Wika. Ano nga ba ang Wika? Ano ba ang kahalagahan nito sa atin? At sa mundong ginagalawan natin? Ano kaya ang mangyayari kung wala tayong wika, Mailalarawan pa kaya natin ang kagandahan ng paligid at maipapakita pa ba natin ang ating galit at nararamdaman?
Ang Wika bagaman maikling salita subalit ang kahulugan at katangian ay napakalawak at napakalalim. Ang kakayahahan nito’y makakapagpapaunlad ng isang tao at bansa, ngunit may kakayahan din itong magwasak kung mali at hindi angkop ang paggamit. Magagawa nitong pagbuklurin at pagsamahin ang isang bansa ay lahing nasa gitna ng sigalot at kaguluhan. Ngunit gaano nga ba natin kakilala at kamahal ang ating sariling wika? Hanggang saan nga ba natin ito kayang ipaglaban?
Ang Pilipinas ay napakapalad, sapagkat nabubuklod tayo ng ating wikang Filipino. Bagaman iba’t iba ang bigkas at punto na inilalapat natin sa ating wika. Hindi maitatangging nalangkapan natin ito ng kakaibang himig. Ang bawat bagsak ng tunog nito ay may kahali-halinang hatid sa ating puso. Nagkaroon tayo ng kasarinlan at kapayapaan dahil sa ating wika. Subalit sa paglaon ng panahon, katulad ng buhangin sa dagat, natatangay tayo ng alon ng pagbabago. Nagpatianod tayo sa pag-unlad ng teknolohiya at siyensya. Sumabay tayo sa mabilis at hindi mapigil na kolonyalismo. Binigyan natin ng mataas na pagkilala ang mga wikang kanluranin at mabilis na pagkadalubhasa dito.
Subalit labis nating nakalimutan ang ating pambansang wika, mas minatamis nating magsalita ng ingles sa pagkakataong maaari naman tayong magtagalog. Hindi ako tumututol, ikinararangal ko na tayong mga Pilipino ay may angking kagalingan sa pagbigkas ng ibang wika. Ngunit nais kong ipabatid na hindi masamang umunlad at sumabay sa yumayabong na kasaysayan. Pero hindi ba’t masarap na habang nagtatagumpay tayo, ang ipinabandila natin ay ang sarili nating wika. Hindi ba masarap na nakikilala tayong mga Pilipino hindi lang sa talento kundi maging sa kultura?
Huwag nating kalimutanang sinabi ng anting pambansang bayani, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa malansang isda.” Taglayin natin ang pagmamahal at pagpapahalaga sa sarili nating wika, dail ito ang pinakamabisa nating sandata sa ating pagtatagumpay.