Chapter 18 [第18章]
MAKALIPAS ANG ILANG LINGGO ay balik sa normal ang buhay ko dito sa Japan. At dahil tapos na ang summer break ay balik-eskuwela na rin kami. Nakagawian ko na rin ang tumulong sa ramen house pagkauwi ko galing paaralan dahil dumadami pa lalo ang mga kostumer namin. Normal naman ito dahil nagsisimula nang lumamig ang panahon. Subalit ngayon ay nakiusap ako kay mommy na hindi muna ako makakatulong sa shop. Ayos lang naman daw sa kaniya dahil hindi naman ganoon karami ang kostumer sa mga ganitong araw.
Dali-dali akong tumuloy sa aking silid at kinuha ang isang puting kahon sa ibabaw ng aking cabinet. Inalis ko ang takip nito at maingat na dinampot mula sa loob ang isang photo album na puno ng mga larawan namin ng lalaking pinakamamahal ko -- si Kaneshiro Kiyoteru. Bigay ito sa akin ng mommy niya bilang birthday gift dalawang taon na ang nakararaan.
Isa-isa kong binuksan ang mga pahina ng photo album at sa bawat larawang makikita ko ay bumabalik sa akin ang lahat ng masasayang araw naming dalawa sa Pilipinas. Naalala ko ang first time naming sumama sa field trip, at ang unang baseball championship na naipanalo niya noong mga grade four pa lamang kami; ang first time niyang sumayaw kasama ng marami pa'ng estudyante nang sumali kami sa isang field demo noong grade five; ang aming elementary graduation picture na kung saan ay naka-akbay siya sa akin -- sayang at hindi na tayo nagkaroon ng pagkakataong maulit ang larawang ito -- sa isip-isip ko. Bago pa kasi ako mag 4th year high school sa Pilipinas ay tumira na kami ni mommy dito sa Japan.
Muli ko ring binalikan ang matatamis naming mga ala-ala sa mga beaches na napuntahan namin tuwing kaarawan ko; at hindi ko man gustuhin ay nagbalik din sa aking ala-ala ang mga huling panahon namin na magkasama sa Pilipinas: ang unang gabi na natulog siya sa aking silid na kung saan ay sinubukan ko siyang hipuan; ang hindi namin pagpapansinan dahil sa ginawa niyang pagsi-set up sa akin kay Hazel, at higit sa lahat; ang aming pag-aaway nang mahuli niya akong nanggaling sa bahay nila Renz matapos kong makipagtalik dito.
Malungkot, masaya -- ganyan talaga. Hindi dadayain ng mga larawan ang ala-ala ng ating nakaraan. Kaya naman laking pasasalamat ko talaga at naisip ito ni tita Jenny. Ginawa niya raw ito simula noong malaman niyang dadalhin na ako ni mommy dito sa Japan para naman daw may collection ako ng happy memories namin ni Kiyo.
Binuksan ko ang huling pahina ng album upang pagmasdan ang larawan namin nina Kiyo sa beach noong huling gabi na magkasama kami sa Pangasinan, at ang larawan namin ng anak kong si YuKi. At kahit na marami na kaming pictures together ni Kiyo, sa lahat ng iyon ay may isa akong paborito. Iyon yung picture na pinilit ko siyang bumuo ng puso gamit ang mga kamay namin. Kuha ito noong araw na magpunta kami sa isang isla sa Pangasinan. Hinaplos-haplos ko ang mukha ni Kiyo sa paborito kong larawan na iyon.
Napabuntong hininga ako dahil muli ay ilang bahagi pa ng aking nakaraan ang nagbalik: Noong mga bata pa kami ni Kiyo ay wala akong masiyadong naging problema dahil pareho lang kami ng mga hilig. Nagsimula lang ako'ng magka-problema kay Kiyo simula noong mag highschool kami -- nang magsimula akong umibig sa kaniya.
Nang dumating ako sa puntong kailangan ko nang pumili sa pagitan ng puso o kaibigan, ang akala ko ay hindi ko kakayaning hanggang pagkakaibigan lang ang mamamagitan sa amin ni Kiyo. Nagkamali pala ako. Sa huli ay pinili ko ang pagkakaibigan namin.
Hinding-hindi ko malilimutan ang araw nang pagbalik ko dito sa Japan. Sumama si Kiyo sa airport para ihatid kami. Noong mga sandaling iyon, desidido na siyang mahal nga niya ako. Nagawa pa niya akong sabihan ng "I love you". Kaya lang ay buo na rin ang aking pasiya nang mga oras na iyon: palalayain ko na si Kiyo. Gusto ko sanang makasama siya habang-buhay at makasabay siya sa pagtanda, pero hindi naman posible iyon para sa dalawang lalake.
BINABASA MO ANG
Macho Hearts Book 3: Sakura Hearts
Ficción GeneralSI HISAGI YUUTO ay nagsumikap na mamuhay ng normal sa piling ng kaniyang bagong pamilya at mga kaibigan sa Japan. Simula nang lisanin nila ang Pilipinas ay nangako siya sa sarili na hindi na mauulit pa ang kaniyang katangahan sa larangan ng pag-ibig...