Ito po ay kay Kristian Sendon Cordero
Noon kapag ganitong mga umaga, ako lang ang parating naiiwan sa bahay. Habang si amay ay nakikiani ng palay, si apay naman ay nasa kabilang baryo. Tumutulong siya sa pagtayo ng tulay. Doon ako sa malapit na pinto umuupo. Hawak-hawak ang walis tingting na matiyagang ginawa ni amay. Pagkatapos kong hugasan ang aming pinagkainan, huhulihin ko ang mga langaw na padapu-dapo sa sahig naming lupa. ‘Yon kasi ang bilin ni amay sa akin. Pag napatay ko na ang mga langaw, tinitipon ko ito sa isang plastik. Kailangang maipakita ko ang mga napatay kong insekto pagdating ni amay. Pinipisa at ipinapahid niya ang mga patay na langaw sa ulo ko. Gamot daw ‘yon para tubuan ako ng buhok. Marami kasi akong panot sa ulo n’on. Noong una diring-diri ako sa ginagawa ni amay. Mabaho ang amoy. At saka hindi ako naniniwala na tutubuan pa ako ng buhok. Kahit na madalas akong kantyawan ng mga kababata ko dahil sa itsura ko kaya hindi rin ako madalas pinapasali sa mga laro nila. Gustong-gusto ko pa naman ang Chinese garter. Kung sakali man na pagbigyan nila ko, sa bahay-bahayan lang daw ako pwedeng sumali. Ako raw ang tatayong tatay dahil walang lalaki sa grupo nila at maiksi raw ang buhok ko. Kaya kahit na babae ako, parating tatay na kalbo ang labas ko. Kung minsan naiinggit ako sa mga kalaro ko, ang hahaba ng buhok nila. Ngunit tama ang amay. Isang buwan simula nang gamutin niya ang mga panot ko, unti-unti itong nahilom at nagsimulang tubuan ako ng buhok. Kaya lang, hindi ito ganap na nakita ni amay, namatay siya pagkalipas ng isang buwan. Malapit na noon ang ikasampu kong kaarawan.
Isang gabing ayaw tumigil ng ulan, sumuka siya nang sumuka. Nakita ko ‘yong suka ni amay: nilagang saging at may kasamang dugo. Sumakit nang sumakit ang tiyan at lalamunan niya. Hirap na hirap siya sa paglunok ng pagkain. Dalawang linggo lang ang itinagal ni amay.
Dinala rin siya ni apay kay Tyang Idad, ‘yong albularyo sa amin na palaging may nganga. Pagdating namin sa bahay ng matanda, hinipan niya ang amay sa puyo. Pagkatapos, pinahiran niya ang tiyan ni amay nang pula niyang laway. Noon ko unang nakita ang tiyan ni amay. Parang taba ng baboy. Bago kami umuwi, sinabihan ni Tyang Idad si apay na magpa-apag para sa mga tawong lipod. ‘Yon raw ‘yong mga taong hindi nakikita. Pero hindi sila basta-basta tao, may kapangyarihan sila. Parang multo, parang maligno. At kaya raw nagkasakit ang amay ay dahil merong tawong lipod na galit sa kanya. Nakapatay daw kasi ako ng anak ng malignong langaw. At dahil si amay ang nag-utos sa akin upang manghuli ng langaw, siya ang pinagbuntunan ng nanay nitong langaw. Makapangyarihan ang nanay na langaw, sabi ni Tyang Idad. May katungkulan sa daigdig ng mga tawong lipod. Kaya kinakailangang mas maraming handa ang dapat na ihain. Naglabas din si Tyang Idad ng gamot ni amay. Kailangang inumin ang gamot tatlong beses isang araw. Tinitigan ko ang laman ng bote, merong mga ugat, mga lantang dahon na hinimay at pulang tubig. Benditado raw ang tubig dahil galing pa raw ‘yon sa balon sa kabilang bayan kung saan nagpakitang naliligo ang Mahal na Birhen ng Peñafrancia.
Pagkatapos kunin ni apay ang gamot, binayaran niya ang matanda. Binigyan niya ng sampung piso at ilang dahon ng buyo. Tuwang-tuwa si Tyang Idad. Tumawa ito at nakita ko pati ang pinakadulo ng ngipin niya. Pati ang kaniyang bagtingan, parang hinog na aratiles.
* * *
Biyernes ginawa ang pag-apag ni Tyang Idad sa bahay. Nangutang si apay ng tatlong kilong malagkit upang may sumanin. Humingi rin siya sa kapit-bahay namin ng kalamansi upang gawing lemonada. Kulang nga lang sa asukal kaya medyo matabang ang suman pati na ang panulak. Kumbidado ang ilan naming kapit-bahay sa pag-apag para kay amay. Nagdala ang isa naming kapit-bahay ng linubak na balingoy na meron pang kasamang mga baktin-baktin, maliliit na insektong parang pinaghalong surot at baboy ang hitsura. Marahil hindi inayos ang pagkakalinis ng lubang at hálo.
Bumili rin si apay ng isang boteng anisado at nagpakatay ng inahing puti. Nang una kong tikman ang manok, wala itong masyadong lasa. Hindi raw kasi dapat linalagyan ng asin ang pagkain ng mga tawong lipod.
Si May Celia, ang panganay at tanging kapatid ni apay ay tumulong din sa paghahanda ng mga lutuin. May dala rin siyang tinanok na buto ng langka at ilang supot ng bukayo. Sabi niya, para raw ‘yon sa akin, pero siya rin lang naman ang nakaubos.
Inipon ang mga handa sa mesa. Ilinabas ang mga plato’t kutsara’t tinidor na pinakatago-tago ni amay. Regalo raw ang mga ‘yon nang kasalin sila ni apay, ngunit ni minsan hindi ko matandaang ginamit namin ang mga iyon. Una itong gagamitin ng mga tawong lipod para sa pag-aapag.
Mag-aalasais na nang nagsimula ang pag-aapag. Pinahinto ako sa paglalaro ni May Celia at baka raw mabungguan ko ang mga tawong lipod na papasok sa bahay. Ayaw ko pa sanang tumigil. Libang na libang pa naman ako sa paglalaro ng atsoy. Kaya lang palihim na niya akong kinurot sa tagiliran. Pinung-pino. Ang talim ng kuko ng tiya.
Kumuha si apay ng baô na may nagbabagang uling at ibinigay kay Tyang Idad. Ibinuhos naman ng matanda ang dala nitong kamangyan sa baga. Parang mga matang nandilat ang mga baga, hanggang sa lumabas ang mabango at puting usok mula sa mga maiitim na uling. Pinausukan ni Tyang Idad si amay sa kanyang higaan. Magdadalawang linggo nang nakaratay ang amay sa kanyang higaan. Payat na payat na si amay. May sugat na ring lumalaki sa kanyang likuran. Kung puwede lang sanang manghuli uli ako ng mga langaw para gamutin ‘yon, tulad ng ginawa niya sa mga panot ko, gagawin ko. Pero pinagbawalan na kasi ako ng apay na manghuli ng langaw. Wala na ring bisa ang mga gamot ni Tyang Idad. Kaya huli na talaga naming pag-asa ang ginawang pag-apag na ’yon para makipagkasundo sa mga tawong lipod.
Tiningnan ko si amay habang pinauusukan ang kaniyang higaan. Kahit ang daming usok, hindi na siya kumukurap. Diretso lang ang tingin niya sa itaas, sa butas-butas naming bubong. Mugto ang mga mata.
Pagkatapos pausukan ni Tyang Idad si amay, nilibot naman niya ang buong bahay. Nagdasal ng mga orasyon at parang nagsimulang makipag-usap sa mga tawong lipod. Inimbitahan niyang kumain na raw ang mga ito. Namangha ako kung paano nakakausap ng matanda ang mga tawong lipod. Kung nakikita sila ni Tyang Idad, ’di hindi na sila tawong lipod. Gusto kong matawa dahil parang mga matagal na silang kaibigan ni Tyang Idad. At para isang malaking laro ang ginagawa namin.
Sabi ng isang kaibigan ni apay, anak daw ng aswang si Tyang Idad. Kaya hindi siya nagpapagamot dito. Walang asawa o anak ang matanda. Minsan, ilap ito sa mga tao. Basta na lang siyang dumating sa baryo namin. Sabi naman ng iba, hindi raw totoong anak ng aswang ang matanda, dahil nangungumonyon daw ito at mahilig pa nga sa bawang. Sabi naman ni Tyang Paring, ‘yong matandang may-ari ng tindahan sa kanto: may asoge raw sa katawan si Tyang Idad. Nang tinanong ko ang apay, sinabi niya na kaya magaling ang matandang manggagamot dahil nakapulot ito ng pangil ng kidlat. At sabi pa niya, mas mainam raw magpagamot sa matanda dahil mas mura. Kung sa doktor lang naman na hindi mo na nga maintindihan ang sulat-kamay, paiinumin ka pa ng mga mamahaling tabletas. Minsan pa nga raw, nag-iimbento ang mga doktor ng anu-anong sakit para pagkakitaan ang pasyente.
Inikot ni Tyang Idad ang loob at labas ng bahay. Nang maubos na ang kamangyan at unti-unti nang humalo ang usok sa kawalan, huminto na rin ang matanda. Sinabihan kaming manahimik na at nandoon na raw kasi ang mga bisitang maligno. Tiningnan ko ang mesa, wala akong makitang anino ng kahit isang taong kumakain, maliban sa ilang mga langaw na palipad-lipad, palukso-lukso na parang mga batang naglalaro doon sa ibabaw ng suman. Gusto ko sana itong hulihin at pagpapatayin. Kaya lang alam kong mapapagalitan ako, lalo na’t tinabihan na ako May Celia.
Magsasampung minuto rin siguro ‘yong paghihintay namin bago matapos ang mga tawong lipod. N’ong magpasalamat na si Tyang Idad sa mga bisitang hindi nakikita at hindi rin namin alam kung nabusog o hindi, sinabihan kami ng albularyo na maaari na raw kaming kumain. Parang mga sisiw na ilang araw hindi nakatikim ng palay ang mga kapit-bahay namin. Pinalibutan nila ang mesa at pagkatapos kanya-kanya na sila ng kuha. Kumain na rin ako sa sobrang kagutuman. Kahit na hindi pa rin maalis sa isip ko ang mga langaw na nakita ko kanina na parang dumikit sa suman at linubak. Kukuha na lang sana ako ng lemonada nang may biglang nahulog na langaw sa inumin. Isang malaking langaw, hindi ito pangkaraniwang langaw. Parang yung salugabang na pinaglalaruan namin, mas malaki ang pakpak at mata. Ipinagpaliban ko na lang ang pag-inom. Pero panay pa rin ang lagok ng mga bisitang kapit-bahay namin. Napansin rin ng isang bata ang langaw na nahulog sa bandihadong puno ng lemonada. Pero hindi siya pinansin ng amay niya na abalang nakikipagkwetuhan kay May Celia. Sa sobrang kakulitan ng bata sa pagturo sa nahulog na langaw, inakala ng amay niya na humihingi pa siya ng inumin. Ikinuha siya ng amay niya ng isang basong lemonada. Tumutol ang bata at pilit niya pa ring tinuturo ang langaw na paanod-anod sa lemonada na ngayon ay nasa loob ng baso niya. Ngunit mas abala pa rin ang amay niya sa pakikipag-usap sa tiya ko. Hanggang sa nagalit ang amay niya at sinigawan ang bata. Umiyak ang bata habang itinuturo ang malaking langaw sa loob ng baso niya. Tiningnan ng amay niya ang loob ng baso at sabay siyang kinurot. Pinatigil siya sa pag-iyak at minura. Hayop na aking ini! Ignoranteng marhay! Sinabihang inumin na niya ang lemonada. Pasas lang daw yung itim na ‘yon, yun daw ang pampadagdag tamis at dekorasyon sa lemonada.
Kumuha na rin si Tyang Idad ng kanyang pagkain. Kakaunti ang kinain ni Tyang Idad. Tinikman lang niya ang linubak at saka inutusan ang apay na maglagay ng pagkain sa altar. Para raw ang pagkain na ‘yon sa mga kaluluwang animasola at tawong lipod na mahuhuling dumalo sa apag.
Pagkatapos ng pag-apag, nagsipag-alisan na ang mga tao. Kung gaano sila kabilis nagtipon sa bahay, ganun din kabilis ang kanilang pag-alis. Mas naunang nagpaalam si Tyang Idad na ang sabi’y may aapagan pa raw sa kabilang baryo. Inabutan ni apay ang matanda ng beinte at dalawang piraso ng tabako. Tumatanggi sana ang matanda ngunit nagpumilit pa rin si apay at ipinasok ito sa bulsa ng kanyang damit. Matamlay na umalis si Tyang Idad nang gabing ‘yon.
Dahan-dahan namatay ang kandila sa altar. Malalim na rin ang gabi. Kung wala sana akong iba pang gagawin maliban sa pagliligpit at paghugas na ginamit sa pag-apag, makakapanood pa ako ng telebisyon sa bahay ni Manay Vacion. Pumunta ako sa banghiran at sinimulang hugasan ang mga ginamit sa pag-apag. Kailangan ko pa ring pakainin ang aso na si Kagata, na nung gabing ‘yon ay hindi tumigil sa pag-atungol. Natapos na rin ang pag-uusap ni apay at May Celia. Mag-isa kong natanaw ang apay na nakaupo sa may lilim ng puno ng langka na may nakadapong kuwago na madalas kung makita sa puno simula nang magkasakit si amay. Nilagok ni apay ang binili niyang anisado at mukhang napakalalim ng iniisip.
Mag-aalas-otso na nang mahugasan ko ang lahat. Hinintay ako nang tatay na matapos. Nung una, parang naaasiwa pa siyang sabihin. Pero nagkuwento rin siya tungkol sa napag-usapan nila ni May Celia. Plano raw ng tiya na papag-aralin ako sa bayan dahil wala naman daw itong anak. Alam kong mabigat ang loob ng apay. Naramdaman ko ring awang-awa na siya sa amin ni amay. Pinaramdam ko kay apay ang pagtutol ko sa kahilingan ng kanyang kapatid. Ayokong sumama kay May Celia. Pumanhik ako sa silid ni amay at tiningnan siya. Tuluyan nang namatay ang kandila. Ang liwanag na lang sa kabilang kalye ang pilit na tumatagos sa dingding namin na parang natipon sa mukha ni amay. Tahimik ang buong paligid at himbing na himbing naman ang amay sa pagtulog na halos hindi mo na nito marinig ang kanyang paghinga. Naputol ang katahimikan ng gabing ‘yon nang sabay-sabay na umungol ang aso at ang kuwago sa puno ng langka na sinundan nang hagulgol namin ni apay.
***
Mabilis na kumalat ang balita na patay na si amay. Maaga pa lamang ay nag-umpisa nang gawin ni apay ang kabaong ni amay. Isang lumang lawanit at kawayan ang ginawang kabaong ni amay. Sinabihan ako ni apay na bantayan ko raw si amay at baka dapuan ng langaw. Pinunasan ko ang mukha ni amay ng basang bimpo. Di ko rin maiwasang paminsan-minsang umiyak. Pananghalian na nang matapos ang kabaong ni amay. Hindi na siya inembalsamo. Dumating na rin si Tyang Idad na siyang nagbihis sa bangkay ni amay. Pinasuot ni apay ang isang lumang bestida. Yun din raw ang sinuot ni amay ng kasal nila ni apay. Pagkatapos inanyayahan kami ng matandang albularyo na magdasal ng desinaryo. O Hesus ko kaheraki an kalag ni Rosita. Paulit-ulit naming binigkas ang katagang ito hanggang sa maubos namin ang lahat ng butil ng rosaryo. Pagkatapos manalangin nagsimulang makipag-usap si Tyang Idad sa ilang kababaryo namin. Kaya raw namatay ang amay ay dahil may demonyong kumuha ng pagkain sa altar at naglagay ng asin sa manok. Hindi raw nasiyahan ang mga tawong-lipod. Maghihiganti raw ang mga apong langaw. Natakot ako sa narinig. Pero mas malalim pa rin ang lungkot na nararamdaman ko at kung sakali ngang pumayag sa desisyon ni May Celia ang apay, ngayon pa namang wala na si amay. Walang pumansin sa mga sinabi ni Tyang Idad.
Isang gabi lang naming pinaglamayan si amay. Merong mga nag-abot rin ng tulong sa amin. May nagbigay ng isang gantang bigas, mga gulayin at isda. Pinapitas na rin ng tatay ang mga bunga ng langka upang gataan. Hindi nakarating si May Celia dahil umalis raw patungong Maynila. Puyat na puyat na ako at pagod sa paghuhugas ng mga pinggan nang makita ako ni apay. Hinawakan niya ako sa balikat at sinabihang magbihis ako dahil baka matuyuan ako ng pawis. Tipid ang mga salita ni apay. Tipid rin ang mga buntong-hiningang pinapakawalan ko ng mga sandaling iyon.
Halos wala akong tulog nang gabing ‘yon. Hapon na nang ilibing namin si amay. Dumaan muna kami sa simbahan upang orasyonan ang bangkay ni amay. Isang daan ang pagpapamisa kaya nagdesisyon ang apay na orasyon na lang. Mas mura, sampung piso lang. Hindi na kami pumasok sa simbahan. Marami-rami na rin ang taong nag-abang na lamang sa simbahan. Mainit na mainit ang panahon. Matagal bago lumabas ang pari. Nagpapahinga yata ang pari nang dumating kami. Nagsisimula na ring mag-ingay ang ilang tao. Nang dumating na ang pari, sinigawan nito ang mga tao. Parang minadali lamang ng pari ang dasal kay amay at pagkatapos binasbasan niya ang bangkay ni amay ng tubig. Kinakalawang na ang lalagyan ng tubig na hawak ng isang sakristan na kasing edad ko. Tinangka kong silipin ang loob ng lalagyan ng tubig na parang maliit na balde. Tatlong langaw ang nakita kung paanod-anod sa loob.
Sa isang hukay linibing ang nanay. Hindi katulad ng iba na may nitso. Medyo hinawi pa nga namin ang mga talahib sa aming daanan. Gusto ko sanang pumitas ng mga cadena de amor na nakabitin sa dinadaanan namin, pero sinaway ako ng isa naming kapit-bahay. Baka raw magalit ang mga kaluluwa sa sementeryo. Tahimik na umiyak ang tatay. May ilan ring umiyak. Marahil nakakalungkot nga ang kamatayan. Lalo na kung ganitong nakita mong tinatabunan ng lupa ang isa mong mahal sa buhay. Nang mga sandaling ‘yon muli kong naalala si amay na matiyagang ginugusgos ang mga patay na langaw sa aking ulo na noon ay abot balikat na ang haba at tuluyan nang nawala ang mga panot.
***
Halos magdadalawang linggo matapos ilibing ang amay nang muling bumalik si May Celia. May dala itong Pansit Bato, dinuguan at sinapot. Hindi na sana ako magpapakita nang tawagin ako ng apay upang magmano.
Nakatatandang kapatid ni apay si May Celia. Sa bayan na siya nakatira simula nang mapangasawa. May kalayuan ang bayan, aabutin ng isa’t kalahating oras ang biyahe. May negosyo sila ng kanyang asawang si Pay Ramon. Nagtitinda si Pay Ramon ng karneng baboy, kambing at baka samantalang may karinderya si May Celia. Maliban sa pagkain, nagtitinda rin si May Celia ng mga pampaganda, sabon at damit.
Pagkamano ko, iniabot niya sa akin ang dala niyang kakanin. Lumabas sila ni apay at nag-usap sa may puno ng langka. Pasilip-silip ako hanggang sa nakita kong mukhang nag-aaway ang magkapatid. Walang imik ang apay. Mukhang tungkol uli sa pagkuha sa akin ang kanilang pinag-uusapan. Maging ako’y nababahala sa kung anong magiging desisyon ni apay. Marahil sa sobra kong pagkabahala n’on, nabitiwan ko ang pinggan na pinaglagyan ko ng dinuguan. Tumapon ito sa lupa. Pinunpon ko para kahit paano mapakinabangan ni Kagata, mabilis itong pinagpiyestahan ng mga langaw ngunit may dati na akong nakitang ilang mga patay na langaw na nakahalo sa dinuguan na dala ni May Celia. Mga langaw na kakaiba, dahil yun yung mga madalas kong makitang kumukumpol sa tae.
Pagsilip ko ulit, si apay na lang ang nasa labas, wala na si May Celia. Hindi ito nagtagal. Malagkit ang pakiramdam ko sa hangin. Habang sinisimot ng aso ang dinuguan, naglilinis naman ng balahibo ang layas na pusang si Kamranga na noon ay umuwi uli sa bahay. Maingay ang mga ibong kirit-kirit. Nang bumuhos na ang ulan pumasok si apay at pinagsaluhan namin ang malamig na pansit Bato at ang sinapot. Habang kumakain kami, nagsimulang magsalita si apay. Mabagal ang pagbitiw ng mga salita. Pumayag siya sa kahilingan ni May Celia. Lumakas nang lumakas ang buhos ng ulan sa labas at loob ng aming bahay.
Balisa akong natulog nang gabing ‘yon. Dati rati masarap ang matulog tuwing umuulan. Mas malamig at parang umaawit ang langit. Magdamag na bumuhos ang ulan. Magdamag rin akong nanatiling gising. Maging si apay, alam kong hindi rin dinalaw ng antok. Maaga pa nga itong umalis. Hindi ko alam kung saan siya pumunta. At nang mga sandaling iyon, parang hindi ko namalayan ang oras. Ang daling natapos ng gabi. At kung bakit dumating pa ang isang umaga katulad noon na naging simula ng katapusan.
Kinabukasan, sabay sa sikat ng araw na nakita ko ang anino ni May Celia. Gaya ng dati may dala uli siyang pagkain. Pulang pansit na may tamis-anghang ang lasa. Nadatnan niya ako sa may pintuan, hawak ang walis tingting at isa-isang pinagpapatay ang mga langaw. Inalok niya ako ng pagkain. Tinangka niya akong kausapin. Naramdaman ko ang pagtatangka niyang suyuin ako kahit alam kong nagagaspangan siya sa akin. Ayaw ko sanang kunin ang dala niyang pulang pansit dahil naalaala ko ang dinuguan. Ngunit mukhang masarap ang dala niyang ‘yon. Saka n’on pa lamang ako nakakita ng pansit na pula tulad ng mga kuko niya. Binitiwan ko muna ang walis tingting at tinikman ang pansit. Sunod-sunod ang subo ko dahil kakaiba ang lasa nito. Nahalata ito ni May Celia at sinabihan niya akong mas marami pa raw ang ganyang kasarap na pagkain sa karinderya niya. Iba’t-ibang uri ng pansit at luto. Mas masarap at mas mahaba pa raw kaysa kinakain ko. Nakakalahati ko na ang pansit na pula nang dumating si apay. Uminom ng tubig at umupo sa tabi ko. Ni hindi niya pinansin si May Celia. Basta hinawakan niya lang ako at ang aking buhok na mas lalong bumibilis ang paghaba. Hindi na siya nagsalita at hindi na rin ako umimik. Muli kong nakita ang sang katerbang langaw na padapu-dapo sa sahig namin, gusto kung kunin ang walis tingting kaya lang sinabihan na ako ni apay na mag-ayos na at kunin ang isang bayong na hinanda niya. Pumanhik ako at nakita kong nasa bayong na ang mga damit ko at isang pares ng bagong tsinelas. Inabutan ako ni apay ng pera at nangako siyang dadalawin ako nang madalas sa bayan. Nang araw na ‘yon sumama ako kay May Celia.
***
Malayo-layo rin ang bayan. ‘Yon ang una kong pagluwas mula sa amin. Nakita ko ang tulay na ginagawa nina apay. Medyo may kalakihan ang tulay na ginagawa sa pagitan ng isang ilog. Bagong daan daw ‘yon upang mas mapabilis ang pagpunta patungong bayan. Parang sungkaan ang daan papuntang bayan. Siksikan ang mga tao sa loob ng dyip at maging sa taas nito ay may pasahero. Tahimik ang mga nakasakay maliban kay May Celia na panay ang mura. Panay ang panambitan ni May Celia nang bigla itong mapasukan ng langaw. Napahinto ito bigla sa pagsasalita. Tiningnan niya ako. Nagpanggap akong walang nakita. At pinilit kong pigilan ang pagtawa. Ngunit hindi lang pala ako ang nakakita. Pati ang binatang bubugahan na sana ng usok ang kanyang hawak na tandang nang makita nito ang pangyayari. Muntik na itong mapaubo at tumawa nang pagkalakas-lakas. Hindi nito napigilan na ipaalam sa lahat ang pangyayari. Tumawa ang lahat, pati ako. Napahiya si May Celia at palihim niya uli akong kinurot.
Pagdating namin sa kanilang bahay, ipinakilala ako kay Pay Ramon, ang asawa ni May Celia. Nadatnan namin itong kinakausap ang isa pang batang babae na sa kalauna’y nakilala kong si Lourdes. Nahinto ang kanilang usapan nang dumating ako. Binaling ni Pay Ramon ang atensyon sa akin at pinamano ako. Nahalata kong tahimik na lumabas si Lourdes sa sala. Malaking tao si Pay Ramon. Malaki ang tiyan na parang kinulam. Sinabi niyang kamukha ko raw ang amay. Hindi niya raw akalain na ganun na ako kalaki. Ang akala niya kasi pitong taon pa lang ako. Una niyang napansin ang buhok ko. Hinawakan niya ito. Mabigat at magaspang ang mga kamay niya. Pinipilit niya akong tingnan sa mata pero ibinabaling ko sa iba ang aking pagtingin. Maganda ang bahay ni May Celia. Iba sa bahay namin. May isang napakalaking radyo at telebisyon. May dalawa pang kasambahay sina May Celia, si Manay Norma at si Lourdes na matanda lang ng tatlong taon sa akin. May tatlong kuwarto sa bahay. Isa sa mag-asawa, si Lourdes at May Norma ay magkasama sa isang kuwarto at isang maliit na kuwarto sa may malapit sa kusina. ‘Yon raw ang magiging kuwarto ko. Mas maliwanag ang ilaw sa bago kong tirahan. Mahaba at puting ilaw ang parehong nasa sala at sa kusina. Ang sahig, hindi lupa tulad sa amin, doon pulang sahig at paisa-isa lang ang langaw. Puti ang sahig sa banyo at iikutin mo lang ang isang bakal na elesi, lalabas na ang tubig. Hindi ko kailangang mag-igib.
Matapos ang hapunan, sinabihan ako ni May Celia ng mga tungkulin ko. Maglinis ng bahay at tumulong sa karinderya. Sunod na taon na lang daw ako mag-aaral at alanganin ang oras. Tinanong niya ako kung anong baitang na ang inabot ko. Sabi ko Grade 1 lang, di ko pa po natapos. Hindi na siya nagtanong pa ng iba. Pinakilala ako ni Pay Ramon kay Manay Norma at Lourdes. Si Manay Norma ang naglalaba at nagluluto sa karinderya at si Lourdes naman ang sumasama kay Pay Ramon sa katayan ng baboy. Walang imik si Lourdes. Parati siyang tulala. Noon ko rin nalaman na hindi naman nagtitinda ng karne ang tiyo. Taga-katay ito.
Maaga akong humiga dahil sa pagod sa biyahe. Pero kahit anong gawin ko hindi ko pa rin magawang matulog. Parang gusto kong umiyak, pero tiniis ko na lang. Saka ko naalaala ang isang damit na kinuha ko kay apay. Yinakap ko ito at itinabi, inisip ko na nandoon lang si apay sa tabi ko. Hanggang sa patayin na ang mga ilaw at huli kong narinig ang magkakasunod na hilik sa kabilang silid.
***
Maaga pa’y gising na ang mga bagong kong kasambahay. Si Pay Ramon, mas maagang umaalis. Alas tres ng madaling araw ay dapat gising na siya nang makarami ng kostumer. Kasama niya nang pumupunta sa katayan si Lourdes na mamimili na rin ng mga kailangan sa karinderya. Mas mainam ang maagang mamili, mas mura at sariwa ang mga gulay at isda. Mag-aalas nuwebe na kung bumalik si Lourdes sa bahay pagkatapos ihatid ang mga lulutuin kay Manay Norma. Pagdating niya, siya na ang maglilinis sa bahay at saka naman darating si Pay Ramon mula sa katayan na kung minsan, kapag walang masyadong nagpapakatay, umuuwi itong lasing. Pero mas madalas siyang pumupunta sa may riles at doon nakikipag-inuman sa mga tambay at kapwa niya taga-katay. Madalang siyang pumunta sa karinderya.
Si Manay Norma ang nagluluto ng almusal. Daing at nilagang itlog ang madalas na agahan. Pagkatapos niyang kumain, babanlawan na ang mga linabahan niyang damit. Si Lourdes na ang magsasampay nito kung gahulin sa oras ang matanda. Bago maligo ang tiya ko, sinabihan niya akong mauna nang kumain at pagkatapos maghanda na rin.
Kailangangang bukas ang karinderya bago mag-alasiyete. May mga papasok kasi sa opisina na dito na nag-aalmusal. Nung una kong mga araw, nabighani ako sa dami ng ulam at pansit. Iba-iba ang hugis, haba, lasa at kulay. Paborito ko kasi ang pansit, sabi ni amay, pampahaba raw ito ng buhay. Kaya tuwing sasapit ang kaarawan ko, tinitiyak kong kumain ng pansit. Kahit na malungkot ako dahil tatlong taon mula nang umalis ako sa amin, ni hindi ako binisita ni apay. Tatlong taong mag-isa kong ipinagdiwang ang kaarawan ko.
Hindi lang pansit ang niluluto ni Manay Norma. Nagluluto rin siya ng ulam. May maanghang na laing, gulay na puso ng saging, inihaw na tilapia, bulalo, sinigang na baboy na linagyan ng bungkukan, puwag na may bibi, igado, pritong manok at marami pang iba. Parang palaging piyesta sa karinderya.
Sa halos magtatatlong taon kong pamamalagi, wala akong matandaang araw na naging matumal ang kita ng karinderya. Marami talagang suki. Kaya kahit na napagkasunduaan na papag-aralin ako, ni minsan hindi ako nakatungtong sa iskwelahan. Kahit na madalas akong makakita ng mga batang katulad ko na nakasuot ng uniporme. Mas kailangan raw ako sa karinderya at tama na raw yung matuto ako kung paano isulat ang pangalan ko.
Nung una bantay lang ako, taga-tawag ng kakain at taga-taboy ng mga langaw. May inupahan din si May Celia na tumulong sa paghuhugas pero hindi siya nagtagal. Parating nakakabasag kaya pinaalis niya rin ito. Sinolo ko lahat ang trabaho. Tanging ang pagbugaw ko ng mga langaw ang siyang naging pahinga ko. May pagbabago rin dahil hindi na tingting ang gamit ko, hinimay na dahon ng saging na kailangan kung palitan araw-araw. Kung minsan kapag naiinis ako, pinapatay ko pa rin ang langaw. Ngunit hindi ko na ito iniipon. Hindi ko na kailang gusgusin ng langaw ang aking ulo dahil tumubo na ang buhok ko. Mahabang-mahaba hanggang baywang. Madalas itong makaagaw pansin sa mga kumakain. Lalong-lalo na si Pay Ramon na walang araw na pinalampas na hindi nito hinahawakan ang buhok ko. At nahalata ko ring pabigat nang pabigat ang kamay ng tiyo. Magaspang at may mga maliliit na bulutong tubig sa pagitan ng daliri.
***
Nung maglalabing dalawang taong gulang na ko, saka biglang nawala si Lourdes. Ni minsan sa loob ng maraming araw ni hindi ko siya nakausap o nakalaro man. May sarili siyang mundo. Matapos ihatid niya ang mga lulutuin, hindi na siya bumalik sa bahay. Sumama raw si Lourdes sa kasintahan nitong marinero. Dinala niya ang lahat ng gamit at sabi ni May Celia, ninakaw pa ni Lourdes ang ilan niyang alahas at damit. Walang nakakaalam kung saan siya nagpunta. Konting pagbabago lang ang naganap nang umalis si Lourdes. Maliban sa naging mas madalas na paglalasing ni Pay Ramon, tuloy ang buhay naming lahat. Napagkasunduaan na ‘yong ibang ginagawa ni Lourdes ay ipapasa na sa akin. Ako na ang sasama kay Pay Ramon sa katayan. Kailangan kong gumising araw-araw nang maaga. Ayaw ni Pay Ramon na nahuhuli sa trabaho. Ako na rin ang naglilinis ng bahay. Pumupunta na lamang ako sa kainan kung malapit nang mananghalian. Mabenta ang Pansit Bato na hinahaluan nila ng dinuguan. Hindi ako kumakain nito dahil naaalala ko pa rin ang mga langaw. Kaya tinakot ako ni May Norma na madali raw akong mamatay dahil maselan daw ako sa pagkain. Masustansya ang dinuguan at pampadagdag ng dugo na parang talbos ng kamote.
***
Maaga akong bumangon sa higaan. Pagkaayos ko ng kumot at unan, naghilamos na ako’t nagsepilyo. Para akong mabubuwal at naduduwal. Paglabas ko ng silid, gising na si Pay Ramon at naghahasa na ng kanyang itak na gawa raw ng mga agta sa Bundok Asog. Uminom ako ng maligamgam na tubig at yinaya na n’ya ako palabas papuntang katayan. Medyo madilim pa kung umalis kami ng bahay at wala pang traysikel kaya naglakad na lang kami. Nang umagang ‘yon, parang mabibiyak ang ulo ko sa sakit. Marami na ang tao pagdating namin sa katayan. Nandoon din ang iba pang taga-katay. Malalaki ang katawan at ang tatalim ng dala-dalang itak. Lahat sila’y walang suot na pang-itaas, pantalon lang na maong na punit-punit. May ilang nakikipag-usap na sa mga bibili. Ang iba’y nag-uumpisa nang uminom ng tuba at gin. Maingay sa katayan. Pinaghalong ingay ng tao at hayop. ‘Yon ang una kong pasok sa katayan. Ayaw ko sana pero pinilit ako ni Pay Ramon. Maliban sa mga langaw na nakita ko na tahimik na pinagpipiyestahan ang mga tumilamsik na laman ng baboy sa sahig, nakita ko rin kung paano katayin ni Pay Ramon ang isang baboy. Pinukpok niya ito ng malaking tubo. Ni hindi ito nakasigaw. Tumae lang. Maraming tae. Pagkatapos, linabas ni Pay Ramon ang isang maliit na kutsilyo at tinusok ang leeg ng baboy. Bumuhos ang dugo. Mapupula at namimilog-milog. Kumuha ng isang itim na balde at doon inipon ang dugo ng baboy na nagsimula nang dapuan ng mga langaw. Ito ang ginagawang dinuguan. Pinilit kong hindi maduwal kahit na kinilabotan na ako sa ginagawa ng tiyo. Nakita kong binuhusan ni Pay Ramon ng mainit na tubig ang baboy. Pagkatapos, inahit niya ang mga banat na balahibo ng baboy. Napahawak ako sa buhok ko.
Mabilis ang pag-ahit ni Pay Ramon. Sanay na sanay siya. Pagkatapos, linabas niya ang matalim na itak at pinagpira-piraso ang baboy. Nakita ko kung paano niya ito hinati-hati at pinaghiwa-hiwalay ang mga lamang-loob. Ang puso, atay, bituka, ang ulo—lahat. Saka may inalis si Pay Ramon sa bahaging likuran ng aboy. Makakabuti raw sa mga batang bilot ang kumain noon. Ihawin ko raw. N’on ko nalaman na babae pala ang kinatay na baboy.
Pagkatapos makuha ang dugo na gagawing dinuguan, kalahating kilo ng atay at sampung kilong karneng kakailanganin sa sinigang, lumabas ako ng katayan at namili ng ilan pang gagamitin sa pagluto. Nakamura ako sa agtang binilhan ko ng dalawang lata ng tabagwang. Bumili rin ako ng mga gulayin—langka, puso ng saging at hilaw na papaya. Lalong sumakit ang tiyan ko.
Hindi ko masyadong maintindihan ang naramdaman ko nung araw na ‘yon. Nang magsasara na kami saka naman may nahalata si Manay Norma sa palda ko. Dugo! sabi ng matanda. Kinabahan ako dahil baka tumae ako ng dugo. O baka tilamsik lang sa may katayan. Hindi ako nakapagsalita. Tiningnan ako ni May Celia at isinama sa loob ng banyo. Nakita kong dumudugo ang akin. N’on ako bigla napahagulhol. Pinilit akong sawayin ni May Celia at ipinaliwanag n’ya sa akin na normal sa isang dalaga ang ganun. Nagmamara’ut na kunu ’ko. Pinaalis n’ya ang panti ko at ipinapunas sa mukha ko. Nandiri ako. Pero sabi niya, kung hindi ko raw gagawin ‘yon mas nakakarimarim ang tubuan ng tagyawat. Kaya sumunod na lamang ako. Hindi niya na rin ako pinahugas ng maiitim na kawali at malalaking kaldero. Baka raw kasi umitim ang dugo ko. Nauna na kaming umuwi ng tiya at pagdating namin nandoon na si Pay Ramon, nanonood ng telebisyon. Kinuwento ni May Celia ang nangyari sa akin. Biniro ako ni Pay Ramon na kaya raw ako dinudugo dahil kumain ako ng puki ng baboy. Napatawa si May Celia. Hindi ako tumawa. Dahil sa totoo lang hindi ko naman talaga kinain ’yong binigay niya. Tinapon ko ito sa labas ng katayan.
Pagkabihis ni May Celia, pinalukso niya ako sa hagdanan. Mula sa ikatlong baitang, tumalon ako na parang palaka. Tinuruan niya rin akong lagyan ng lumang labakara ang panti ko. Marami pang bilin sa akin si May Celia. Labis kong ikinabahala ang sabi niya na buwan-buwan na raw akong dadatnan ng pagdudugo. Inisip kong isa ‘yong sumpa. Marahil paghihiganti pa ito ng mga tawong lipod o kaya’y ng mga malignong langaw.
Binigyan ako ng bagong dalawang panti ni May Celia na halatang galing pa sa aparador. Amoy-alkampor. Medyo may kaluwagan at makati-kati ng isuot ko. Limang araw akong ganun. Limang araw ng hindi maintindihang sakit ng ulo at ng pakiramdam. Limang araw ng pagluluksa. Kung nandoon lang sana si amay at apay.
Natakot ako sa kalagayan kong ‘yon kaya kahit na mahirap para sa akin, pinilit kong kumain ng dinuguan para huwag akong maubusan ng dugo. Kahit na parati kong naaalala ang mga langaw. Naging bugnutin rin ako ng mga araw na ‘yon. Lalo na kung hindi ko maiintidihan ang gustong kainin ng mga kostumer. Minsan nama’y kakain na lang, hahawakan pa ang buhok ko. Nayayamot ako dahil dumarami na rin ang langaw na kahit anong lupit ng pangbubugaw ang gawin ko at ilang kandila ang itirik, hindi na ito natatakot.
***
Sunod na Linggo, habang kumakain kami ng pritong turay saka gulay na ug-ug, nagpaalam si May Celia na aalis siya papuntang Maynila sa darating na Miyerkules. Kukunin niya raw ang mga bagong damit at sapatos. Kaya binilin niya ang karenderya sa amin ni Manay Norma. Magtatatlong araw daw siyang mawawala. Nagsasalita pa siya nang bigla akong natinik. Sinabihan ako ni Manay Norma na bilog-bilogin ko raw ang kanin bago isubo para makasama ang tinik na malalim yatang kumapit sa lalamunan ko. Hindi tumalab ang payo ng matanda. Kaya binigay ni Pay Ramon sa akin ang basong iniinuman niya. Pinainom niya ako doon para maalis ang tinik. Pinanganak raw kasi siyang suwi. Naaalis daw nito ang tinik. Ngunit hindi tumalab ang sabi ni Pay Ramon. Kaya pinalapit niya na lang ako sa kanya. Lumapit ako at hinawakan niya ang leeg ko. Maaalis niya raw ang tinik dahil pinaglihi siya sa pusa. Hinimas-himas ang bahagi ng leeg ko, malapit sa ’king dibdib. Mariin at dahan-dahan. Nang tinanong niya ako kung wala na raw ang tinik, nagpanggap ako na wala na ito. Habang sinasansan ni Pay Ramon ang leeg ko, naalala ko ang baoy na kinatay. May limang malalaking kulugo rin ang kamay ng tiyo. Natuwa naman si May Celia sa nakitang inaakalang kakayahan ng asawa. Sa totoo lang, nawalan ako ng ganang kumain. Tiniis ko na lang ang tinik.
***
Alas-otso na nang makaalis si May Celia. Pag-uwi namin ng bahay, natulog agad si Manay Norma. Binilin niya na ako na lang ang magbukas sa tiyo. Hintayin ko raw. Maghahating-gabi na nang dumating si Pay Ramon—lasing na lasing. Halos masira ang pinto sa lakas ng katok niya. Magmamano sana ako nang bigla niya akong siniil sa mukha. Sinabihan niya akong magbihis at may pupuntahan kami. Ayoko sanang gumayak. At gusto kung umiyak. Pero wala akong nagawa. Ipapakilala niya raw ako sa mga kaibigan niya. Natakot ako dahil madilim na sa daan at amoy tuba pa siya. Singbilis ng pintig ng puso ko ang sunod-sunod na hilik ni Manay Norma. Nagbihis ako suot ang bestida na naiwan ni Lourdes. Sa pagmamadali ko, baliktad kong naisuot ang tsinelas ko. Umaapaw ang pagkabagabag ko nang sandaling ’yon.
Habang naglalakad kami, parang sasabog ang puso ko. Hawak-hawak ako ni Pay Ramon sa siko. Mahigpit na mahigpit. Mabilis ang bawat hakbang namin at halos kinakaladkad ako. Hanggang sa marating namin ang istasyon ng tren. May limang lalaki kaming nadatnan na nag-iinuman. Pang-anim ang tiyo. May kadiliman ang lugar dahil isang bombilya lang ang ilaw. Tatlo sa mga lalaking ‘yon ang namukhaan ko. Yung isa, madalas ring kumakain sa karenderya, tsip yata ang tawag sa kanya. May dala itong baril parati. Doon ako sa tabi niya pinaupo ni Pay Ramon. Inisip kong tumakbo, tumakas sa madilim na lugar na ‘yon, pero inisip ko kung saan ako pupunta. Wala akong makitang sagot sa aking utak.
Lumakas lalo ang tawa ng mga kaibigan ni Pay Ramon. Panay duwal ng takal ang pulis sa tabi ko. Umaalingasaw ang panghi at baho ng sahig. Parang init ng lupa. Maliban kay Pay Ramon, lahat ng limang lalaki ay bumubuga ng usok—mabaho. Nagsimulang magtanong ang isa sa kanila. Ang daming tanong. Taga saan ka ba? Ano ka ni Ramon? Umiinon ka ba? Pinaamoy sa akin ang baso. May regla ka na ba? Lahat sila nagtatanong. Pero kahit isa, wala akong sinagot sa kanila. Tiningnan ko sila, tinangka kong iguhit ang mukha nila sa isip ko. Pare-pareho ang naging tingin ko sa kanila. Lahat sila mukhang langaw. Malalaking langaw. Nanlilisik ang mata na hindi kumukurap. Ito ang huling bagay na nakita ko nang gabing ‘yon. Wala na akong ibang maalala. Maliban na lamang sa biglang nagdilim ang pagtingin ko. Para akong pinalo sa batok. Parang ‘yong baboy sa katayan. Walang lumabas sa lalamunan ko. Hindi ako nakaiyak o sumigaw man lamang. Napahandusay ako sa sementong sahig. Maraming maliliit na bato at buhangin na parang natatakot at nagtatangkang magtatago sa katawan ko. Hanggang sa naramdaman kong may mamasa-masang mga dila ang parang tumutusok sa leeg ko. Parang matatalim na kutsilyo ang mga dila. Lalong lumalalim ang tinik sa lalamunan ko. Lalo itong sumasakit. Naramdaman ko rin ang magagaspang na kamay na humihimas sa katawan ko. May humihila sa buhok ko. May umaamoy nito na parang nagliliyab ang paputol-putol na hiningang lumalabas sa ilong. Parang amoy ng sunog na buhok ang lumalabas sa bibig nila. Hanggang sa pinunit nila ang damit ko. May pilit na pumiris sa suso ko. Naramdaman ko na ring may humubad ng panti ko. Isa-isa silang umibabaw sa akin. Mabilis. Marahan. Mabilis. Hanggang sa maramdaman ko ang dahan-dahang pag-uga ng lupa. Parating na ang tren—malaki at mahabang sasakyan. Sabay bumuhos ang dugo—bilog-bilog, mainit at walang patid. Hindi natigil ang pagbuhos ng dugo. Mabilis, rumaragasa ang pagbuhos. Gusto kong tumayo para kunin ang pinira-pirasong damit ko. Kaya lang, ang bigat-bigat na nang katawan ko—parang nakapasok sa tiyan ko ang mahaba’t malaking sasakyan na panadalian lamang na dumaan. Parang pinasok ang loob ko ng tren.
***
Pagkatapos ng pinakahuling lalaking dumapa sa akin, naramdaman ko ang nahihirapan na akong huminga. Pikit ang mga mata kong pinipilit kong buksan. Pero ayaw. Ayaw na yata nitong makakita ng mga langaw. Gusto kong sumigaw pero ngatal na aking lalamunan, walang lumalabas.
Unti-unting nagdilim ang aking paningin. Wala na akong makita maliban sa kadiliman. Pero nararamdaman ko pa rin sila—ang mga langaw. Dahan-dahan nang nagsipag-alisan ang ilan nilang kasamahan. Natira na lang ang pulis at ang tiyo. Narinig kong sinabi ng pulis kay Pay Ramon na bayad na raw ang utang ng tiyo ko sa kanya. Tabla. Mag-uumaga na nang makaalis silang lahat ngunit hindi ang mga langaw na noon ay nagsisimula nang dumapo sa akin. Tinatangka ko itong bugawin—ginagalaw ko ang aking mga kamay—matigas na matigas ito. May mga langaw na rin na palipad-lipad at padapu-padapo sa labi ko—kaya pilit ko itong hinihipan palayo sa aking mukha. Walang lumalabas na hangin. Naaalala ko ang mga umagang katulad nito. Umuupo ako sa may pintuan, manghuhuli’t papatayin ko ang mga langaw para pagdating ni amay igugusgos niya ito sa ulo ko—para raw tubuan ako ng buhok. Ngunit ngayong umaga kahit anong pilit na taboy ko sa mga langaw—damang dama ko ang maliliit na paa nitong parang tinutusok ang laman ko kahit na tinakpan na ang ilang bahagi ng katawan ng dyaryo ng dalawang lalaking iniwanan na akong nakahandusay sa sahig na pareho ko nang malamig na malamig.