Luho by Lamaw_007

22 2 2
                                    

Kahit noon pa man, batid ko nang mahihirapan akong abutin ang tulad niya. Hindi naman siya mayaman o artistahin kung tutuusin. Ordinaryong babae lamang siya na may simpleng pamumuhay, ngunit nagustuhan ko siya dahil sa kabaitan niyang taglay.

Siya 'yong babaeng tipong ilalagay mo sa pedestal, dahil kahit bulaklak na pinitas ko lamang sa tabi-tabi ang ibigay ko sa kan'ya ay masaya na siya, gumuguhit na ang matamis na ngiti sa mga labi niya. Buo na ang araw ko kapag nakakausap ko siya. Ngunit hindi naging gano'n kasimple lahat. Akala ko ay wala na kaming problema dahil kapwa namin gusto ang isa't isa. Inakala kong kaya nang isalba ng pagmamahal ko sa kan'ya ang naghihingalo naming relasyon mula nang makialam ang kanyang mga magulang. Wala raw mahihita sa'kin ang anak nila dahil pobre lang din akong kagaya nila. Wala raw magiging magandang kinabukasan ang anak nila sa piling ko dahil maliit lang ang sahod ko sa pabrikang pinapasukan ko. Wala raw silang pag-asa sa'kin na mabigyan ko sila ng marangyang buhay, 'di tulad ng mga karibal ko na umaakyat ng ligaw sa anak nila na kung 'di naka-kotse ay sandamakmak naman ang regalong padala sa kanila kumpara sa isang balot ng bihon na madalas kong dalhin kapag napunta ako sa kanila.

"Pasensiya na, Robert. Kailangan na nating tapusin ang ating relasyon," isang gabing dinalaw ko siya ay 'yon ang bungad niya sa'kin. Hingal na hingal pa'ko dahil nag-bisikleta lamang ako gaya ng nakagawian ko. Iyon lang kasi ang service ko.

"I'm sorry, pero ito na ang huling pagkakataon na magkakausap tayo," dagdag pa niya. Bahagya siyang nakayuko. 'Di ko mawari kung nahihiya siya sa ginawa niya sa'kin o dahil sa harap-harapang ipinamukha sa'kin ng pamilya niya na nagpaka-praktikal na sila at pinili ang isang mayaman niyang manliligaw, na nang mga oras na 'yon ay may dala na namang pasalubong upang matugunan ang kanilang mga luho.

Bagsak ang balikat ko na lumisan sa kanila at napaluha nang ako'y pauwi na. Pinuno ko ng hangin ang aking dibdib. Masakit ang nangyari. Mahal na mahal ko siya. Kahit salat ako sa materyal na bagay, hindi ko siya isusuko, lahat gagawin ko para sa kanya, ngunit kahit ano'ng gawin ko, nawala ang mga pinaghirapan ko sa isang iglap nang ako'y itapon niya nang walang pakundangan!

From Quotes to StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon