XVIX. Sa Himpilan ng Panahon

288 13 2
                                    

Matagal-tagal na rin akong hindi naglalaro sa sampalukan, kaya nagtungo ako roon. Papalapit ako, sakto namang yagyag na paalis ang mamang maganda ang ngipin, kasama ang dalawang lalaki na may dalang malaking lagari. Kinakabahang tiningala ko ang punong sampalok. Humangin nang malakas at sa wari ko'y parang umaatungal ang puno. Tumakbo ako papasok sa dating lupa nina Ide. Sa likuran ng abandonadong bahay, natanaw kong nakabalandra sa lupa ang ilang punong niyog.

Nakadama ako ng matinding lungkot sa unti-unting pagbabago ng dati'y itinuturing naming kaharian... ang mahiwagang pook ng aming kamusmusan. Lumapit ako sa punong sampalok, hinaplos-haplos pa muna ang magaspang nitong balat, bago naupong pasandal sa may paanan, patalikod sa kalehon at pakubli sa sinumang magdaraan doon. Parang naririnig ko pa ang mga tinig ng mga batang nag-eespadahan at naghahabulan sa paligid nito dati, maging si Alex Doding habang nagkukwento tungkol kay Voltes V, at si Ide sa kanyang mga tampu-tampuhan.

Hindi pa ako nagtatagal doon nang marinig kong may sumusutsot sa akin. Hindi na ako kinilabutan sa hindi nakikita ngunit kilala kong tinig. Sa halip, napangiti ako, at hinintay ang pamilyar na pakiramdam ng hindi mapigilang antok na hinihila kang palayo sa sariling mundo. Sabik na sabik akong nagmulat ng mga mata pagkaraan. Naroon si Juanang Ilaya gaya ng inasahan ko, si Buhawi, at gayundin ang iba pang nuno na may iba't ibang anyo at laki, pati ang dalawang duwendeng matutulis ang sombrero na gumulat sa akin noong mas bata pa ako, at ang maliit na taong nakita kong patakbo-takbo sa mga dahon ng makahiya-may mga pakpak pala siya na animo'y sa tutubi, matulis na mukha, at malalaki't maiitim na mata gaya ng sa tipaklong.

"Tila kilala mo na ang iba sa kanila," nakangiting wika ni Juana. Sa tingin ko'y lalo siyang gumanda. Lumaki na ako, pero hindi siya tumatanda. "Maligayang pagbabalik!" masaya niyang bati. Inakay niya agad ako. Naglakad kami sa dako pa roon ng luntiang kapatagan. Sumusunod sa amin ang iba.

"Juana, alam na ba ng batang 'yan ang gagawin natin sa kanya?" tanong ng pandak na matandang babae na katabi ni Juana. Sobrang puti ang kulubot niyang mukha at pulang-pula naman ang maluwang niyang bibig. Nakakatakot siya... mukha siyang butete!

Pinisil ni Juana ang palad ko sa pagkakaakay niya. "Jepoy, si Tandang Isay ang nunong nagbabantay sa Ilog Kalumpang at lahat ng kasangang ilog nito."

Kaya pala maputla siya at nangungulubot na parang matagal nagbabad sa ilog. Habang minamasdan ko siya, parang nangingibabaw ang kaamuan sa nakakakilabot niyang kaanyuan.

Isang mahabang mesang yari sa bato ang nasa dulo ng aming tinatahak. Naghihintay na roon ang iba pa. Sa lahat ng naroon, kami lang talaga ni Juana ang mukhang tao. Kung hindi ko siya kasama, malamang na kumaripas na ako ng takbo. Pero may hatid na kapayapaan ang hawak ni Juana sa palad ko. Inaalis niyon ang anumang takot o pangamba sa loob ko.

Nang makaupo na kami sa mga ugat na nakabalantok sa magkabilang gilid ng mesa, pinagmasdan ko ang paligid na nalililiman ng mga higanteng dahon ng gladiola na tumatayong dinding sa mistulang silid na iyon. Maraming kumikinang na nakakalat doon na tinatamaan ng katamtamang sikat ng araw, parang sa umaga, na nagsasabog ng nakaaaliw na mga kulay, parang sa bahaghari. Nakakarelaks ang pakiramdam, parang kapag naliligo kami sa ilog at wala kang ibang nasa isip kundi ang magsaya. Namangha ako nang silipin ang ilalim ng mga batong nagsisilbing mesa... walang paa o patungan-nakalutang!

Nasa ibabaw ang sarisaring prutas at gulay, pulos sariwang handa at walang kahit anong lutong pagkain. Walang ispageti, o pansit man lang, o sopas na sotanghon kaya. Sa tapat ko, maraming kaymito. Paisa-isa lang ang nakakain ko nito sa amin, kasi agawan kami lagi sa hinog, kaya ito ang inigi ko. Meron ding iba't ibang klase ng manggang hinog at hilaw, mansanas na ubod ng tamis, at saging na mas mabango pa kaysa sa aming señorita (isang klase ng saging na meron kami noon sa bakuran). Kumain ako nang kumain nang una'y akala ko'y duhat. Ang katas naman ng duhat dito, walang kapait-pait, sabi ko sa sarili ko. "Ubas 'yan," nakangiting wika ni Tandang Isay sa akin na tila narinig ako. Napangiti rin ako. Marami pang klase ng prutas na naroon na tulad ng ubas ay hinding hindi namin kayang bilhin sa palengke. Buti pa nga ang mansanas, nakakasingit makabili si inay nang paisa-isa kapag nilalagnat ako at tuwing Pasko.

Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon