Naparalisa siya sa tanawing iyon, pagkaparalisang agad na sinundan ng mabilis na tibok ng kanyang puso. Animo'y tatalon na sa kanyang dibdib ang tumitibok na bagay na iyon sa loob nito. Maya-maya pa ay dinig niya ang pagkiskis ng metal sa pantalon ng lalaki. Nabanaagan niyang binunot na nito ang kanyang baril. Binaba ni Errol ang tingin sa bota ng armado dahil sa matinding takot at kaba at dahil hindi niya matagalan ang silaw na nagmumula sa makislap na lenteng iyon.
Maya-maya pa ay may isa pang lalaking dumating sa likuran nito.
"Pare, nahanap mo ba?"
Tumigil ang dalawang lalaki sa harap ni Errol na wala nang nagawa kundi pumikit. Marahil ito na ang katapusan niya. Narinig niya ang pagkasa ng baril. Halos malagutan na siya ng hininga dahil sa matinding takot. Ito na. Mabilis lang naman siguro. Baka sa umpisa lang masakit. Kapag namatay siya hindi na naman niya mararamdaman ang sakit. Gusto ni Errol na matapos na ito. Marahil dito magtatapos ang lahat, at matatapos na rin ang sakit na nadarama niya, matatapos na rin ang kabiguan niya. Sa pagyakap ni Errol sa mga binting nanginginig ay niyakap na rin niya ang kapalaran, ang nagbabadyang kamatayan, ang kanyang katapusan.
Walang umimik. Dinig niya ang kabog ng kanyang dibdib at ang bilis ng kanyang paghinga. Dinig niya ang mga ingay na ginawa ng mga galaw ng sapatos ng dalawang armadong lalaki sa harap niya.
"Pare, sumenyas na si boss. Tara na!"
Biglang nawala ang ilaw. Narinig na lang ni Errol na tumakbo ang dalawang lalaki papalayo. Gulat man ay nilingon niya ang mga ito. Nakita niya ang mga ilaw mula sa kanilang flashlights. Papalayo na ang mga ito.
Nahimasmasan ang binata. Nakahinga siya nang maluwag. Napaiyak ito sa tindi ng tensiyon na nadarama. Ano ba ito? Wala siyang maintindihan sa mga pangyayari. Sinampal niyang muli ang pisngi. Kinurot niya ang tagiliran. Sana panaginip lang ito, gaya ng mga kakaiba niyang panaginip.
Ilang minuto ang dumaan. Wala ng naririnig na ingay ang guro. Binalot na ulit ng kadiliman ang paligid. Dahan-dahang tumayo si Errol at dahan-dahan niyang inihakbang ang mga paang namanhid sa matagal niyang pagkakaupo. Binaybay niyang muli ang pangpang. Hindi niya maintindihan ang nangyayari. Bakit hindi siya binaril ng tao kanina? Sino ang mga yon? Bakit nila tinutugis ang matanda? Napatay na ba nila ito? Kung napatay na nila ito, bakit naghahanap pa sila?
Patuloy na binaybay ni Errol ang pangpang ng paliku-likong ilog. Sa tingin niya ay nakalayo na ang mga armadong lalaki. Palingon-lingon pa rin siya upang tingnan kung may mga maaaninag ba siyang tao. Natatakot pa rin siyang biglang may bumaril sa kanya at bigla na lang siyang bumulagta. Ngunit mukhang tahimik na ang madilim na paligid. Dahan-dahang naglalakad si Errol. Dahil sa dilim ay hindi niya makita ang daan. Kapag napansin niyang lumulubog ang kanyang sapatos sa tubig ay umaatras ito at kinakapa ang lupa.
Hindi alam ni Errol kung nasaang lupalop siya ng Pilipinas. Malapit ba siya sa Maynila? Nasaang kagubatan ba siya? Ang mga katanungang ito ay sinasagot lamang ng malumanay na pag-agos ng ilog na tila ay nagpapahupa sa kanyang pangamba.
Naalala niya ang sinabi ng matanda. Siya raw ang sunod na tagaingat ng mga bato. Baliw na yata ang magikerong matandang iyon. Baka ninakaw niya ang mga batong iyon kaya naman tinutugis siya. Nadamay pa siya sa kalokohan nito. Ngunit sumagi sa isip ni Errol ang pag-teleport nila. Pa'no niya ginawa iyon? Anong klaseng technology iyon? Wala pang naririnig si Errol na teknolohiyang kayang ibyahe ang isang tao nang mabilisan mula sa isang lugar patungo sa isang lugar. Sana alam niya kung pa'no iyon gawin dahil hirap na hirap na siya. Gusto na niyang makauwi, makaligo, makainom ng malamig na tubig, makakain, at makapagpahinga.
Gustong gamitin ni Errol ang kanyang cellphone upang ilawan ang daan ngunit natatakot siyang baka nasa paligid pa ang mga armadong lalaki. Lumingon-lingon siya upang maghanap ng bahay. Sana man lang ay may pwede siya hingan ng tulong. Nasaan na ba ang tulay na sinasabi ng matanda?
Maya-maya pa ay natanaw na nga niya ang tulay. May mangilan-ngilang dumadaan na sasakyan. Sa nakita ay naisip ni Errol na malamang malayo siya sa lungsod. Paano siya uuwi? Nagmamadaling humakbang ang binatang nais ng lisanin ang lugar na iyon nang mapatid ang kanyang paa sa isang bagay sa gilid ng ilog. Natumba ito. Ang impit sa ungol ni Errol ay nagpahiwatig na nasaktan ito. Hawak niya ang kanyang binti. Tumayo siyang muli nagsimulang maglakad nang paika-ika. Ngunit nagulat siya nang biglang makita ang kanyang anino.
Ibig sabihin may ilaw mula sa likod niya. Bumalik ang kaba ni Errol. Dahil sa liwanag ay nakita niyang wala na siya sa kagubatan. Sa kaliwa niya ay mga talahib. Sa kanan niya ang ilog. Narinig niya ang mga yapak ng nilalang sa likod. Inangat niya ang kanyang kamay upang ipahiwatig na hindi niya nais makipaglaban, dahil wala naman siyang kalaban-laban. Napansin niyang lumiliit ang kanyang anino, tanda nang paglapit sa kanya ng nilalang na nasa likod.
"Wag niyo naman akong barilin," nanginginig na saad ni Errol. "Hindi po ako lalaban. Pauuwin niyo na po ako. Hindi po ako magsusumbong."
"Bakit nandito ka pa?"
Dinig ni Errol ang namamaos na boses ng matanda. Nabuhayan siya ng loob. Agad siyang lumingon. "Lo, buhay kayo!" Kahit hindi sigurado si Errol sa pagkatao ng matanda ay masaya siyang nakita niya itong buhay. Subalit ang noo niya ay may sugat. "Lo, may sugat ang noo ninyo. Kailangan magamot 'yan!" Tinanaw ni Errol ang lumulutang na liwanag na iyon. Gusto niyang tanungin ang matanda kung paano niya iyon ginagawa, pero gaya ng sabi niya kanina ay matututunan niya rin daw ito. Baka may libreng tutorial si lolo. Dumako ang tingin niya sa sanga ng kahoy na nilaktawan ng matanda. Marahil iyon ang bagay na napatid niya kanina, dahilan upang matumba siya.
"Bakit nandito ka pa?" tanong ni Melchor.
"Manong, ah, este lolo, ang hirap maglakad dito. Madilim!"
"Nasaan ang lampara?"
"Tinapon ko para di ako makita."
"Bakit? Kahit hawak mo iyon, di ka nila makikita."
"Kanina nakita ako ng dalawang lalaki, pero nilampasan nila ako. Hindi nila ako binaril," saad ni Errol na nanginginig, kung dahil sa takot o lamig ay wala na siyang pakialam.
"Bumigkas ako ng orasyon kanina upang di ka nila makita."
"'Yung parang rhyme mo kanina, lo?"
Tumango ang matanda.
"Magic spell pala 'yun? Lo, hukluban ba kayo?"
"Masyado kang maraming tanong! Kanina ka pa dapat nakaalis kung nagtiwala ka sa akin. Hindi ka na dapat naririto pa. Mapanganib!"
Naramdaman ni Errol ang paghawak sa kanya ng matanda. Nakita na naman niya na pinaikutan sila ng mga ilaw. Maya-maya pa ay nawala na ang nakakamanghang tanawin. Nang igala ni Errol ang tingin ay nasa pamilyar na lugar na ulit siya. Wala ng katao-tao ang lugar. Tiningnan ni Errol ang relos. Laking gulat niya nang makitang ala una na pala ng madaling araw. Umihip ang mahinang hangin. Bigla siyang nilamig. Doon niya lang napansin ang basa at madungis niyang itsura. Paano siya uuwi sa ganitong ayos? Lumingon-lingon siya. Wala na ang matanda.
Maraming bagay ang tumatakbo sa isipan ni Errol. Ngunit ang gusto na lamang niya ay makauwi at makapagpahinga. Muling ginala ng binata ang kanyang tingin. Ramdam niya ang katahimikan sa parke, ang pagiging isa. Habang nanunuot ang lamig sa kanyang balat ay bumabalik ang kalungkutang nararamdaman niya. Nasaan silang nangakong hindi siya iiwan?
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 1: Ang Huling Tagaingat
FantasíaHighest Ranking #15 in Paranormal SYNOPSIS: Nang magtagpo ang landas nina Errol at Ivan, namuo ang isang pambihirang pagkakaibigan na sa kalaunan ay sinubok ng agam-agam at pag-aalinlangan. Si Errol ay isang simpleng guro na may simpleng pangarap...