(Inspired by Parokya ni Edgar's song, Telepono.)
Alas-kwatro ng umaga. Basang-basa na ang unan ni Joyce dahil magdamag na nitong sinasalo ang mga luhang umaagos mula sa mga mata niya. Malamig at madilim sa sariling apartment, at siya naman nag-iisa - hinayupak na problema! Parang masisiraan na siya ng bait dahil sa pagkalito at pagkatakot. Maya-maya ay kanyang naalalang mayro'n pala siyang cellphone. May isa pa palang dapat ma-mroblema tulad niya. Hindi niya ito dapat sarilinin dahil dalawa silang nagkamali. Dalawa silang naging padalus-dalos.
Alas-kwatro ng umaga. Mahimbing na mahimbing ang pagkatulog ni Elijah. Naliligo na sa laway ang kanyang unan dahil naka-nganga pa itong natutulog. Marahil akala ng tulog na siya ay normal pa ang lahat. Hanggang sa magising siya sa tunog ng telepono.
**We'll do it all... anything... on our own...
Hindi na nito tinignan pa kung sino ang tumawag, at padarag pa nitong sinabing, "Hello."
Agad naman niyang nakilala ang boses ng Nobya. Nagkamot siya ng ulo sa pagakairita. Ano na naman kayang gusto nito, naisip pa niya.
"Pasado ako."
Halatang halata ni Elijah ang pag-iyak sa boses ng dalaga. Gusto niyang mainis dahil 'yon lang pala ang balitang gumambala sa masarap na pagtulog niya. Pero di niya pinalampas ang nanginginig na tinig ng nobya niya. Alam nitong malungkot ang pag-iyak na iyon. Nagising ang diwa niya.
"Oh, eh bakit ka umiiyak? Congrats pala. Sana pinagpabukas mo na lang, masyado ka namang masaya."
"Sa PT."
"Anong PT?"
Para bang youtube na matagal nagbuffer si Elijah. Tatlumpung segundong walang nagsasalita sa pagitan nila. Tanging pag-iyak na lang ni Joyce ang umaalingawngaw sa cellphone nilang dalawa.
"Sigurado ka ba?" tanong ni Elijah.
"Oo. Sa doktor ako nagpa-test."
"Sigurado ka bang ako?"
"Oo, gago ka!"
"Eh ano na ngayong plano mo?"
"Anong mo? Ikaw ba?"
"Ikaw ah."
"Tangina El, NATIN. Hindi ko. Hindi mo. Plano natin!"
Sobrang gumuho ang mundo ni Elijah. Mahal niya ang nobya, pero dieci-ocho pa lamang silang parehas. Marami pang pangarap, marami pang gustong patunayan. Parehas silang ganoon. Para ba silang ninakawan ng hinaharap. Pakramdam nila ay katapusan na ng buhay nila. Masyadong maaga. Ayos lang sana, pero mali ang pagkakataon.
Si Joyce naman, walang tigil ang iyak. Mukhang hindi niya mapapalaki ang anak nang may ama. Buong akala niya ay mahal siya ng nobyo; buong akala niya ay dadayuhan siya nito sa problemang dala-dala niya. Nagawa pa nitong magduda. Iyon ang kadayaan kapag sa ganitong pagkakataon. Puwedeng itanggi ng lalaki. Puwedeng takbuhan ng lalaki. Pero nasa tiyan na ng babae "iyon." May buhay na umaasa sa kanyang paghinga. May tao na sa sinapupunan niya, gaano man ito kaliit. Wala itong kalaban-laban. Dapat niya itong protektahan.
Sa sobrang gulo ng pag-iisip ni Elijah ay kanya munang pinindot ang "hold". Kalauna'y pinatay na lang din ni Joyce cellphone. Sinubukang tumawag ni Elijah muli ngunit puros "The subscriber cannot be reached" lamang ang bumabati sa kanya.
"Pucha." Ilang beses sinubukan ni Elijah pero sa huli ay tumigil din siya. Kung anu-ano pa rin ang tumakbo sa isipan niya. Baka sa iba? Baka joke lang? Pero alam niya. Ramdam niya. Totoo iyon.
Alas singko ng umaga. Nakatulala na lang si Elijah.
We'll do it all... anything... on our own...**
Biglang kumabog ng malakas ang dibdib niya. Pinulot nito ang cellphone at sinagot kaagad ang tawag ng nobya.
"Hello. Bakit mo naman ako binabaan?"
"Pa'no na?" Ma-awtoridad pang tanong ni Joyce. Gano'n pa man ay bakas pa rin sa tinig nito na kagagaling lang niya sa iyak. Naisip ni Elijah, hindi na pag-hung ang sagot dito. At lalong hindi na away. Hindi na pagdududa.
Biglang tumuwid ng pag-upo sa kama niya si Elijah. Tumikhim naman si Joyce.
Katahimikan na naman ang bumalot sa pagitan nilang dalawa. Matagal na katahimikan. Para kay Joyce, nakatatakot na katahimikan. Na baka senyales na ito na tatalikuran siya ng ama ng magiging anak niya. Na baka mag-isa lang niyang haharapin ang panghuhusga at pangmamaliit ng mga tao sa paligid, dahil sa pagkakamaling nagawa nila. NILA. NAMIN, naisip niya. Bakit kailangang AKO lang ang mamroblema?
Sa katahimikang iyon naman, namayani ang kalinawan sa pag-iisip ni Elijah. Naging maliwanag, maayos, at maraming planong involved si Joyce, at ang kanilang anak. Para itong baliw na nakangiti sa gitna ng katahimikan sa madaling-araw. Paano na ba mamaya? Bukas? Edi sige lang, basta kami ni Joyce, may anak na. Pamilya na kami. Kailangan ko na lang mag-aral ng mabuti, at humanap ng trabaho. Tangina lord, salamat po!
Parang gago lang ako, sorry lord... Nagmura pa po ako, naisip pa ni Elijah.
Sa kabilang linya naman ay nakarinig na siya ng sunud-sunod na paghikbi. Napa-awang naman ang bibig niya kaya sa wakas ay nagsalita na siya ng nasa loob ng isipan niya... para mapatahan ang asawa... at para maging simula nilang dalawa bilang mga magulang.
"Ano na pala ipapangalan natin?"