Wala pa sa ulirat na inabot ni Winona ang nag-iingay niyang cellphone na nasa mesita sa ulunan ng kanyang kama. Nasilaw pa siya nang silipin niya kung sino ang caller niya. Napabalikwas siya sa kama nang makitang si Tessa ang tumatawag sa kanya.
"Hello?"
"Miss Sapphire! Si gwapong nilalang, nandito po sa coffee shop ngayon!" kinikilig na sigaw ng dalagita sa kabilang linya.
Mabilis pa sa alas kwatro ang naging pagkilos niya papunta sa banyo upang maligo.
Wala pang kalahating oras nang makarating siya sa coffee shop kung saan nadoon si Haru. Kunsabagay ay walking distance lang naman ang layo ng coffee shop na iyon sa bahay nila. Animo kalahok siya sa isang karera sa ginawa niyang pagtakbo kanina paalis ng bahay nila. NI hindi na nga siya nakapagpaalam sa kanyang nanay.
Mabilis na nagpunta sa sa counter kung saan nakita niyang nakatayo si Tessa at naghihintay na may mag-order. Mukhang sa cash register ito naka-assign sa araw na iyon.
Nang makita siya nito ay agad itong sumenyas sa kanya at itinuro ang binatang tinutukoy nito. "Kao-order lang po niya, Miss Sapphire, pero kanina pa iyan nakatambay dito."
Matamang pinagmasdan ni Winona ang binatang prenteng nakaupo sa lamesa kung saan siya nakapwesto noong isang araw lang. Tila hindi nito alintana ang mainit na panahon dahil nakasuot pa ito ng hooded na jacket. May suot pa nga itong salamin sa mata na lalo yatang nag-enhance sa kagwapuhan nito.
Napasinghap na lamang siya nang panandaliang magtama ang mga mata nilang dalawa.
"Si Haruki nga iyon! Oh my God! Ang puso ko, shet!" pabulong na sabi niya sa sarili. Inayos niya ang nagulo niyang buhok at nagpunas ng nabuong pawis sa noo at sa ilong niya. Haggard na haggard na ang itsura niya.
Anak ng sheep naman, o!
Agad siyang nag-iwas ng tingin at umaktong namimili ng inumin at pagkaing o-orderin niya. Pinilit niyang kalmahin ang sarili habang matamang nakatingin sa menu board. Mabuti na lamang at walang masyadong tao nang oras na iyon sa coffee shop na iyon kung hindi ay abot-abot na reklamo ang matatamo niya dulot ng katagalan niya sa counter. Kinakabahan kasi siya at pakiramdam niya ay pinagpapawisan ang kanyang mga palad.
Natatawang napailing na lamang si Tessa habang pinagmamasdan siya. "Miss Sapphire, mukhang hindi pa po kayo desidido kung ano ang o-order-in ninyo."
"Heh, tumahimik ka diyan! Kapag ganitong nagpa-fangirl ako, ayoko ng iniistorbo."
"Eh sino po ba iyang gwapong nilalang na iyan, Miss Sapphire?"
Winona leaned onto the counter. Nagpahalumbaba pa siya habang patuloy pa din ang pagsulyap sa binatang tila walang pakialam sa mundo. "Drummer siya ng pinakapaborito kong Japanese rock band sa buong mundo. Ang Kiken."
"Ah," sabi pa nito habang marahang tumatango. "Hindi ko po sila kilala. Mas trip ko po kasi ang K-pop. Pero gwapo po ang bias ninyo, ha. Pag-uwi ko sa bahay, magse-search ako ng tungkol sa kanila."
Bias ang tawag sa pinakagusto mong miyembro ng gusto mong banda. Natuwa siya sa narinig na iyon mula dito. "Mabuti iyan. Damayan mo ako sa kabaliwan ko, masugid kong alagad."
Humagikgik ito dahil sa tinuran niya. "Ah, oo nga po pala. Gusto ninyo po ba subukan ang bagong dagdag sa menu namin? Isa po yon sa mga bestseller naming ngayon linggo. Mukhang wala pa po kayo sa tamang ulirat para umorder, eh."
"Heh!" Binato pa niya ito ng nilamukos na tissue na napulot niya sa counter. "Pero sige. Kahit ano na lang. Pakidala na lang ang order ko sa table ko, ha? Salamat, Tessa," pagkasabi niyon ay inabot niya ang bayad niya dito at agad naghanap ng malapit na bakanteng lamesa malapit sa pwesto ni binatang rakista. Swerte namang tumayo at umalis ang isang customer na nakapwesto sa lamesang kaharap ng inookupa ni Haru.
BINABASA MO ANG
Winning His Heart
RomanceSiya si Winona Magtalo from the Philippines. Mabait, cute, hindi gaanong katangkaran pero pwede na din naman. Winwin ang tawag sa kanya ng kanyang mga magulang, Nona naman siya sa kanyang mga kaibigan at isang malaking The Who para sa iniidolo niy...