PANIMULA
Sa milyon-milyong lovers ngayon sa buong mundo, libu-libo naman ang umiiyak tuwing gabi at yumayakap sa kanilang unan. Sa libu-libong inspired at napapaihi sa labis na kilig tuwing tumitingin si crush, daan-daan naman ang bitter at umiismid kapag nakakakita ng mga lalaki at babae na nagpapalitan ng sweet messages sa kanilang Facebook, Twitter, Instagram, Twitter at iba pang uri ng kakalikha pa lamang na social networking sites. May mga edad 40 na subalit bilib pa rin sa kanilang sarili na may asim pa sila. At hindi naman naaalis ang listahan ng ilang nawalan na ng pag-asa at nanatiling matandang dalaga dahil hindi man lamang nakaramdam ng kaunting kilig sa balat.
Ang buhay pag-ibig, parang pagtingin din yan sa buhay. Parang atoms, may protons na considered as positive at may electrons na siya namang negative. Parang mangga, may hinog na tila dinadala ka sa langit sa sobrang tamis, at may maasim naman na parang kili-kili lang ng tricycle driver na dalawang araw nang hindi naliligo. Nasa kamay mo ang desisyon kung ano ang lalasahan mo, yung matamis o maasim na kili-kili. Ibig sabihin, ikaw ang pipili kung dun ka sa positibo the other side of the coin.
Kaya lang sa mga panahong ito, lalo na sa mga kabataan, masyadong maaga para magdesisyon sa mga bagay-bagay sa kanilang buhay. Syempre, ang tinutumbok dito ay ang kanilang BUHAY PAG-IBIG. May mga batang 12 anyos pa lang na kung maka-moment akala mo wala nang bukas at wala silang ibang aatupagin. Ni limot na kung anong ibig sabihin ng adjective, adverb at ilang parts of speech. Minsan, matutulala sila at tatanungin na lamang sa kanilang sarili, PAANO NGA BA ANG PAG-MOVE ON?
Paulit-ulit silang nagmamahal at paulit-ulit ding nasasaktan kaya’t paulit-ulit na namang magtatanong sa tanong na iyon. Minsan hihiga lang sa kama habang hawak ang kanilang cellphone at sasabihin ang walang kasawa-sawang litanya na “SANA HINDI NA LANG KITA MINAHAL”.
At dahil paulit-ulit nga lang ang buhay, paulit-ulit nating pinagdaraanan ang mga ganitong sitwasyon, minsan mas malala; minsan nasasanay na lang tayo. Pero ang totoong tanong, paano nga ba ang sistema ng moving on?
Umaasa akong makakatulong ang mga gabay nang hindi expert na katulad ko pero dumaan din sa mga ganitong pagkakataon. Nawa’y maging salamin ito hindi lamang ng mga kabataang maagang lumalandi at nagpapalandi kundi sa ilang nalipasan ng panahon pero first love pa rin ang pilit kinakalimutan. Para sa ilang umaasa at patuloy pang aasa. Para sa mga magmamahal, nagmamahal, ayaw nang magmahal at may minamahal.
(Abangan po ang unang tip kung papano mag-move on)