Paglalakbay para sa ikatlong bagay [One-Shot!]

5K 149 222
                                    

Disyembre 12, taong 2012, isang ordinaryong araw para sa mga taong normal na namumuhay.

Kinagabihan ng araw na ito sa may istasyon ng LRT balintawak, may isang gwardya ang lumapit sa isang lalaking kanina pa niya napapansing nakaupo lang sa may waiting shed buong maghapon. Sa tingin nito ay mukhang may hinihintay ito at mukhang hindi naman mandurukot, kaya nilapitan na niya ito upang kausapin.

"Boy, kanina ka pa nakaupo dyan ah. Aba, anong oras na? Ni hindi ka pa umaalis dyan at kung sino man ang hinihintay mo ay hindi na yon darating. Natitiyak kong nagugutom ka na, kaya ang mabuti pa ay umuwi ka na sa inyo." Sambit ng gwardya.

Ngunit matapos magsalita ay laking pagtataka ng gwardya, matapos makitang umiiyak ang lalaking kaniyang kinausap.

"Ang ikatlong bagay. Pero ano ang ibig sabihin ng ikatlong bagay? At bakit ako nandirito? Bakit wala akong maalala?"  Sambit ng lalaki.

Ngunit ang gwardya ay nagduda sa mga narinig nito, kaya pwersahan na niyang itinayo ang lalaki at pinaalis sa naturang istasyon. Kalaunan ay tinawag pa niya itong isang "baliw" bago bumalik sa kaniyang trabaho. Gayon pa man ang lalaki ay nagsasabi ng katotohanan. Wala siyang maalala sa kung bakit siya naroroon at kung ano ang kaniyang nakaraan. Marami tuloy tanong ang naiwan sa kaniyang isipan habang ito'y naglalakad pababa ng hagdanan ng istasyon. Pero mabilis siyang nanghina sa kadahilang wala pa itong kinakain, kaya naupo muna ito sa isang baitang upang saglit na makapagpahinga. At nang makaipon na ng lakas ay nagsimula na siyang maglakad.

Sa sobrang gutom ay napapatingin ang lalaki sa mga naka-kalat na vendor sa gilid ng kalsada. Hindi niya alam ang kaniyang gagawin para malamnan ang kaniyang kumakalam na sikmura. Kasabay ng kaniyang pagmamasid ay napadukot ito sa bulsa ng kaniyang pantalon at laking tuwa, dahil may pera siyang nakita. Sa mga sandaling ito ay hindi na siya nag sayang pa ng oras at agad nang naghanap ng maaaring kainan ng kinagabihan iyon. Sa mga oras ding iyon ay may isang bagay na tumatak sa kaniyang isipan. At ang bagay na iyon lang ang bukod tangi niyang naalala, ngunit hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin nito, "Ang ikatlong bagay".

Dis oras na ng gabi ngunit hindi pa rin alam ng lalaki kung saan siya pupunta. At kahit anong pilit niyang alalahanin ang kaniyang nakaraan ay bigla-bigla na lamang sumasakit ang kaniyang ulo, kaya minabuti niyang wag munang alalahanin ang mga bagay na ito sa ngayon. Nagpatuloy ito sa paglalakad at nagbabakasakaling may taong maka-kilala sa kaniya. Pero may isang pangyayari ang pumukaw sa kaniyang atensyon. Napahinto siya sa kaniyang nasaksihan at ang pangyayaring iyon ang naging dahilan upang maalala niya ang tunay na kahulugan ng ikatlong bagay. Nang matapos na ang pangyayaring kaniyang nasaksihan ay nagpatuloy na ito sa paglalakad. At habang siya ay naglalakad ay lumuluha ito ngunit nakakapagtakang ito ay nakangiti.

May ilang oras din naglakad ang lalaki at dahil na rin sa sobrang pagod ay hindi na niya namalayang nasa Araneta Cubao na siya. Sa mga oras na ito ay nais na niyang magpahinga, kaya naman sumilong muna siya sa tapat ng saradong istablisyemento at doon na siya nagpaumaga.

Sadyang napakabilis lumipas ng mga araw at halos dalawang linggo na ang nakaraan. Ni hindi man lang namalayan ng lalaki na lumipas na ang pasko, dahil natuluyan na siyang maging isang palaboy. At dahil lagi na itong namamalagi malapit sa istasyon ng MRT sa may Cubao ay may ilang mga palaboy na ang nakaka-kilala na sa kaniya. At ang iba dito ay kusang lumayo at may ilan namang mga sadyang mapanakit at mapanlait. Pero halos lahat ng tao na nakaka-kilala sa kaniya, ma pa-katulad niyang palaboy o mga vendor doon ay tinatawag siyang isang baliw. Dahil bukod sa hindi na ito nag sasalita ay ngumingiti lang ito sa tuwing siya ay lumuluha.

Hanggang sa isang gabi ang dumating, medyo umaambon ng mga oras na iyon at ang lalaking naging isang palaboy ay tahimik na nakaupo sa isang baitang ng isang footbridge. Maraming taong dumadaan at halos lahat ng mga ito ay nagmamadali, dahil baka abutan sila ng ulan. Pero may isang lalaki ang huminto sa tapat ng lalaking naging palaboy. Nagkataka tuloy ito kung bakit hindi tulad ng iba ay hindi ito nagmamadali. At mas lalong napukaw nito ang kaniyang atensyon ng bigla itong nagsalita.

Paglalakbay para sa ikatlong bagay [One-Shot!]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon