ANG LOCKER

1.8K 15 15
                                    

NOVEMBER 7, 2013

                   Excited na excited si Lanie sa kanyang bagong trabaho sa call center.  Fresh graduate kasi siya at ito ang kanyang unang trabaho.  Maganda ang office nila, malaki at moderno ang mga kagamitan.  Natutuwa din siya sa mga kapwa niya trainees.  May mga galing na sa ibang call centers, may mga may edad na, at mayroon din naman katulad niya na unang sabak pa lamang sa mundo ng call center.

“Okay, guys,” sabi ng trainer nilang si Candy.  “We will assign you your respective lockers so you can leave your stuff there.  I trust you brought your padlocks like I said yesterday.”

Isang malakas na “Yes” ang pumuno sa loob ng training room, lalo na sa grupo ni Lanie na pawang mga baguhan.

“I’ll call out your name one-by-one and I’ll give you a paper where your locker number is written.  Proceed to the guard and show that paper to him.  He will open your locker for you.  Understood?”

“Yes, Candy!” malakas na sagot nilang lahat.

Isa-isa na ngang tinawag ni Candy ang mga trainees at isa-isa rin silang lumabas ng training room para pumunta sa guard.  Nang tawagin na ang pangalan ni Lanie ay halos patakbo siyang pumunta sa harap ng classroom.

“Here’s your locker number Lanie!” nakangiting sabi ni Candy sabay abot ng isang pirasong papel.

“Thank you!” halos abot tenga ang ngiti ni Lanie.

Pagkalabas niya ng training room ay mabilis niyang binuksan ang papel na hawak niya.

Locker #2046.

Mabilis na dumiretso si Lanie sa guard at iniabot ang papel.  Saglit itong tiningnan ng guwardiya pagkatapos ay kinuha ang isang wire cutter sa loob ng kanyang desk.

“Dito po tayo mam,” magalang na sabi ng guwardiya sabay tayo.

Masayang sinundan ni Lanie ang guwardiya patungo sa locker room.  Malaki ang locker room na nahahati sa maraming rows.  Nasa dulong row dumiretso ang guwardiya at pagkatapos ay tumigil sa harap ng mga lockers.  Muli nitong tiningnan ang hawak na kapirasong papel at pagkatapos ay hinanap ang locker.  Di nagtagal at nakita ito ng guwardiya.  Nakatali ang lalagyan ng padlock ng locker ng isang kapirasong alambre na agad namang pinutol ng guwardiya gamit ang wire cutter.

“Bukas na po, mam,” nakangiting sabi ng guwardiya.

“Salamat kuya,” sabi ni Lanie sa guwardiya na babalik na sa desk nito.

Humarap si Lanie sa kanyang locker at pagkatapos ay mabilis itong binuksan.  Nagulat siya sa kanyang nakita.

Maalikabok ang loob ng locker at sa pinakagitna nito ay mayroong isang asul na mug na nababalot ng makapal na alikabok.
“Ano ito?” mahinang sabi ni Lanie na bakas sa mukha ang pagtataka.

Dahan-dahang kinuha ni Lanie ang maalikabok na mug.  Tinitigan niya ito at nakitang may nakasulat na pangalan dito.

Jenny.

Jenny?  Baka siya ang dating may-ari ng locker na ito.  Baka nag-resign siya at naiwan na lang itong mug niya, naisip ni Lanie.

Muli niyang tiningnan ang maalikabok na locker.

Mukhang matagal na itong hindi nagagamit ah.

Nilapag muna ni Lanie ang mug na hawak.  Buti na lang at may dala siyang tissue sa bulsa.  Mabilis niyang pinunasan ang loob ng locker, inaalis ang lahat ng alikabok.  Nang matapos ay isinara niya ito at inilabas ang padlock sa kanyang bulsa.  Mabilis niyang ikinandado ang kanyang locker.

ANG LOCKERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon