Prologue

17.9K 496 35
                                    

Madilim ang kalangitan. Nakakatakot ang itsura ng mga ulap na tila babagsak sa kalupaan na may ngitngit. Mabilis ang kilos ng mga ito. Kasabay ng mabilis na pagkilos ng maitim na ulap ay ang mga kidlat na sinusundan ng matatalim na kulog. Ngunit hindi alintana ng noo'y tila nasa kwarentang si Melchor ang sumasamang panahon.

"Damian, itigil mo na ito." Madungis si Melchor na noo'y isa pang matipunong mama. May pasa ang kanyang kanang pisngi May punit ang manggas ng kanyang kamiseta. May dumi ang kanyang pantalon.

"Kuya, hindi mo na ako madidiktahan. Hindi niyo na ako madidiktahan ng mama," sagot ni Damian na may sugat sa noo at mantsa ng dugo ang suot. Hawak niya sa magkabilang kamay ang tigdadalawang bato na kumikislap.

"Kailanman ay hindi ka namin diniktahan ni mama. Binibigay ng mama ang mga nais mo. Itigil mo na ito alang alang sa ating nasirang ina."

"Hindi!" Nanlilisik ang mga mata ni Damian. "Ngayong nasa akin na ang mga ito, wala nang makakapigil pa sa akin. Ako na ang magiging pinakamakapangyarihan. Luluhod kayong lahat sa akin."

"Makinig ka, Damian. Hindi ikaw ang nakatakdang humawak sa kapangyarihang taglay ng mga bato."

"Kuya Melchor, tingnan mo. Tingnan mo. Naririnig nila ang diwa ko."

"Maari mong ikapahamak ang paghawak sa mga iyan."

"Sinasabi mo lang iyan, Kuya, kasi ang katotohanan ay ikaw ang may nais na gamitin ang mga batong ito. Gusto mo ikaw lang ang magaling."

"Wala sa ating dalawa ang nakatakdang humawak sa mga bato. Naiintindihan mo, Damian? Tagaingat lang tayo ng mga mahiwagang batong mga iyan."

"Huwag mo na akong hadlangan. Ayaw kitang masaktan." Kinuyom ni Damian ang mga kamay. Kumikislap ang mga bato. Sa bawat minutong lumilipas ay tila tumitindi ang kislap ng mga bato. Sumisilip ang liwanag sa mga siwang sa pagitan ng mga daliri ni Damian.

"Kung ganoon ay wala na akong magagawa kundi --" Ngunit bago pa man matapos ni Melchor ang sasabihin ay laking hilakbot nito nang makita ang kapatid na animo'y kinukumbulsiyon. Namamaga ang mga kumikislap niyang ugat.

Taglay ng mga hiyas ang kapangyarihan ng apat na elemento ng kalikasan. Sila ang pipili ng kanilang sasaniban. Hindi maaaring hawakan ninuman ang mga ito. Maging ang mga tagaingat ay hindi pwedeng hawakan nang matagal ang mga ito.

Ngunit marahil mali ang alamat. Tila ay lumalakas si Damian. "Wala ka ng magagawa. Huli na." Nagliwanag ang kanyang katawan.

"Damian, sa huling pagkakataon isuko mo na ang mga kapangyarihan."

"Isuko?" Kinuyom ni Damian ang mga kamao. Mula sa mga ito ay lumabas ang pulang enerhiya na mabilis na lumaki. Lumagablab ang apoy mula sa kamao ni Damian, ngunit nilapnos nito ang kanyang balat.

"Hindi ka dinidinig ng mga elemento. Isuko mo na ang mga ito!"

Sumigaw at dumaing si Damian. Subalit tila nilalabanan nito ang sakit na nadarama. Itinuon nito ang mga kamao kay Melchor. Lumagablab ang apoy mula sa mga kamao nito at tinumbok ang kinaroroonan ng nakakatandang kapatid na walang ginawa kundi umilag. Nahagip ng apoy ang manggas ng huli.

"Itigil mo na ito," sigaw ni Melchor habang pinapagpag ang nasusunog na manggas, "kundi ay --"

"Kundi ay ano!" malakas na sigaw ni Damian. "Lalabanan mo ako, kuya? Mas malakas na ako ngayon."

"Hindi mo ba napapansin?" Dahan-dahang naglakad si Melchor patungo sa kapatid. "Kinakain ka na ng mga elemento."

Tiningnan naman ni Damian ang nalapnos na mga kamao. "Hindi! Hindi maaari ito." Pagkatapos ay umalingawngaw ang sigaw nito na sinabayan ng pagyanig ng lupa.

Enchanted Series 1: Ang Huling TagaingatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon