“Aalis ako pero hindi ibig sabihin non, hindi kita mahal.”
‘Yan ‘yung sinabi ni Tatay sa’kin, kay Ate, at kay Kuya bago siya umalis. Tinanong ko siya, “Hindi po ba ako pwedeng sumama, Tay? Ang dami mo pong dala. Tutulungan ko po kayo!”
“Bata ka pa,” sagot ni Tatay. “Hindi muna ngayon, bunso.” “Eh, saan ka po pupunta?”
Ngumiti si Tatay. Pero hindi ‘yun ang ngiting lagi kong nakikita kapag binibilhan niya ako ng lobo pagkatapos naming magsimba. “Mamamasyal lang si Tatay, April. ‘Wag kang makulit, ah? ‘Wag mong pasasakitin ang ulo nila Ate, Kuya, saka Nanay.”
“Sige na, April. Kailangan nang umalis ni Tatay,” sabi sa akin ni Ate Esther. Hinalikan ni Kuya si Tatay. Gano’n din si Ate kaya humalik na rin ako sa kanya at niyakap niya ako. “Magpakabait ka, ah?” bilin niya sa akin. Tumango ako, “Opo, Tay! Pasalubong ko po, ah?” Unti-unti, nawala na si Tatay sa pinto. Sumakay siya ng taxi. Tama. Taxi ang tawag ni Nanay doon. ‘Yung puting kotse na may nakasulat sa taas na pwede mong kausapin si manong. Noong namasyal kami ni Nana, sumakay din kami roon. Pero nung sumakay kami, pauwi kami sa bahay. Si Tatay, sumakay siya roon paalis ng bahay. Siguro, ‘yun din ang sasakyan ni Tatay pauwi, mamaya. Sana, hindi siya magtagal. Sana, dalhan niya ako nung laruang gustong gusto ko. ‘Yung manikang kapag pumalakpak ka, sasayaw.
Nakita ko, wala si Nanay.
“Ate, ‘asan si Nanay? Hindi siya nagpaalam kay Tatay?”
“Ah, kasi, April… nasa kwarto lang si Nanay. Masakit kasi tiyan niya, eh. Kaya ‘wag muna nating guluhin si Nanay, bunso. Ayos lang ba ‘yon?” sabi sa akin ni Ate.
“Sige po. Pero…” bigla akong tinawag ni Kuya JR. “April! Halika! Tingnan mo. Ang daming bula!” Naglalaro pala ng mga bula si Kuya. Gawa raw ‘yon sa bulaklak ng gumamela. Gamit niya ‘yung straw na isinawsaw niya roon sa parang tubig na galing sa bulaklak tapos hihipan niya at makakagawa na siya ng mga bula.
Gabi na pero wala pa rin si Tatay. “Matulog ka na, April,” sabi sa akin ni Ate habang hinahaplos niya ang buhok ko. “Pero wala pa po si Tatay, Ate. Hihintayin ko siya.” Nginitian ako ni Ate. “Gabi na masyado. May pasok ka pa bukas. Sige na.” Pumasok ako sa kwarto ko at nagdasal, “Papa Jesus, bantayan Niyo po si Tatay. Sana po, umuwi na siya. Salamat po para sa lahat!” Bago ako humiga, may narinig akong umiiyak.
“Nanay? Bakit ka po umiiyak?” Medyo nagulat si Nanay nang makita niya ako. “Masakit lang ang tiyan ni Nanay, bunso. Bakit hindi ka pa tulog?”
“Matutulog na po ako pero narinig kong umiiyak kayo. Saka po, hinihintay ko po si Tatay. Hindi pa po kasi siya umuuwi, eh. Anong oras po ba siya uuwi?” tanong ko kay Nanay.
“Matulog ka na, anak. Maaga ka pa bukas,” sagot sa akin ni Nanay na umiiyak pa rin. Hinawakan ko ang tiyan ni Nanay. “Masyado po bang masakit ang tiyan niyo?” Tumawa nang kaunti si Nanay. “Hindi, anak. Sige na. Bumalik ka na sa kwarto mo at matulog ka nang mahimbing, ah?” sabay halik ni Nanay sa aking noo. Natutuwa ako tuwing hinahalikan ni Nanay ang noo ko. Minsan nga, sabay nilang ginagawa ni Tatay ‘yon bago ako matulog. Mag-uunahan pa sila kung sino ang hahalik sa akin. Pero ngayon, wala si Tatay para halikan ang noo ko. “Oh, bakit, anak?” Napansin ni Nanay na tumahimik ako. “Wala po,” ang sagot ko. “Wala po kasi si Tatay. Hindi niya mahahalikan ang noo ko bago ako matulog ngayon. Pwede po bang kayo na lang ang humalik sa noo ko para kay Tatay?”
Bahagyang napatigil si Nanay at ngumiti. “Syempre naman. Halika nga rito.” Niyakap ako ni Nanay at saka hinalikan ang aking noo. “Matulog ka na, ah?”
Gumising ako, wala pa rin si Tatay. Natulog ako, wala pa rin si Tatay. Dumating ang kaarawan ni Kuya JR, wala pa rin siya. Pero may mga sulat siyang ipinadala. Sabi sa sulat niya sa akin, “Bunso, kamusta ka na? Mabait ka ba? Namamasyal lang si Tatay. Matatagalan pa bago ako umuwi. Masaya dito sa dagat. Dapat matuto ka na lumangoy. Para makasama ka na sa akin sa susunod.”
Nakasakay daw si Tatay sa malaking barko sabi sa akin ni Kuya JR. Seaman daw ang tawag sa kanya. Kaya hindi siya maka-uuwi araw-araw dahil nasa dagat sila. “Nasa dagat? Ibig sabihin, may mga pirata? Dapat umuwi na si Tatay! Nay! Pauwiin mo na po si Tatay!” Sabi ko kay Nanay.
“O, JR. Tingnan mo ito, o. May padalang pera si Tatay. Para raw sa pantalon mo,” ipinakita ni Ate ang pera kay Kuya. “Meron din para sa babayaran ko sa eskwela!”
Tahimik si Nanay kahit kinukulit ko na siya. Nginingitian niya lang ako. “Uuwi rin ang Tatay mo, bunso.”
Tiningnan ko ang kahon na padala ni Tatay. Wala akong makitang manikang sumasayaw kapag may pumalakpak. Tinanong ko si Ate pero sabi niya, wala raw kahit anong para sa akin sa kahon.
“Ayos lang,” sabi ko sa sarili ko. “Mas gusto kong makita si Tatay. Sana, umuwi na siya.”
Ilang buwan na ang lumipas pero wala pa rin si Tatay. Gumagawa ako ng sulat para sa kanya. Lagi kong tinatanong kung kailan siya uuwi at nasaan siya. Kung gaano kaganda ang dagat. Hinahatid ni Ate sa kasama ni Tatay ang lahat ng sulat ko pero ni isang sulat, wala akong natanggap mula kay Tatay. Lagi kong tinatanong si Ate o si Kuya o si Nanay dahil baka nakalimutan lang nilang ibigay sa akin pero wala raw talaga. Ang meron lang daw ay ang kanila Kuya at Ate.
Dumating ang kaarawan ko. Sana, dumating si Tatay. Naghintay ako hanggang gabi pero hindi naman siya dumating. Tumunog ang telepono.
“Hello?” sagot ni Ate. “Oh, Tatay! Kamusta na po?”
Tumakbo ako palapit kay Ate, inaabot ang telepono. “Ate! Ate! Paka-usap po kay Tatay! Sige na po!” Iwas nang iwas sa akin si Ate. Mas tinataas niya pa ang braso niya para hindi ko maabot. “Sige po, Tay. Ingat po.”
Binaba na ni Ate ang telepono. “Maligayang Kaarawan daw, sabi ni Tatay. Tara na, matulog na tayo.”
“Bakit hindi mo po pinaka-usap sa akin si Tatay, Ate? Ayaw niya ba akong maka-usap?” umiiyak akong tinanong si Ate. “Tama na ‘yan, ‘wag ka nang umiyak,” niyakap ako ni Ate. “May… may ginagawa lang si Tatay kaya hindi siya pwedeng magtagal.”
Buong gabi akong umiyak hanggang makatulog ako. Mula ng gabing iyon, hindi ako tumigil sa paghihintay kay Tatay. Lagi akong nasa labas ng bahay namin hanggang papasukin na ako nila Kuya at sabihing kailangan ko nang matulog.
Dumating ang ika-labing walong taong kaarawan ko. Sabi nila, mahalaga raw iyon sa isang babae. Dalaga na raw ang isang babae pagdating no’n. Masaya sila Nanay, Ate, Kuya, pati mga kaibigan namin. Ako lang ata ang hindi masaya. Hinihintay ko ang pagdating ni Tatay. Nailigpit na ang lahat ng gamit pero wala pa ring “Tatay” na dumating. Sa loob ng labing tatlong taon, hindi ko siya nakita mula nang umalis siya dala ang malalaki niyang bag sakay ng taxi. Ni boses niya, hindi ko na rin narinig. Ni isa sa mga sulat ko, hindi rin niya sinagot.
Kinabukasan, paggising ko, may dalawang kahon sa bahay. “Ano po ito, Nay? Galing po ba ito kay Tatay?” Tumango lang si Nanay. Sa isang kahon, may nakasulat na pangalan ko.
“Pwede ko po ba tong buksan, Inay?” Nakayuko si Nanay na tumango. Pagbukas ko ng kahon, ang daming laman. May manika, ‘yung sumasayaw kapag may pumalakpak. May palda, may bestida, may suklay at salamin! Mga gamit ng babae. Meron ding isa pang manika na pwede kong yakapin at itabi sa akin habang natutulog ako. May labing tatlong bagay sa loob ng kahon. Lahat para sa akin kasama ang isang sobreng may pangalan ko.
“Malaki ka na siguro ngayon. Dalaga ka na, anak. Hindi alam ni Tatay kung paano ipaliliwanang sa’yo kung bakit hindi ako sumasagot sa mga sulat mo. Kung bakit hindi kita kinaki-usap tuwing tatawag ako sa inyo. Bata ka pa noon. Natatakot akong magalit ka kay Tatay. Namasyal lang si Tatay para hanapin ang kanyang sarili. Mahalaga ang pamamasyal. Kaya kung darating ang araw na maguguluhan ka rin, subukan mong mamasyal, anak. Pero sa loob ng labing tatlong taong wala ako, sa bawat kaarawan mo, gusto kong sabihin sa’yong hindi ka nakalimutan ni Tatay. Hindi ko nagawang ipadala ang lahat ng ito dahil ayokong isipin mong ‘hanggang regalo lang si Tatay, wala naman siya rito’. Mahal na mahal ka ni Tatay, anak.”
Umiiyak ako nang matapos kong basahin ang sulat ni Tatay. Napansin kong umiiyak na rin sila Nanay. Tinanong ko kung ano ang nasa loob ng isa pang kahon. Doon ko nalamang kaya umalis si Tatay para mamasyal ay dahil naghiwalay sila ni Nanay. Isang bagay na hindi ko maiintindihan noong bata pa ako. At doon ko rin nalaman na natapos na ang paglalakbay ni Tatay sa dagat. Na mula noon, magsisimula na siyang maglakbay papunta sa langit.