Ang luwad ay matigas lalo na kung tag-araw, ngunit, napapalambot din ito ng ulan. Kagaya ng aking kalooban na pinalambot ng patuloy na pagbuhos ng ulan.
Minsan, maliit na bagay lamang ang nakapagpapabago sa buhay ng tao. Tulad ng nangyari sa akin, na masasabing isang munting pangyayaring nagmulat sa aking hindi masama ang pagbibigay ng pangalawang pagkakataon. Kung hindi dahil sa maliit na pangyayaring iyon na nananatiling sariwa sa aking isipan, hindi sana ganito kaligaya ang aking nadarama.
Ngayon ko na lamang muli nahawakan ang payong na ito-binubuhay ng napakatingkad na kulay at nagpapahiwatig na ang buhay ay sadyang makulay. Ang payong na ito'y punong-puno ng mga masasayang alaalang nagbigay muli ng kabuluhan sa aking buhay. Ang payong na ito ang naging dahilan para lumambot muli ang matagal nang matigas kong puso. Ang payong na ito ang nagbigay muli ng pagkakataon sa aking puso para buksan itong umibig. Ang payong na ito na unti-unting pumuna sa kakulangang nadarama ng aking kaluluwa. Hindi ko nga rin lubos maisip na ang simpleng bagay na ito ang bubuo sa nadurog na piraso ng aking puso.
Makulimlim na ang kalangitan nang idungaw ko ang aking lumuluhang mga mata sa labas ng silid-aralang aking kinalalagyan. Tila nagbabadya ng paparating ng masamang panahon ngunit naisip ko ring nakikisabay ito sa aking nararamdamang dalamhati. Mag-isa lamang ako sa silid at sinasamsam ang pagkakataong mag-isa. Gusto kong mag-isa! Nais kong ibuhos ang sama ng aking loob dahil sa pakikipaghiwalay sa akin ng aking kasintahan.
Isang linggo na ang nakalipas ngunit ang sugat na dulot nito'y nananatili pa rin sa aking puso. Siya ang aking unang pag-ibig kung kaya't masama ang aking loob. Magmula sa araw na iyon ng kanyang pormal na pakikipaghiwalay, isinara ko na ang aking puso para hindi na umibig pang muli. Ayaw ko nang makadama muli ng sakit.
Nagsimula nang pumatak ang malakas na ulan at kasabay nito'y lumutang ang aking kamalayan sa mga oras na iyon. Samu't saring mga palaisipan ang aking naisip para lamang matakasan ang lungkot na aking nadarama.
"Kung magbigti na lamang kaya ako? Kung magpabunggo na lamang? O magpalunod sa dagat? Mawawala na kaya ang sakit na nararamdaman ko ngayon?" Ito ang mga posibilidad na gusto kong gawin para hindi ko na maramdaman ang sakit. Bumalik na lamang ang aking kamalayan nang marinig kong nagsisidatingan na ang mga mag-aaral na magkaklase sa silid na aking kinalalagyan. Marahang-marahan akong lumabas sa silid na may lungkot at pighatu na nakapinta sa aking mukha.
Napagdesisyunan kong umuwi na lamang at huwag nang dumalo sa susunod kong klase dahil alam kong magagalit din naman ang aming guro sa aking inaasta. Dahan-dahan kong binuksan ang aking bag para kapahin kung nakapagdala ako ng payong. Pero, sa kasamaang palad, wala akong nakapang payong. Ayaw kong nababasa ng ulan ngunit sa pagkakataong iyo'y hinayaan kong mabasa ang aking katawan ng ulan. Nakarating ako sa paradahan ng traysikel ngunit ni isa'y wala akong nakita dahil siguro sa kasalukuyang panahon. At dahil sa lutang kong pag-iisip ay naisip kong lumusong na lamang sa ulan.
Ngunit...
Nagulat na lamang ako nang may humila sa aking mga kamay at pinasilong sa kanyang dalang payong. Nagulat ako dahil ngayon ko lamang siya nakita pero tila sinasabi ng aking mga paa na magpatuloy na lamang ako kasama siya. Unti-unti'y narinig ko ang kanyang nag-aalalang boses.
"Alam mo kasi, hindi natin kontrolado ang panahon maging ang pagkakataon, kung kaya't kailangan nating maghanda sa kung anuman ang pwedeng mangyari," sabi niya sa akin sabay akbay sa aking balikat.
Napatingin ako sa kanyang mukha at aking nasilayan ang isang maamong mukha-mukha ng isang binatang tila pagkasaya-saya ang nadarama. Biglang nag-iba ang tingin ng aking mata. Tila nadikit ito sa kanyang mukha na ayaw nang mahiwalay pa. Ngunit, nagising na lamang ako sa aking pagkatigagal nang dali-dali niyang kinuha ang aking mga kamay at pinahawak ang kanyang dalang payong sabay sugod sa kalagitnaan ng ulan.
BINABASA MO ANG
Ulan
Short StoryAng luwad ay matigas lalo na kung tag-araw, ngunit, napapalambot din ito ng ulan. Ang kalooban mo kaya mapapalambot ba ng patuloy na pagbuhos ng ulan?