SiNoKaPaBa? - I

6 0 0
                                    

Wala akong makita. Tanging naririnig ko lamang ang mga boses nila at ang kalabog na aking naililikha. "Inay, palabasin mo ako dito!"

"Lina, huwag kang maingay. Paparating na sila", pabulong na sabi sa akin ni Inay.

"Sinong sila, Inay?"

Hindi na siya muling nagsalita. Maya-maya ay nakarinig ako ng mga yapak. Marami sila. Tatlo? Apat? O Lima? Hindi ko alam.

"Nasaan ang pera?", sabi ng isa.

"Hi-hindi ko alam"

"Nasaan?!", pasigaw na sabi ng isa pa.

"Wa-wala akong alam!", pautal- utal na sabi ni Inay.

"Sinungaling!", sabay ang malakas na suntok sa kanya.

Narinig ko ang pagbagsak ni Inay sa sahig. Hindi na siya muling nakapagsalita pa. Wala na akong marinig na boses ni Inay.

Bumilis ang kutog ng aking puso. Nangangatog ang aking mga tuhod. Hindi lang kaba at takot ang naramdaman ko nang marinig ang kasa ng isang baril at ang sunud- sunod na pagputok nito. Hindi ko alam kung sino at para kanino ngunit naramdaman ko ang paninikip ng aking dibdib at pangingilid ng aking mga luha sa aking mga mata. Hindi dahil sa wala akong makita kundi baka wala na ang taong mahalaga. Tuluyang bumuhos ang aking mga luha ngunit sinusubukang kong pigilan ang aking paghikbi.

Ilang saglit ay napahinto ako nang marinig ko ang mga yapak na papalapit ng papalapit sa aking kinalalagyan.

"Naririnig niya ata ako.",sabay ang pagtakip sa aking bibig.

Hindi ako nagkamali. Dahan- dahan niya itong binubuksan at ilang sandali'y nakita ko na ang isang pagkakakilanlan. Tiningnan ko siya mula paa hanggang sa kanyang ulo. Lalong nanlaki ang aking mga mata. Lalong nanikip ang aking dibdib at lalong bumuhos ang aking mga luha. Hindi ko matanggap. Ayokong maniwala. Siya ang may hawak ng baril. Wala siyang awa.

Nakita ko si Inay na nakahimlay. Wala ng buhay. Maraming tama ng bala sa kanyang katawan. Ang ulo niya pa'y nakaharap sa aking kinalalagyan. Hindi ko matanggap. Ayokong maniwala pero iyon ang katotohanan. Ang takot na nababalot sa akin ay nahaluan ng galit. Lumabas ako sa aking kinalalagyan. Ako'y tumakbo. Tumakbo ng tumakbo. Malayo na ang narating ko nang makarinig muli ako ng tunog na aking kinatatakutan. Hindi ko alam kung para kanino. Malalim na ang gabi. Nagmasid ako at unti-unting bumabagal ang ikot ng mundo. Hindi ko na maihakbang ang aking mga paa. Nag- iba ang aking pakiramdam. Iba sa kaba. Iba sa takot. Iba sa galit. Natagpuan ko na lamang ang sarili kong nakahimlay sa aking kinatatayuan nang makita ko ang aking repleksyon sa dugong aking inuunanan. Para sa akin pala ang balang iyon.

Hindi ko na alam ang mga sunod na pangyayari. Nagising na lamang ako, nakahiga sa isang malambot na higaan. Kinapa ko ang aking sarili at naramdaman ko ang bandehang nasa ulo ko. Nakakapanibago dahil wala akong makita. Wala. Tanging ang naririnig ko lamang ay ang mga boses nila at ang tunog sa paligid na naililikha. Hindi ko matanggap. Ayokong maniwala.

Sa mga boses na aking naririnig ay isa lang ang natatangi., ang boses ni Inay. "Lina, magpagaling ka anak"

"Inay! Nasaan ka? Anong nangyari sa'yo? Inay wala po akong makita. Hindi kita makita"

"Lina, gagamutin ka nila. Huwag mo na akong intindihin. Gagaling ka anak."

Kakaiba. Hindi ako niyakap o hinalikan man lang sa noo ni Inay pero ramdam kong nandito siya. Araw- araw ko siyang nakakausap. Subalit isang araw hindi ko maramdaman ang presensya niya. Tinatanong ko kung nasaan siya ngunit walang sumasagot. Wala man lang siyang binitawang salita.

May pumasok sa aking silid. "Lina, may gustong kumausap sa'yo"

Hindi ako umimik at pinakinggan na lamang ang kanilang pinaguusapan. Ilang sandali pa ay ako na ang kinausap.

"Ikaw ba ang anak ni Lita Mines?"

Hindi ako mapakali nang marinig ko ang pangalan ng aking ina. "O-opo. A-ako ho. Lina po ang pangalan ko. Lina Mines. Bakit ho? Ano pong nangyari sa Inay ko? May masama po bang nangyari sa kanya? Bigla po siyang nawala eh. Nitong mga nakaraang araw ay kausap ko siya."

Nagtataka ako nang marinig ko ang pag-ngisi ng aking kausap. "Hindi ba dapat ikaw ang tinatanong namin?"

"H-ho?"

"Natagpuang patay ang 'yong ina ilang araw na ang nakalilipas. Naroon ka ng mangyari ang insidente. Isa ka rin sa biktima. May tama ka ng bala sa iyong ulo nang matagpuan ka ng mga pulis. Maari mo bang ilahad ang mga pangyayari?"

Hindi ako makapagsalita. Nanlaki ang aking mga mata at nangilid ang mga luha. Nagising ako sa katotohanan. Unti- unti kong naalala ang mga nangyari. Naramdaman kong muli ang kaba, takot at galit na namumutawi sa akin nang maganap ang mga pangyayaring iyon. Hindi ko matanggap. Ayokong maniwala. Ngunit panahon na para harapin ang katotohanan.

Wala akong makita ngunit marami akong nalalaman. Nasa akin ang katotohanan dahil natunghayan ko ang palabas ng aking nakaraan.

Inilahad ko lahat ng aking nakita't narinig. Iyon lamang ang natatanging paraan upang mabigyang hustisya ang nangyari sa akin at sa aking Inay. Mananagot ang may kagagawan.

SiNoKaPaBa?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon