November 05, 2006
Ilang oras na akong nakatitig sa papel na naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa pagkamatay ng aso ng aming kapit-bahay na si Aling Tinay. Bigla niya na lang daw nakita na nakalupasay ito sa sahig, bumubula ang bibig. Limang taon ang aso, AsKal, puti ang kulay at ang pangalan─Jojo.
Mahal na mahal ni Aling Tinay si Jojo. Kaya ngayon, iyak siya nang iyak. Basa na nga ang kaliwang manggas ng damit ko dahil sa kaniya. Sa balikat ko ba naman humagulhol. Sinuri kong muli ang bangkay ng aso. Kailangan na nitong ilibing, ngunit, hindi ko pa rin alam kung ano ang dahilan ng kaniyang pagkamatay. Kailangan kong makamit ang hustisya ni Jojo.
Napatawa na lamang ako nang muli kong binasa ang aking talaarawan. Ngunit kahit kailan, hinding-hindi ito mabubura sa aking isipan. Iyon ang panahon na nalaman ko sa aking sarili na mahilig akong mag-imbestiga ng isang kaso, ng isang misteryo.
Hindi ko na muli pang itinuloy ang pagbabasa dahil inililipad ng malakas na hangin ang bawat pahina. Tila bumubuo ito ng bahaghari. Bahaghari na gawa sa mga alaala ng kahapon.
Habang nagkukuwentuhan at kumakain ang mga estudyante sa aking paligid, narito ako sa ilalim ng puno. Nasanay na akong mag-isa. Ngunit, kahit isang beses, hindi ko nararamdaman na mag-isa ako. Alam kong sa bawat kilos na aking ginagawa, mayroong nilalang na mula sa kabilang mundo na nanonood sa akin. Sa laki ba naman ng uniberso, imposibleng wala nang nilalang ang nabubuhay kagaya natin.
Sinabunutan ko ang aking sarili. Napakarami ko na namang iniisip. Kinuha ko ang isang libro na patungkol sa mga karagatan. Ilang porsyento pa lamang ang nadidiskubre rito. Tunay ngang isang napakalaking misteryo ang mga dagat. Gusto kong makita ang pinakailalim nito, gusto kong makita ang Atlantis.
"Mukhang malalim ang iniisip mo," saad ng isang lalaki. Napatingin ako sa kaniya. Nakangiti ito nang malaki.
Ibinalik ko ang aking tingin sa librong aking binabasa. "Mas malalim pa rin ang karagatan. Kung ikaw lang sana si Poseidon, yayakapin kita. Pero, hindi. Ordinaryo ka lang."
Umupo ito. Tumabi sa akin. Hindi ko alam ngunit bigla akong kinilabutan. "Mali. Mas malalim pa rin ang utak ng isang tao," seryoso niyang sambit.
"Huhulaan ko, Psychology ang kinukuha mong kurso. Babaero ka. Kakausap ng isang babae tapos iiwan din pagkatapos. Kunwari, interesado ka sa buhay niya. Pero, kapag nawalan ka na ng gana, sasabihin mong magbabanyo ka muna tapos hindi ka na babalik pa."
Tumawa siya nang tumawa. Malulutong ang bawat halakhak na inilalabas niya. "Tama, Psychologist nga ako. Pero, grabe naman 'yong mga iniisip mo tungkol sa akin."
Hinawakan ko siya sa pulso. "Sinungaling ka. Aminin mo, ilang beses ka nang nakipagtalik?"
"Wala, hindi ko pa nararanasan 'yon."
Hindi bumilis ang tibok ng pulso niya. Hindi nga siya nagsisinungaling. Mayroong kakaibang hibla ng kasiyahan ang kumiliti sa aking kamalayan. Bihira lamang sa mga lalaki ang umaamin na hindi pa siya nakikipagtatalik. Marahil, mayroon ngang kakaiba sa kaniya.
"Isa pang tanong, bakla ka ba?"
Tumitig siya sa akin nang kakaiba. Bigla akong nailang. Gusto kong tapusin ang titigan namin ngunit hindi ko magawa. Para akong binabatubalani ng kaniyang mga mata.
Inialis ko na ang hawak ko sa kaniyang pulso. Mukhang alam niya ang Pulse Reading. Ngayon ko lang naalala na Psychology nga pala ang kurso niya. Marahil, napag-aralan na nila ito at kung paano magsinungaling sa ganitong gawain.
