BARANG (TRUE STORY)

9.3K 172 23
                                    

NOVEMBER 14, 2013

              Isang kapitbahay namin sa Blumentritt ang pinaglalamayan ngayon dahil diumano pinatay ito ng mangbabarang. Ito ang paniwala ng mga anak at kamag-anak ng namatay na si Aling Lourdes Soriano-Lutao, 66, residente ng Kalye Calavite, La Loma, Lungsod ng Quezon.

Ayon kay Jun Soriano, anak ng namatay, noong gabi ng ika-siyam ng Abril, 2011, ay lumobo na lang bigla ang tiyan ng kanyang nanay at dumaing ito ng matinding sakit. Kaagad niyang dinala si Aling Lourdes sa isang libreng ospital sa Caloocan at doon ay sinabihan ng doktor na ang pasyente ay may kanser sa matris. Malala na daw ito at dapat nang dalhin sa pribadong ospital sapagkat kulang ang kanilang mga kagamitan para sa ganoong kalalang sakit.

Si Jun: naniniwalang biktima ng barang ang ina. Dahil sa kakulangan sa salapi upang gugulin sa pribadong ospital, ay minabuti ng mga anak ni Aling Lourdes na ito’y dalhin na lamang sa albularyo. Agad na tinawas ng albularyo si Aling Lourdes. Ito’y nagsindi ng kandila at nagpausok ng kamanyang. Nagdasal din ito ng mga Latinong dasal at nilapatan ng anting-anting ang noo ng may sakit. Samantala, si Aling Lourdes ay panay na ang daing dahilan sa napakasakit na tiyan. Kapagdaka’y pinatulo ng albularyo ang tunaw na kandila sa isang maliit na palanggana at doon ay nakita diumano ang hugis ng isang mangbabarang.

“Masyadong malakas ang mangbabarang na ito,” ang wika ng albularyo. “Nahuli na tayo,” ang pailing-iling pa nitong dagdag. Ayon pa sa albularyo, ang mangbabarang daw ay gumagamit ng malilit na insekto at ito’y kanyang sinasanay upang manakit o pumatay ng taong kaaway. Ang mga insektong ito daw ay kanyang itinatago sa loob ng isang botelya o buho ng kawayan. Dinadadasalan ito at uutusan na pasukin ang mga tainga, bibig, at ilong ng taong kaaway habang ito’y natutulog. Ang kaso daw ni Aling Lourdes ay malala na. “Wala na akong maitutulong pa. Ikinalulungkot ko,” wika pa ng matandang albularyo.

Hindi naman agad nawalan ng pag-asa ang mga anak ni Aling Lourdes. Sa kalaliman ng hatinggabi ay nagkukumahog pa nilang isinugod ang ina sa dalawa pang albularyo sa Malabon. Subalit ang dalawang albularyo ay pawang walang nagawa sa malala nang kalagayan ni Aling Lourdes. Totoo daw na malakas ang mangbabarang. Samantala, sumusuka at dumudumi na raw ng dugo si Aling Lourdes.

Sa gitna ng matinding sakit, binawian ng buhay si Aling Lourdes dakong alas-kwatro ng madaling araw ng Linggo, ika-sampu ng Abril. Agad nila itong dinala sa morge. Dahil sa kawalan ng salapi, humingi pa ng tulong ang mga pobre sa isang konsehal ng lungsod upang makapag-downpayment sa punerarya. Noong Linggo ng tanghali ay dinala na sa Calavite ang mga labi ni Aling Lourdes upang paglamayan.

Habang nakikipaglamay at umiinom ng mainit na kape, kinapanayam ko ang pamilya Soriano upang mapag-alaman ang kasaysayan ng pagkakasakit ni Aling Lourdes. Humarap sa akin si Jun, panganay na anak ni Aling Lourdes (si Aling Lourdes ay biyuda na). Sa pagitan ng pagtangis sa pagkawala ng minamahal na ina, isinalaysay ni Jun na noong isang buwan daw ay may nakaaway sa palengke ang kanyang nanay.

“Hindi namin alam ang dahilan ng kanilang pag-aaway,” ani pa ni Jun, “subalit ang babaeng nakaaway ng nanay ay bagong salta daw dito galing sa Bisaya. Hindi na nga namin makita ito simula ng magkasakit ang nanay.”

"Napakabait ng nanay ko; hindi ko lang malaman kung bakit siya may nakaaway,”dagdag nito. Samantala ay tumangis na naman si Jun at naalala na naman ang kasawian ng mahal na ina. Nanahimik muna ako upang pagbigyan ang kanyang pagtangis.

Maya-maya’y nagpahid ito ng luha at muling humarap sa akin “Gusto mo ba ng biskwit?” ang wika sa akin. Tumango ako. Dumakot siya ng isang pinggang biskwit mula sa isang malaking lata ng Rebisco biskwit. Isinawsaw ko ang biskwit sa mainit na kape at isinubo ito, sabay tanong: “Naniniwala ka ba na namatay sa barang ang nanay mo, Jun?”

“Oo!” ang agad na sagot nito, “Ang bilis ng pangyayari eh! Kung kanser yan eh di sana nagkasakit siya nang ilang buwan bago namatay. Malakas pa siya noong Biyernes at naglaba pa nga. Eh nagkasakit ng Sabado tapos namatay ng Linggo! Ang bilis ng mga pangyayari. Kaya, oo, naniniwala ako na binarang ang Nanay”.

Plano nila Jun na paglamayan ang ina sa loob ng dalawang linggo. Sa pamamagitan ng abuloy at mga “tong” sa kanilang pasugal sa lamay (tulad ng madyong, bingo,tong-its at sakla) ay umaasa silang makalilikom ng sapat na salapi upang ipambayad sa serbisyo ng punerarya at pagpapalibing.

Ang kabaong ni Aling Lourdes ay yaong pinakamumurahin lamang—apat na libong piso (gawa sa lawanit), at ang libing naman ay “affordable-libing” sa presyong tatlong libo na programang pang-mahirap ng alkalde sa lungsod.

Samantala, ilang residente ang tumingin sa loob ng kabaong ni Aling Lourdes. Nagkrus ang mga ito at bumulong-bulong. Bakit daw ba parang maraming insekto ang lumalabas sa ilong, tainga, at bibig ni Aling Lourdes?

Kaagad naming tiningnan ang bangkay ni Aling Lourdes at ganoon nga ang aming nakita. May ilang maliliit na insekto nga ang lumalabas sa katawan ni Aling Lourdes. “Nabarang nga,” ang nasabi ko sa aking sarili.

Si Jun naman ay kaagad na tumingin din sampu ng kanyang mga kamag-anak (na itinigil muna ang pagsa-sakla at pagbi-binggo) at nakita nga ang malilit na insekto. Tumangis na naman ang mga ito at niyakap pa ang ataul ng mahal na ina.

“Nanay!!! Nanay!!!” -- ang tangis ng mga anak ni Aling Lourdes. “Lola!!! Lola!!!”-- ang tangis naman ng mga apo.

Sa gayo’y nalaglag na rin ang aking luha sapagkat mababa ang aking luha sa mga ganitong pagkakataon. Dumukot ako ng dalawang daang pisong papel sa aking bulsa, nilupi ito, at inilagay sa basong lalagyan ng abuloy sa ibabaw ng kabaong ni Aling Lourdes. “Sumalangit nawa”…yan na lamang ang namutawi sa aking mga labi.

WAKAS

BARANG (TRUE STORY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon