Unang Kabanata

290 11 1
                                    

Unang Kabanata

“Pauwi na po, Mommy. Kinuha ko lang po ‘yong libro ko. Sige po, bye,” binaba ni Jill ang cellphone niya matapos nitong sagutin ang tawag ng ina. Kanina pa kasi ito nangungulit na umuwi na siya dahil gabi na. Hindi naman kasi niya inakalang hindi niya matatapos nang maaga ang ginagawa niya, hindi tuloy siya nakapagpaalam dito. Sinilip niya ang orasang pambisig niya at sinipat ang eksaktong oras.

“9:46 PM? Nakakapagtaka namang wala pang guwardiya ang sumisita sa 'kin,” kakamut-kamot sa ulong wika ni Jill. Mabilis siyang lumiko patungong hagdanan para sana umuwi na nang mahagip ng sulok ng kanyang mga mata ang isang bultong paakyat sa susunod na palapag.

“Hey! Bawal na po diyan,” sita niya rito. Tila hindi nito narinig ang sinabi niya dahil dumiretso pa rin ito sa pag-akyat. Napakunot-noo na lang siya at nagpasyang ituloy na lamang ang pagbaba ng hagdan. Nakakailang hakbang pa lang siya nang makarinig siya ng kalabog mula sa itaas. Sumilip siya sa gilid ng hagdan upang ulinigin kung anong nangyari.

Dala ng kuryosidad ay umakyat ulit siya. “Baka kung ano na ang nangyari doon sa taong umakyat kanina,” nag-aalalang wika niya sa sarili.

Ngunit laking pagtataka niya nang pag-akyat niya’y halos patay ang mga ilaw at nababalutan ng kadiliman ang buong koridor. Sa pagkakaalam kasi niya ay hindi nagpapatay ng ilaw ang mga guwardiya doon, lalo na ang mga ilaw sa koridor.

Isang malakas na pagkalabog na naman ang nakakuha ulit ng kanyang atensyon. Hindi siya maaaring magkamali, nanggagaling iyon sa kalapit na silid. Mabilis niyang tinahak iyon. Laking gulat niya nang buksan niya ang pintuan at sinindihan ang ilaw. Bumungad sa kanya ang isang taong nakatali sa nag-iisang silya sa loob ng silid, hindi ito kumikilos at ang ulo nito ay nakalupaypay na tila wala ng buhay.

Nilapitan niya ito upang tiyakin kung buhay pa ito. Nanlaki ang mga mata niya nang iangat niya ang ulo nito. Halos maligo ang buong mukha nito sa dugo. Umatras siya sa sobrang takot na nararamdaman at napatakip ng bibig dahil sa pagkabigla. Nakakahindik ang itsura nito. Hindi niya mawari kung anong nangyari rito. Hindi niya mapigilang mapaluha sa nakita at sa takot na nararamdaman.

Isang pagpito sa saliw ng masayang tono ang kanyang narinig na nakaagaw ng kanyang atensyon. Dumagundong tuloy ang kaba sa kanyang dibdib dahil alam niyang palapit nang palapit ang tunog na iyon. Masama ang kutob niya rito.

Wala mang ilaw sa labas ng silid ay sapat na ang tanglaw na nagmumula sa liwanag ng buwan upang makalikha ng anino ng tao. Napalunok siya nang makita niyang tumigil ang anino ng taong iyon malapit sa pintuan ng silid. Kung tatakbo siya ay madali siyang makakatakbo pababa dahil malapit lang ang hagdan ngunit hindi rin mapagkakailang maaari siyang abutan nito. Pero hindi siya maaaring abutan nito sa loob ng silid, lalo lamang siyang hindi makakatakas.

Tila nabuhayan siya nang marinig niya itong naglakad paalis. Naalangan man dahil sa maiiwan niyang tao sa loob ng silid ay nakapagdesisyon na siyang lisanin ang silid na iyon. Ginamit niya iyong pagkakataon upang tumakbo ng mabilis. Bumaling muna siya sa kanyang likuran bago siya bumaba nang tuluyan na naging sanhi nang pagsigaw niya ng malakas. Hinahabol na pala siya nito kaya naman halos talunin niya ang bawat hakbang sa hagdan.

Dinig na dinig niya ang malakas na pintig ng puso niya habang tumatakbo. Tahimik siyang nananalangin na sana'y hindi niya sapitin ang sinapit ng taong kanina lamang ay nakita niyang tigmak sa sarili nitong dugo. Kinagat niya ang pang-ibabang labi upang pigilan ang nagbabadya na namang luha sa kanyang mga mata. Halu-halong emosyon ang nararamdaman niya ngunit hindi maipagkakailang takot ang nangingibabaw dito.

Bagamat maraming katangunan ang bumabagabag sa kanya ay hindi naman ito nakaapekto sa pagkilos niya. Nang makarating siya sa unang palapag ay bahagya siyang lumingon at napansing patuloy ang pagsunod sa kanya ng hindi niya kilalang tao. Nanindig ang balahibo niya nang maaninag ang nakangisi nitong mukha. Hindi ito katulad niya na tumatakbo, kung tutuusin ay parang naglalakad lamang ito ngunit sa hindi malamang kadahilanan ay halos maabutan na siya nito.

"Tulong! Tulungan n’yo ko!" sigaw niya, umaasang anumang oras ay magpapakita ang guwardiya ng eskwelahan ngunit bigo siya.

Malapit na niyang marating ang bukana palabas ng gusali nang biglang may humila sa kanya. Isang nakabibinging tili ang pinakawalan niya kasabay ng pagpupumiglas niya.

"Wag po! Maawa ka sa 'kin," turan niya habang nakapikit.

Jack and JillTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon