Hangganan (Short Story)

253 1 0
                                    

Hangganan

Hindi ko alam ang mangyayari sa buhay ko kung hindi tumutol ang tadhana at panahon sa bugso ng aming mga puso. Hindi ko rin alam kung paano ako nagtagumpay sa kabila ng sakit at pighati ng kabiguan ng kaligayahan, minsan talaga hindi patas ang mundo. Pero ang masakit, wala kang dapat na sisihin kahit pa ang sarili mo.

Mabigat ang mga paa kong humahakbang pababa ng eroplano. Marahil sa takot na nadarama ‘pagkat may pangamba ang aking mga mata na may makitang ikasasakit ng aking damdamin. Sa totoo lang ang alam ng lahat ay masaya na ako ngayon sa kinatatayuan ko, ngunit ‘di nila nalalaman na maskara lamang ang nakikita nila.. hindi ako masaya.

Limang taon ako nang mangyari ang trahediya sa buhay namin. Parang kahapon pa lang nangyari ang lahat sa aking isipan, sariwa pa ang sugat na iniwan niyon sa aking puso na tila hindi na mag hihilom. Ang pangyayaring iyon ang nagbukas sa aking isipan kung paano patitigasin ang mga tuhod sa kabila ng hampas ng alon sa aking buhay.

“Piolo, anak ikaw ang panganay kaya ikaw ang mag-iingat sa dalawa mong kapatid.” Hinihimas pa noon ni Nanay ang binting nananakit ni Pey, ang aking bunsong kapatid.

“Bakit naman po ako? Pwede naman pong si Tin-tin na lang.” itinuro ko pa ang kapatid kong tatatlong taong gulang pa lamang na panay ang suklay sa buhok ng aming bunso. Ngumiti lamang si Nanay ng makahulugan.

            Hindi ko talaga maunawaan ang ibig sabihin ng aking ina, sa aking pandinig ay kay bigat ng kanyang sinasabi. Sa palagay ko, dahil iyon sa kahirapang lagay namin. Nakatira kami sa kwadradong kubo na yari sa kawayan, nakatirik ang aming munting tirahan sa gitna ng mga puno at hindi nalalayo sa palayan, sakahan ang nagbibigay laman sa aming mga tiyan dahil iyon ang hanap-buhay ng aming mga magulang. Isang normal na buhay, simpleng pamilya.

            Hanggang isang araw, may mga malalaking tao ang nagpunta sa aming lugar. Nakalimutan na ni Tatay mag suot ng panyapak sa pagmamadaling lumabas, si Nanay naman ay dinala kami sa talahib at niyakap ng mahigpit.

“Piolo anak, huwag kayong aalis dito ha, kahit ano pa ang mangyari. Huwag mong iiwan at pababayaan si Tin-tin at Pey, anak makinig ka sa akin, mahal na mahal namin kayo ng Tatay. Babalik ako, pangako.” Tango lang ang tangi kong naisagot. Wala man akong maunawaan sa nangyayari, nakaramdam ako ng kakaibang takot, malakas ang pagbayo sa aking dibdib na tila may kakaibang mangyayari. Tinitingnan ko si Tin-tin at Pey na hindi nababakas ang pangamba sa mukha ngunit naroon ang pagtataka.

            Magtatakip silim na nang marinig namin ang maraming beses na putok ng baril. Napaupo kaming tatlo sa sobrang takot at gulat, umiyak na silang dalawa, pinatatahan ko sila ngunit patuloy pa rin ang pagpalahaw ng mga ito. Dahil sa pangamba na may makakita sa amin ay tinakpan ko na lamang ang kanilang bibig sa pagitan ng paulit-ulit na pag sambit ng Nanay at Tatay. Saglit na tumahimik ang kapaligiran, nakakabinging katahimikan ang namayani sa dalawa kong tainga, hanggang dumating ang haring araw.

Wala pa rin si Nanay.

Hindi pa siya bumabalik, nais lumabas ng luha kong kagabi ko pa pinipigil. Pero kailangan kong maging matatag para sa aking mga kapatid. Hanggang may nakakita sa amin. Si Tatang Bido, isa sa malayong kamag-anak ni Tatay.

            Walang salitang dinala niya kami sa parting patag na lugar sa aming bayan. Marami ang nananangis. Unti-unting nag bukas ang aking isipan nang makita ko ang nakahimlay na katawan ng aking mga magulang. Parang nabundol ang aking puso sa sobrang pagkabigla, nanigas ang buo kong katawan, wala na akong alam na dapat pang gawin kundi ang umiyak at yumakap sa malamig na bangkay ng aking Ina.

“Nanay!..”

Sabi niya ay babalik siya, parang pumitik lang ang hangin pagkatapos ay wala na kaming magulang, ulila na kami. Ang sabi ni Tatang, kasama si Tatay at Nanay na nakipaglaban sa mga sundalong nagpapaalis sa lugar na aming tinitirahan. Isang mayaman daw kasi ang nag mamay-ari nito, dahil sa ayaw ng mga mamamayan sa aming bayan na umalis ay napilitan silang mag-alsa kaya namaril ang mga tauhan ng nasabing taong mayaman.

Hangganan (Short Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon