Title: LANGIT-LUPA-IMPYERNO
Author: demarhava
Genre: Mystery/Thriller
Date Submittes: July 29, 2016
Word Count: 1,999STORY
●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●
Nagising ako sa aking pagkakatulog nang makalanghap ako ng napakasangsang na amoy at nang makaramdaman ako ng pagpatak sa aking pisngi. Hindi ko rin alam kung bakit napakainit ng paligid.
“Ugghh!” Tinakpan ko ang aking bibig para pigilan ang pagsuka at bumangon sa pagkakahiga. Doon ko napansin na nasa hindi ako pamilyar na lugar. Para itong selda ng mga preso. Nasaan ako?
Naulit muli ang pagpatak, ngunit ngayon ay tumama naman ito sa aking kamay. Saan galing iyon?
Napaangat ako nang tingin. May babaeng sa itaas ng kulungan ko at paulit-ulit niyang nilalaslas ang kanyang pulso. Natatakot ako para sa kanya. Ano mang oras ay pwede siyang mamatay!
“Miss! Tama na yan!” sigaw ko sa kanya ngunit tila ba hindi niya ako naririnig. Bagkus ay pinagpatuloy lang niya ang kanyang ginagawa. Hanggang sa maputol ang kanyang kamay at sumirit ang dugo mula rito.
“Aaahhh!” napatili ako sa takot. Kasabay nang pagkaputol ng kanyang kamay ay ang pagligo ko sa kanyang dugo. Ngunit, pati ibang parte ng kanyang katawan ay kanya nang pinagpipira-piraso.
Inilibot ko ang tingin sa buong lugar. At napatanga ako sa aking napagtanto. Bilangguan. At sa bawat selda ay may isang taong nakakulong dito. Tanging napakakipot na espasyo lamang ang pagitan ng bawat nakahilerang kulungan sa isa't isa at hanggang sa tuktok ang taas ito. Ang bawat kulungan ay may nakasulat sa itaas ng kanang bahagi nito na hindi mo maintindihan. Hindi ko mabilang kung ilang palapag ang bawat isa, pero nasisigurado kong napakataas nito at iisipin mong wala itong hangganan.
Tulad ng babae sa itaas ng kulungan ko, paulit-ulit din ang ibang presyo sa kanilang ginagawa. Dito ay nasaksihan ko ang iba't ibang paraan ng pagpapakamatay.
Ipinikit ko nang mariin ang aking mata nang napagtanto ko kung nasaang lugar ako, impiyerno. Kulang ang naging paglalarawan sa libro para malaman mo kung gaano nakakatakot at nakakapanindig balahibo ang lugar na ito.
Ano mang segundo ay tila ba mamamatay ako sa pagkabaliw. Ang mga walang emosyong mata nila ay tila ba nakikita ko pa rin kahit ako'y nakapikit. Ang mga ginagawa nila ay paulit-ulit ding pumapasok sa aking isip na tila ba kabisadong-kabisado ko na ang lahat ng ito.
Hindi nq ako nakatiis, sumigaw ako. “Ilabas ninyo ako rito! Parang awa ninyo na! Ilabas ninyo ako!” Mangiyak-ngiyak na pagmamakaawa ko. Sa bawat segundong itatagal ko sa seldang ito, pakiramdan ko'y tatakasan na ako ng aking katinuan.
May naaninag akong dalawang anino na papalapit sa aking puwesto. Ngunit parang ayoko na lang rin lumabas dahil sa nakakatakot nilang itsura. Kulay berde ang buong katawan nila at may buntot silang patusok ang dulong bahagi. Meron ring maliliit na sungay na nakatubo sa kanilang mga ulo.
“Kreka dunga suga.”
Hindi ko maintindihan ngunit tinignan nila ang sulat na nakasabit sa labas ng selda kung nasaan ako. Pagkatapos ay binuksan nila ang kulungan ko at pilit nila akong pinapalabas.
“Ayoko!” sigaw ko. Ngunit kahit anong pagpupumiglas ko mula sa pagkakahawak nila ay hindi umubra. Ang kanilang mapupulang mata na nakatingin sa akin ay lalo lamang na nagpatindi sa takot na nararamdaman ko.