MANANANGGAL (COMPLETED)

2.6K 41 6
                                    

DECEMBER 4, 2013

 

     NAALIMPUNGATAN si Eula. Kumakabog ang kanyang dibdib. Kaysama ng kanyang panaginip. Kabilugan daw ng buwan. Isang manananggal ang gumagala at paikut-ikot na lumilipad sa paligid ng kanilang villa. Nakita ng manananggal ang maliit na siwang ng bukas na bintana sa kanyang silid.

 

Pinilit nitong buksan iyon. Nang makapasok ay agad siyang inatake. Hindi siya nakapalag. Kinagat siya nito sa leeg at sinipsip ang kanyang dugo. Nagwala siya pero wala siyang nagawa. Pakiramdam ni Eula ay nasa leeg pa niya ang matutulis na pangil ng manananggal. Dinama niya ang leeg.

 

Walang sugat Panaginip lang talaga ang lahat. Pero nang mapansin niya ang sinag ng liwanag ng bilogna buwan na sumilip mula sa salaming bintana ng silid ay muling dinaklot ng kaba ang dibdib niya. Lalo pa at nakita niyang bukas ang bintana ng silid na ang tanda niya ay isinara ni Yaya Tuding bago siya matulog.

 

Ang panaginip tungkol sa manananggal ay madalas dumalaw kay Eula lalo at kabilugan ng buwan. Kapag tinatangka naman niya itong sabihin sa ina ay iniiba lagi nito ang paksa. Hindi raw totoo ang manananggal. Iyon din ang sabi ng kanyang yaya. Hindi totoo ang manananggal, ang aswang, ang bampira at kung anu-ano pang likha lang daw ng maruming imahinasyon.

Si Senyora Ligaya ang kanyang ina. Ang ama ay hindi na niya nagisnan. Ang alam lang niya ay patay na ito. Hanggang doon lang. Nakamulatan niyang ang ina at ang matandang yaya ang kasama sa malaking villa.

 

Ang daigdig niya ay umiinog lang sa loob ng villa at malawak na bakuran pero dahil wala naman siyang ibang alam na daigdig maliban doon kaya kuntento siya. May kalayuan sa karamihan ng bahay ang villa pero may kongkretong daan patungo sa pamayanan.

 

Malaki at malawak ang lupang sakop ng kanilang villa pero sa likuran noon ay madawag na kasukalan. Ang totoo ay natatakot siyang tumingin man lang sa gawing iyon kapag gabi. Iyon ang dahilan kaya si Yaya Tuding ang pinagsasara niya ng bintana ng kanyang silid kahit kaya na niya.

 

Mula kasi sa bintana ng silid ay makikita ang bahagi ng pasukan ng kasukalan at nagbibigay iyon ng maraming kilabot sa kanyang katawan.

NATATANDAAN ni Eula, sampung taon pa lamang siya nang isang alanganing oras ay nagising siya sa tila kaluskos na nagmumula sa bakuran malapit sa tapat ng kanyang kuwarto.

“Huh?! A-ano yun?” sambit niya na kinakabahan.

Marahan niyang hinawi ang kurtina upang masilip kung ano ang pinagmumulan ng kaluskos.

“Aba, si Mama?! Saan kaya siya pupunta?” taka niyang tanong.

Sinundan ng tingin ni Eula ang papalayong ina na lumabas sa backdoor ng bakuran patungo sa madilim na kasukalan. Sa murang edad, hindi niya lubos-maisip kung saan ito papunta gayong dapat ay nagpapahinga na ito sa ganoong oras. Isa pa nakakatakot ang maglakad nang mag-isa sa gitna ng dilim.

Matagal niyang hinintay ang pagbabalik ng ina, ngunit hindi niya nakayanan ang antok at tuluyan na siyang hinila nito sa mahimbing na pagtulog.

Ang tilaok ng manok ang gumising kay Eula.

“Umaga na pala. Si Mama nga pala!” pabalikwas siyang tumalon mula sa kanyang kama-.

MANANANGGAL (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon