NOVEMBER 17, 2013
DAY 1
Halos lumuwa ang mga mata ni Eric ng makita si Joel sa kanyang kuwarto. Kagabi lang kasi ay iniwanan niya ang walang buhay na katawan ng lalake sa isang madilim na bukirin sa Cavite ngunit ngayon ay nakatayo na ito sa kanyang harapan. Ang puting polo at pantalong maong na suot nito kahapon , ngayon ay punit-punit at kulay pula na sa dugo.
“Hindi!” bulalas ni Eric. “Patay ka na!”
Dahan-dahang humakbang papalapit si Joel. Parang hirap itong maglakad, ang buong katawan ay naninigas.
Hindi alam ni Eric kung namamalikmata lamang siya o talagang nasa harap niya ang multo ni Joel. Napapikit na lamang tuloy siya sa takot.
Lumipas ang ilang minuto. Nang manatiling tahimik ang kanyang buong kuwarto , dahan-dahan niyang idinilat ang kanyang mga mata.
Wala na si Joel.
Bagamat pagod sa malayong biyahe ay mabilis na lumabas si Eric ng bahay at kumaripas ng takbo papalayo.
DAY 3
Nagpalaboy-laboy si Eric sa maliliwanag at matataong lugar. Hindi niya pa rin kasi maipaliwanag kung ano ang nakita niya noong isang araw. Imahinasyon ba lamang niya iyon, o totoong nagpakita sa kanya si Joel? Dahil sa linya ng kanyang hanapbuhay, hindi siya naniniwala sa mga multo at sa mga kababalaghan. Ni hindi na nga siya natatakot pumatay at makakita ng bangkay.
Ngunit ibang usapan na kung nakatayo ang bangkay at galit na galit na nakatingin sa iyo.
Kinilabutan si Eric ng maalala ang hitsura ni Joel.
“Eric!”
Isang galit na boses ang tumawag sa lalaki. Mabilis niyang nilingon ang direksyon na pinanggalingan ng boses. Nagulat siya sa kanyang nakita.
Si Joel.
Nakatayo ito sa tabi ng isang poste, nakangiti sa kanya. Mukhang hindi siya nakikita ng ibang tao dahil padaan-daan lang ang mga ito sa harap ng bangkay na si Joel.
Gusto sumigaw ni Eric ngunit alam niya na baka pag-isipan siya ng masama ng mga tao sa paligid. Sa halip ay muli na lamang siyang kumaripas ng takbo, hindi alam kung saan pupunta.
DAY 6
Dahil na rin sa pagod, napilitang umuwi si Eric sa bahay na kanyang tinutuluyan. Dahan-dahan siyang pumasok, nagmamasid. Halos isang oras din siyang nakiramdam bago siya makahinga ng maluwag. Dali-dali siyang pumasok ng banyo at naligo. Pagkatapos ay agad siyang nagbihis at nakatulog sa kanyang maliit na kama.
DAY 7
Nagising na lamang si Eric ng maramdamang may sumasakal sa kanya. Dahil sa hindi makahinga, bigla niyang idinilat ang kanyang mga mata.
Sa kanyang ibabaw ay nakaupo si Joel. Nakangiti ang lalake habang pinipiga ng malalamig nitong mga kamay ang kanyang leeg. Bagamat parang mawawalan na ng malay ay pinilit ni Eric makawala sa bangkay. Ibinuhos niya ang kanyang buong lakas at tinulak si Joel palayo. Nang bumagsak ito sa sahig ay mabilis siyang tumayo. Lalabas na sana siya ng lingunin niya si Joel.
Wala na ito sa sahig, para bang bulang naglaho.
Day 15
Muling nagpalaboy-laboy si Eric sa kalsada, sinisiguradong lagi siyang napapalibutan ng mga tao. Kapag umaga ay tumatambay siya sa mga parke at mga mall at kapag gabi naman ay nakikiumpok siya sa mga grupo ng mga pulubi. Bagamat parang isang masamang panaginip lamang ang nangyari sa kanya noong isang araw, natatakot pa rin siya na baka maulit na naman ito.
BINABASA MO ANG
40 DAYS (SHORT TAGALOG STORY)
Mystery / ThrillerKagabi lang kasi ay iniwanan niya ang walang buhay na katawan ng lalake sa isang madilim na bukirin sa Cavite ngunit ngayon ay....read more PLS. VOTES AND LEAVE YOUR COMMENTS. TNX ENJOY READING!!!