Sa bawat pagpili ko na mga nagtutugmaang salita at walang humpay na paggamit ng gitara.
Paulit-ulit na pagkanta sa napakaraming papel na nakakalat sa paligid.
Ang bawat pagbigkas ko ay kasabay ng pagbabadya ng mga luha ko.
Ewan ko ba sa tuwing bibigkasin ko ang Ikaw, Sa iyo, tila ba may kirot na dumadapo sa puso.
Mga luhang nagbabadyang pumatak anumang oras na banggitin ko ang pangalan mo.
Malungkot ako sa tuwing lalakad ka palayo na parang masaya kang tanawin ang hinaharap.
Pero alam mo kung ano ang mas masakit? Yung may kasama kang iba at masayang naglalakad palayo na tila ba nakalimutan mong may palaging tumatanaw saiyo.
Bawat pitik at pagdapo ng mga daliri ko sa gitara ay kasabay ng mga lirikong nagsisipag bagsakan sa malamig kong tinig.
Kaakibat nito ang lungkot na kumakapit sa mga notang ipit.
Sa bawat malalalim na salita na nababanggit ko, napakaraming kuwentong nais iparating nito.
Nakakulong ako sa iisang ritmo at umaasang mapapalitan mo ito. Sa ritmong nagbibigay bigat sa nararamdaman ko.