang siya sa pagpipindot sa mga typing keys sa keypad ng cellphone niya.
Napatango na lang ako nang konti, tila naguguluhan at dagling nagdidili-dili sa kung sino sa mga taong malalapit kay Nikki ang posibleng nilapitan ng kabarkada ko para hingian ng tulong.
Huminga naman ako nang malalim pagkalipas ng ilang sandali ng pag-iisip, wala talagang mabalangkas na posibleng katauhan.
“Pero mukhang nag-level-up na naman ang mga regalo mo kay Nikki a? Mula sa iba’t ibang klase ng mga stuffed toys, mga bouquet ng multi-colored daisies at mga chocolates na patuloy mong binibigay sa kanya nung mga nakaraang linggo, bakit bigla-biglaan mo na lang naisipang magbigay ngayon ng mga accessories sa kanya?” Ang muling pagtatanong ko sa kanya.
At mas lalo namang lumaki ang ngising nakalapat sa mukha ni Aaron nang marinig niya ang mga tanong ko.
“Para mas lalong espesyal, Pare.” Ang tila matipid ngunit napakasaya niyang sagot.
Napakunot naman ang aking noo sa naging kasagutan niya, at aaminin kong bigla na lang akong nakaramdam ng matinding kaba sa kalaliman ng aking dibdib nung mga sandaling iyon.
“Espesyal? Bakit? Ano bang nangyari?” Ang mga nag-aalinlangan kong tanong, hindi na talaga mapakali.
Tumigil saglit si Aaron sa pag-co-compose ng text message sa cellphone niya at napatingin na rin sa akin nang diretso sa wakas. Dagli namang may namuong isang napakasayang ekspresyon sa kanyang mukha at binigyan niya ako ng pawang ngiting tagumpay.
“Kasi sinagot na niya ako kahapon, ‘Pre. Kami na ni Nikki. Pumayag na siyang maging girlfriend ko!”
BINABASA MO ANG
My Best Friend and I [ TEMPORARILY DISCONTINUED ]
Teen Fiction[From Friendship to Love Series Book I] Temporarily discontinued. Storyline to be changed completely. New content to be posted at an indefinite date. HUWAG NA MUNANG BASAHIN. MABIBITIN LANG KAYO. IIBAHIN KO ANG BUONG PLOT NITO. UTANG NA LOOB. HUWAG...