Hindi tayo nag iisa dito sa mundo. May mga kasama din tayong hindi natin nakikita na namumuhay din katulad natin. Hindi naman bago kung may maririnig tayo tungkol sa mga engkanto, Aswang, multo o ang iba naman ay hindi matukoy na uri ng mga nilalang. Wala akong tinatawag na 'Third eye' dahilan upang hindi ko makita ang mga ibang nilalang bukod sa atin. Pero naniniwala ako na sila ay totoo base sa kwentong mga naririnig ko.
Tandang-tanda pa noon ng mama ko ang kanyang karanasan ng siya ay dalaga pa. Likas na mabait ang mama. Mabait, Masunurin, Matulungin. Hindi siya yong tipo na palaaway na tao.
Hanggang sa nagsimula ang kanyang panaginip. May nagpakita sa kanya na lalaking kulubot na ang balat sanhi ng sobrang katandaan. Mahaba ang puting buhok at bigote nito na nakasayad sa lupa. Parang si Dumbledore sa Harry Potter pero mas pinatanda version. Inaalok daw siya nito na maging tagapagmana sa lahat ng kayamanan nito dahil pagod na siya at gusto ng magpahinga.
Pero sa katulad nila hindi sila basta bastang nagbibigay ng walang kapalit. Kaya tinanong ni mama kung ano ang kapalit ng kanyang alok.
"Tanggapin mo lamang ang itim na librong ito. Ito ay magbibigay sayo ng kapangyarihan na makita ang hinaharap ng iba (future)." Sabi ng Matanda.
Nakita ni mama ang isang Maitim na libro ngunit Maliit ito. Kagat-kagat ito ng napakalaking gintong ahas.
"Kapag tinanggap mo ang alok ko. Magiging tagasilbi mo ang aking higanteng ahas at ikaw na ang kanyang susundin kahit ano man ang iuutos mo." dagdag pa niya.
"Ano ang magiging kapalit ng lahat ng ito?" Tanong ni mama.
"Malalaman mo ang lahat kapag tinanggap mo ang kapangyarihan na alok ko sayo. Pinili kita dahil nakikita kong mabait ka at tanging ang may mga mabubuting puso lamang ang maari kong bigyan nito. Matanda na ako at ikaw lang ang nakita kong tagapagmana." Mahabang paliwanag ng matanda.
Natakot si mama sa maaring kapalit kaya tinanggihan niya ang alok nito.
"Bukas ng alas 3 ng umaga. Buksan mo lamang ang inyong pintuan ng mag-isa ka. At kapag ginawa mo iyon inaasahan kong nagbago ang iyong desisyon at tinatanggap mo ang alok ko." Huling salita ng matanda bago ito nawala sa kanyang panaginip.
Kasabay ng pagtatapos ng kanyang panaginip ay nagising si mama dahil umaga na rin.
Sumapit ang oras na sinabi ng matanda pero hindi ni mama sinunod ang sinabi nito. Ayaw daw niyang pagsisihan ang maaring magiging kapalit kapag tinanggap niya ang kapangyarihan.
Hindi na rin nagpakita ang matandang lalaki sa kanya dahil baka naghanap nalang ito ng ibang tagapagmana. At hindi natin alam baka magpahanggang sa ngayon. Malay mo baka ikaw na ang alokin niya mamaya sa iyong panaginip.
BINABASA MO ANG
Mga Totoong Kwento Ng Kababalaghan
HororIto'y kwento ng mga nakakatakot na karanasan na nangyari sa totoong buhay. Hindi gawa-gawa lang para ikaw ay matakot. Mga kwento ng taong malalapit sa akin na nagbahagi ng kanilang estorya. Mga karanasan na hindi malilimutan dala ng mga makababalagh...