Selfie tayo!
Lumingon si Anabel sa kanyang kaliwa ngunit ang tanging nakita niya lamang ay ang kanyang mga kaklaseng abalang-abala sa pagkopya ng lecture na isinusulat ni Ms. Alejandro sa white board. Iginala niya ang kanyang mga matang namumugto at namumula.
“Please, tama na,” naibulong niya sa sarili.
Muli niyang ibinaling ang kanyang tingin sa harapan ng silid-aralan. Sa kanyang kanang kamay ay mahigpit niyang hawak-hawak ang isang itim na ballpen ngunit wala naman siyang isinusulat. Sinubukan niyang basahin ang nakasulat sa white board ngunit hindi niya magawa. Para bang nanlalabo ang kanyang mga mata. Para bang nakalimutan niya kung paano ang magbasa.
Selfie tayo!
“Tama na!” Napatayo si Anabel. Nakapikit ang kanyang mga mata at nakasabunot sa kanyang mahabang buhok ang kanyang dalawang kamay. Ang hawak niyang ballpen ay tumilamsik sa bandang likuran ng klase.
“Anabel? May problema ba?”
Dahan-dahang idinilat ng babae ang kanyang mga mata at nakita si Ms. Alejandro. Nakakunot ang noo nito, halos salubong na ang kilay. Bata pa naman ang kanilang guro at dalaga pa, ngunit kung titingnan ay para bang may anim na anak na ito.
“W-Wala po, ma’am.” Mabilis na umupo si Anabel. Lahat ng kanyang mga kaklase ay iisa lamang ang tinitingnan. Ang iba naman ay mahinang tumatawa. Muling humarap ang guro sa white board.
“Oy, Anabel. Ano bang nangyayari sa’yo?” bulong ng kanyang kaklase na nakaupo sa kanyang likuran sabay abot ng ballpen nitong tumilapon kanina.
“W-Wala, June,” mahinang niyang sagot. “Ayos lang ako.”
“Bakit ba parang puyat na puyat ka? Huwag mong sabihing nag-FB ka naman magdamag at nagselfie-selfie?
Biglang nanlaki ang mga mata ni Anabel sa sinabi ng kaklase. Ang kanyang buong katawan ay nagsimulang manginig.
Selfie tayo! Ngayon na!
Muling lumingon si Anabel sa kanyang kaliwa. Isang mahinang sigaw ang kumawala mula sa kanyang mga labi. Sa labas ng kanilang silid-aralan, isang babae ang nakasilip sa salaming bintana. Magulo ang buhok ng babae, na tumatakip sa mukha nito. Tanging ang maputla ngunit nakangiting mga labi ang nakikita ni Anabel. Gusut-gusot din at marungis ang suot na uniporme ng babae ngunit hindi naman nakikilala ni Anabel kung ano bang eskuwelahan iyon. Kumakaway sa kanya ang babae. Tinatawag siya.
“Tama na!” sigaw ni Anabel at biglang napaiyak. Hinablot niya ang kanyang pink na bag na nasa lapag at binuksan ang zipper ng bulsa sa harapan. Mabilis niyang inilabas ang kanyang iPhone 4S at pinindot ang camera icon.
“Ito na! Masaya ka na ba?” Itinaas niya ang kanyang kamay na may hawak na cellphone at itinutok ito sa kanya. Sa LCD screen ay makikita ang kanyang mukhang para bang papel na nilukumos.
“Ito na! Tigilan mo na a—“
Biglang may humablot sa hawak na cellphone ni Anabel.
“Anabel? Anong nangyayari sa’yo? Nasisiraan ka na ba?” tanong ng kanilang guro.
“M-Ma’am Alejandro. A-Akin na po yung cellphone ko. Kailangang-kailangan ko po ‘yan.” Pilit inaabot ni Anabel ang kanyang cellphone na itinatago naman ng kanilang guro sa kanyang likuran.
“At bakit? Para mag-picture?” Nanlalaki ang mga mata ng guro. Pati ang butas ng ilong nito ay lumalaki-lumiliit. “Para mag-selfie?”
“Ma’am. Hindi niyo po naiintindihan,” halos hindi na maintindihan ang sinasabi ng dalaga dahil sa paghagulgol nito. “Kailangan ko po ‘yan. Kailangan ko pong mag-selfie ngayon.”