Chapter Twenty-Five- The Mutiny

1.2K 59 13
                                    

Chapter Twenty-Five

The Mutiny


KAHIT ano pa ang sabihin ng papa niya sa kanya, hindi siya nito mapipigilang alamin ang totoong nangyari kagabi sa Villa Contreras. Nararamdaman ni Vito na may itinatago ang papa niya pati na ang nakakainis na angkan nila. Kailangan may gawin siya.

"Delikado itong hihilingin ko pero anuman ang malaman mo na makakatulong sa amin, pakiusap, sabihin mo sa akin."

Iyon ang hiniling ng primo Erwan niya bago siya kinaladkad pauwi ng kanyang ama kagabi. Nang mag-umaga ay nakita niyang dumating ang kanyang Abuela Carissa sa bahay. Mas lalo siyang naghinala kaya nagplano siyang makinig sa usapan ng mga ito.

"Saan ka na naman pupunta?" sita ni Marisol sa kanya nang makita siyang papunta sa library. Naroon ang kanyang papa, Abuela Carmela at Abuela Carissa. "Aalis ka? Binawalan ka na ni Tio Nicandro. May kasalanan ka pa sa akin kagabi nang itali mo ako sa poste ng kama ko!" inis na inis nitong litanya. Gusto niyang maghanap ng pantapal sa mabunganga nitong bibig. Naiinis nga siya na hindi niya naririnig ang boses nito, ano pa kaya kung nakakarinig siya?

"Itinali kita sa poste ng kama mo dahil gusto mo ring umalis."

"Ayaw mo lang na may pumigil sa'yo."

"Akala mo ba umalis ako dahil lang gusto kong tumakas?" nanggigigil niyang tanong. Kung alam lang nito ang nararamdaman niya. Hindi siya mapakali dahil nararamdaman niyang may hindi magandang nangyayari sa bayan nila. Hindi alam ni Marisol ang sekreto niyang kakayahan at wala siyang balak na sabihin iyon dito dahil baka matakot ito sa kanya.

"Ano ba ang problema mo, Jovito?"

"Marami kaya wag ka ng dumagdag," aniya saka dumiretso sa library. Sumunod ito sa kanya. Ang problema, unless makita niya ang bibig ng mga nasa loob, saka pa lang niya mababasa ang usapan. Binalingan niya ang kanyang ate. "Makinig ka sa pinag-uusapan nila."

"Inuutusan mo ako?" nakapamewang nitong tanong.

"Hindi ako ang nag-uutos. Si Primo Erwan," aniya. Daig pa nito ang kidlat na agad inilapit ang tainga sa pinto. Siya naman ang naging look-out. Napansin niyang kumunot ang noo ni Marisol. "Bakit?" bulong niya.

"Ano ang Umbra?"

Natigilan siya. Muling nakinig si Marisol. Matapos ang ilang minuto ay hinila siya nito palayo sa pinto. Nagtago sila. Lumabas ng library ang kanyang papa at mga abuela.

"Ano ang mga narinig mo?" tanong niya.

"May pinag-uusapan sila tungkol sa nangyari kagabi sa Villa Contreras. May napahamak daw. May mga primogenito na ayaw sumunod sa bisabuela at nagtatangkang mag-aklas," naguguluhang sabi ni Marisol. "Hindi ko maintindihan. Sino ang napahamak kagabi?"

"Si Emma na apo ni Abuela Carissa at isang inosenteng bata," sagot niya pero sigurado siyang meron pang ibang napahamak lalo na 'yong lalaking blonde ang buhok at umaapoy ang kamay. Ang plano niyang pang-u-usisa lamang kagabi ay nauwi sa pagtulong sa mga Contreras. Hindi biro ang pwersang naramdaman niya sa lugar na iyon kagabi. Apat na malalakas na primogenito ang naramdaman niya roon at isa roon ang may malaking utang sa kanya.

"Ayos lang naman si Erwan 'di ba?" nag-aalalang tanong ni Marisol.

"Si Erwan lang talaga ang tinanong mo."

"Alam mo naman na gusto ko siya."

"Gusto mo siya pero 'di naman siya magtatagal dito. Aalis sila dahil tapos na ang bakasyon nila," aniya. Mas mabuti ng magising ito sa katotohanan kesa lalong masaktan. Isa pa, madali itong maka-move on mula sa mga lalaking nagugustuhan nito.

Symphonian Curse 9: Queen DiamondTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon