Hindi ko alam kung gagawin ko ba ‘to o hindi. Para kasing ang desperada ko tingnan kapag ginawa ko to’ng bagay na’to. Baka bumaba ang tingin sa’kin ng mga kaibigan ko at ni… ni… Ugh! Basta.
Hayyy… Ewan ko ba. Napaka-kumplikado naman kasi ni Kupido e. Papana na lang, sablay pa.
Hindi ko alam kung saan ko ilulugar yung sarili ko sa kanya. Hindi naman niya ako gusto. Kahit nga kakarampot lang, wala talaga. At dahil hindi naman niya ako gusto, naghanap ako ng OPTIONS ko. Para less heartache man lang.
Ang dami kong crush. Kahit crush na lang ang magpa-dugdug sa puso ko, okay na.
Pero hindi pa rin talaga sapat e. Isa pang bagay tungkol sa kanya ay alam niyang crush ko siya. Sinabi ko na kasi sa kanya dati yun. Tinanong ko pa nga siya kung okay lang ba, sabi niya, okay lang naman daw. Aish! Ewan ko nga ba kung anong pumasok sa isip ko at ginawa ko yun.
Pero ang hindi niya alam, hindi ko lang siya crush o gusto. MAHAL KO NA SIYA, YUN ANG TOTOO.
Eto pang pinaka-kinaiinisan ko sa lahat—sa tuwing kinikilig ako sa mga crush ko, nakikita ko siya at ng mga kaibigan ko na tumitingin siya sa’kin.
Ewan ko ba sa puso ko. Sa tuwing nakikita ko kasi siyang tumitingin sa’kin, parang umaasa ako. Ay, hindi pala. UMAASA TALAGA AKO.
AYOKO NA. Ang gulo ba? Kahit ako rin e, naguguluhan na. Ang sakit. Ugh, ayoko na talaga. Eto rin ang hirap sa’kin e, ang dali kong sumuko.
Nandito kami sa library ngayon. Kasama ko ang mga kaibigan ko at si… si… Lander—ang lalaking mahal ko. Kasama rin niya ang mga kabarkada niya.
“Antok ako,” tinatamad at walang ganang sabi ko.
Napabuga ako sa hangin at yumuko. Ipinikit ko ang mga mata ko at nag-isip ng mga bagay-bagay.
Pag-iisipan ko munang mabuti to’ng binabalak ko. Hindi kasi ako magaling sa ganito. Madalas, dinadaan ko sa sticky notes o pagbibigay ng letter yung mga bagay na gusto kong sabihin sa isang tao.
Hindi kasi ako yung tipong masalita kapag sa sweet things na. I mean, hindi ko sinasabi yung mga gusto kong sabihin nang oral. Basta! Mas nasasabi ko kasi nang maayos kapag sinusulat ko.
Napaangat ako ng ulo nang tawagin ako ni Pauline.
“Dibs, kain muna kami ah? Dito ka lang ba?”
Oh di’ba! Ang ganda ng palayaw ko sa kanya. Samantalang pang-star ang pangalan ko!
“Ge,” tinatamad na sagot ko.
Napatingin ako sa tabi ko matapos akong bigyan ni Princess ng makahulugang ngiti at tingin.
Nakayuko lang si Lander at mukhang natutulog. Sina Mikael at Patrick naman, nakatayo na at mukhang sasama kina Pauline para kumain.
“Diva ah,” pahabol ni Grace bago tuluyang lumabas ng library. Nakita ko pa si Betty, the mean young lady, na tumawa.
Ganyan naman kami e. Kahit tinginan lang, para na kaming nag-uusap.
Ilang sandali lang nang tuluyan silang makalabas, nag-angat ng ulo si Lander. Kinusot-kusot pa niya ang mga mata niya pagkaraan ay tumingin siya sa’kin.
“San sila?”
“Café.”
“Ahh.”
See? Kahit na sobrang lapit ko lang sa kanya, parang million million meters away ang agwat namin sa isa’t-isa.
Kinuha niya yung cellphone niya. Katext na naman po niya ang karibal ko, si Angel.
Isa pa yung bruhang yun. Awayin daw ba ako? Patalikod pa. Binibilangan ko na nga lang yan e at nakakadalawa na siya. Isa na lang talaga, di ako magdadalawang isip na patulan siya.