K Magazine: Interview: Peter Solis Nery
ni Noel de Leon
Larawan ni Peter Solis Nery mula sa kanyang opisyal na website
Kapangahasan ang birtud ni Peter Solis Nery nang magsimula siyang seryosohin ang Panitikang Hiligaynon, tila malay siyang walang imposible sa taong palaging nag-aasam ng bago at hindi nawawalan ng pag-asa. Dahil sa maagang kapangahasan nito, tila mas maaga niyang nakita ang rason ng pagiging manunulat, hanggang sa unang dekada ng ikatlong siglo, naunawaan niyang kailangan niyang maging manunulat na mulat sa isyu at problema ng wika at panitikang nakagisnan.
Hindi naging madali ang pagsisimula ni Nery sa larang ng panitikang matagal ring itinuring na labas sa sentro, ang totoo niyan, tulad ng maraming manunulat, tila pagpasok sa butas ng karayom din ang dinaanan niya bago pa man marating sa mga sandaling ito ang tagumpay na inasam. Narito ang ilang punto ni Nery sa mga usapin tungkol sa Panitikang Hiligaynon at sa mga plano nito para sa pagpauswag pa ng Panitikan.
Kalatas: Sino si Peter Solis Nery (PSN) sa Panitikang Hiligaynon?
Nery: H’wag na nating sabihin na pangunahing manunulat ako sa panitikang Hiligaynon, pero hindi rin naman siguro kasinungalingan na sabihing mahalagang manunulat ako sa Hiligaynon. Pagkilala ng kaparis na mga manunulat: tsek! Mga papuri at parangal mula sa mga lehitimong pangkat: tsek! Mga librong naisulat at nailathala sa Hiligaynon: tsek! Mga pelikula sa Hiligaynon: tsek! Patuloy na nagsusulat: tsek! Malasakit sa wikang Hiligaynon at panitikan nito: tsek, tsek! Sa matapat na palagay ko, naghihikahos ang panitikang Hiligaynon kaya naman lalo akong nagsusumisigasig na sumulat sa wika. Wala naman talagang naglalathala ng panulatang Hiligaynon maliban sa kakapiranggot na mga magasin at dyaryo na kalakal, at hindi literatura, ang pangunahing dahilan. Tanong ko: sa nakaraang limang taon, maliban sa dalawang libro na nailimbag ko noong nakaraang taon, meron ba tayong limang aklat sa Hiligaynon na nailathala? Kung tama ang hinala ko na wala, o hindi aabot sa lima, hindi ba makatuwirang sabihing mahalagang manunulat ako dahil ako’y nakakapagsulat at nakakapaglimbag, at tunay ngang naghihikahos ang panitikang Hiligaynon?
Kalatas: Paano nagsimulang magsulat ang isang PSN, at paano siyang naging isang mahalagang bukal sa Panitikang Hiligaynon?
Nery: Kahit pa man noong Grade 3, nagsimula na akong magsulat ng mga tula ayon sa mga itinuro at nabasa kong mga haiku at cinquian. Naging patnugot ako ng mga pahayagang estudyante sa elementarya, haiskul, at maging sa kolehiyo. Wala talaga akong pormal na pagsasanay sa pagsulat. Basa lang ako nang basa, at kopya nang kopya ng istilo ng mga panulat na nagustuhan ko. Paano naging mahalagang bukal? Pwes, marahil dahil sa aking kapangahasan. Palibhasa’y walang pag-aaral at wala naman talagang nagturo o nagsanay, at sa palagay ko’y wala naman talagang nakataya o mawawala sa akin, pinasok ko ang mga kontrobersyal na pamamaraan: erotika, performance literature, self-publishing. Gawa lang ako nang gawa: sulat, limbag, sulat, panalo, sulat, tinda, hanggang hindi na maitanggi ng establisemento na manunulat nga ako.
Kalatas: Ano ang matitingkad na karanasan ni PSN sa Panitikang Hiligaynon?
Nery: Una, ang unang pagkapanalo sa Gawad Palanca: Unang Gantimpala para sa Maikling Kwento sa Hiligaynon. Nagbukas iyon ng pinto sa aking de-kalidad o pang-award na pagsulat. Pangalawa, ang pagkasulat ng sandaang erotikong sonetos sa Hiligaynon. Patunay iyon ng tunay na kapangahasan at pag-angat mula sa inaasahan ng mga tagasubaybay. Pangatlo, ang paglathala ang sandaang sonetos na ito. Pang-apat, ang makagawa ng pelikulang Hiligaynon mula sa nanalong sariling dulang-pampelikula. Palaging matingkad na karanasan ang pagsasanib ng literatura at pelikula. Panglima, ang kilalanin at pansinin ako ng American Council for the Teaching of Foreign Languages sa Amerika bilang dalubhasa ng wika dahil sa aking mga panulat sa Hiligaynon na matatagpuan sa internet.