"Ma, ingat ka sa pamamalengke mo ah? Nandun pa si papa sa car shop pinapaayos pa yung sasakyan." sabi ng anak ko na si Mary. papunta kasi akong palengke ngayon para narin makabili ng baon ng mga bata.
"O sige anak. Una na ako." sabi ko habang kinukuha yung shoulder bag ko na nakasabit sa likod ng pintuan namin.
Hinalikan na ako ng anak ko at nauna na ako. Pagkarating ko ng palengke, nabigla ako sa dami ng tao. Ang ingay ingay, sigawan dito sigawan doon. Dahil na din baka maubusan ako ng mga bilihin, sumiksik na din ako sa mga tao. Nang medyo makaluwag luwag na, biglang may nakatulak sa akin sa gilid at nakita kong may nagmamadaling batang lalake. Agad ko namang binuksan yung bag ko at nanigas ako sa kinatatayuan ko dahil hindi ko mahanap yung pitaka ko! Agad agad kong hinabol yung bata habang sumisigaw ng "magnanakaw!" Madaming tao ang nakarinig saakin kaya naman agad nilang nahawakan yung bata.
Galit na galit ako sa batang yun habang tinatanong kung nasaan na yung pitaka ko.
"Magnanakaw ka! Alam mo bang mali yang ginawa mo ha?! Ilabas mo ang pitaka ko!" Pasigaw kong sabi sa bata dahil galit na galit ako! Tama ba naman na pagnakawan niya ang mga tao!??
"Ate, hin-di k-ko po a-alam.." paiyak na sabi ng bata sa akin. Anong hindi niya alam?! Binunggo niya ako ata siya lang ang maaaring nakakuha ng pitaka ko!
"halika! Isasama kita sa presinto! Dali!" Agad kong hinawakan yung kamay ng bata at nagulat ako dahil sa payat ng kamay niya. nagnanakaw ata to para makakain eh. pero maling mali yung ginawa niya! Umaangal pa yung bata at nakita kong umiiyak na ito pero wala akong pakielam! Ninakawan niya ako at sampung libo pa ang laman ng pitaka ko!
Nang nakarating na kami sa istasyon ng pulis, doon ko lang napagmasdan ang bata. Punit punit ang damit, payat na payat, nangingitim ang gilid ng mata, basang basa ang mukha dahil sa luha, at higit sa lahat, kaawa awa ang itsura. Tinignan ko din ang mga paa ng batang ito. Ang dungis dungis at isang maduming tsinelas lamang ang suot nito. nabalik naman ang atensyon ko sa pulis ng nagsalita na siya.
"Sa panahon ngayon, madami na talaga ang mga batang nagnanakaw misis. Pero hindi na natin alam kung nasaan ang pitaka mo hanggang magsalita itong batang ito." Sabi ng pulis na nag-aasikaso saamin.
"W-wala p-po akong gin-a-awang m-m-asa-m-m-aa." At patuloy ang pag-iyak ng bata.
"Kung ipipilit mo yan at hindi mo maisosoli ang pera ng misis na ito, ipapasa ka namin sa DSWD dahil minor de edad ka palang!" sabi ng pulis.
Hindi nalang ako umiimik dahil alam ko na kapag ginawa ko iyon, magwawala lang ako dito. Ayaw na ayaw ko talaga sa mga taong magnanakaw! Dapat sakanila, ikulong! Pero bata palang ito eh.. Tsk tsk..
Noong narinig nung bata ang sinabi ng pulis, nanlaki ang kaniyang mga mata at mas napalakas pa ang pag-iyak nito.
"Hu-uwag po! Maawa kayo! M-may mga kapatid po a-ako na naghihintay s-sa a-akin! Sige na p-po! Maawa k-kayyo! *Huk*" paghagulgol ng bata.
Ewan ko ba kung paniniwalaan ko itong batang ito. Mamaya magnanakaw at sinungaling lang itong batang ito eh..
"O sige, basta ibalik mo lang ang pitaka ko, hindi ka na mapupunta sa DSWD." sabi ko sa bata. Medyo naaawa na din ako pero galit na galit parin ako sa ginawa niya.
Paulit ulit nanamang sinabi ng bata na hindi niya ninakaw ang pitaka ko kaya naman nakulitan na kami ng pulis at tinawagan na ang DSWD. Ngunit mismong pagkatapos ng pag-uusap ng pulis at DSWD biglang....
"HOY BATA!" Sigaw ko dahil bigla nalang itong kumaripas ng takbo! Agad naman naming hinabol ng pulis ang bata habang nakikipagsiksikan sa mga tao. At habang tumatakbo kami, nakarinig nalang ako ng malakas na pagbunggo at pagbusina ng mga kotse.
Agad naming nilapitan ang kalsada at napansin kong nakapaligid ang mga tao sa gitna ng kalsada. Nang malapit na ako, may nakakuha agad ng aking atensyon.... sa gitna ng mga paa ng mga tao ay may paa ng bata na may suot ng maduming tsinelas.
"Hindi ba iyon ang---bata?" gulat na gulat na sabi ng mamang pulis.
"Oo. Siya nga ata.." Sabi ko sa isip isipan ko ngunit hindi ko masabi ng malakasan. Dahil malapit ako sa nakahigang katawan ng bata, narinig ko agad ang sinabi ng isang mama na ikinabagsak ng puso ko..
"Wala na siyang pulso."
Hindi ko alam kung anong gagawin nun, at hindi ko man lang napansin na pinalakad na ako ng pulis palayo sa bangkay ng bata.
"Misis, sa tingin ko po, kailangan niyo ng umuwi." pag-aalalang sabi ng pulis kaya naman tumango nalang ako.
Hindi ko alam kung pano ko ito sasabihin sa pamilya ko.. na ako yata ang sanhi ng pagkamatay ng batang yun. "paano ang mga kapatid niya?" Iyan ang tanong na gumugulo sa aking isipan habang nakatayo ako sa harap ng pintuan ng aming bahay.
Hindi ko alam kung anong sasabihin sa pamilya ko..
Dahil na din siguro sa malalim kong pag-iisip, hindi ko namalayan na biglang nagbukas ang aming pintuan at tumambad sa aking harap ang asawa ko.
"Oh! Mabuti naman at bumalik ka! Pasensya na ma! Nagkulang kasi yung pera ko sa pagpapaayos ng sasakyan kaya kinuha ko yung pitaka mo. Sorry ma, nakalimutan kong ibalik." at agad akong niyakap ng asawa ko habang tumutulo ng tuloy tuloy ang mga luha ko.
~~~~~~~~~~~~
Luuuuh! May inspiration ako sa story na to! Di ko maalala kung saan ko nabasa. Sa script ata ng role play ng ate ko dati? I cant remember. So eto naaa. Another one shot :) Sooo.. Okay lang ba? :)