Ikalawang Kabanata
Isang mainit na yakap ang naramdaman niyang bumalot sa nanginginig niyang katawan. Hindi man niya idilat ang mga mata’y ramdam niyang ligtas na siya dahil sa yakap na iyon.”Ligtas nga ba?”, anang isip niya. Agad siyang kumalas sa yakap at nakita niya ang isang babaeng may kahabaan ang buhok, bilugang mga mata at maninipis na mga labi - si Crissa, ang matalik niyang kaibigan. Naalala niyang kasama nga pala niya ito at nagpaiwan lamang sa unang palapag ng gusali.
"Best, umalis na tayo! Baka maabutan niya tayo!" sambit niya habang iniikot ng paningin ang buong gusali.
Kunot-noo siyang binalingan nito, waring nagtataka sa kakaiba niyang ikinikilos.
"Best, tara na!" hinigit na niya ito bago pa man ito makapagreklamo.
Hanggang sa makalabas sila sa gusaling iyon ay patuloy siya sa paghila sa kaibigan. Nang marating nila ang tarangkahan ng eskwelahan ay nakita niyang abala ang guwardiya sa pagkain ng hapunan nito. Uminom ito ng tubig saka tumayo nang makita sila.
"Gabing-gabi na, ah? Bakit nandito pa kayo?" sita nito sa kanila.
Umiwas siya ng tingin. Nagdadalawang-isip kung sasabihin niya ba rito ang nakita o hindi. May kung ano sa sistema niya ang nagsasabing huwag niyang sabihin ngunit hindi naman yata tama iyon? Lalo't alam niyang masama at mamamatay-tao ang gumagala sa eskwelahan nila. Napailing siya nang muling maalala ang duguang bangkay sa isa sa mga silid-aralan ng eskwelahan, gayundin ang nakapangingilabot na ngiti ng taong humabol sa kanya.
"Best, ano bang nangyari?" takang tanong ni Crissa sa kanya, waring hindi na nito napigilan ang kuryosidad na kanina pang pilit kumakawala rito.
"Nangyari?" sabat naman ng guwardiya.
Napalingon siya sa matalik na kaibigan. Agad niyang nabanaag ang matinding pag-aalala at pagtataka sa mukha nito.
"May kukunin po kasi siya sa itaas kaya sinamahan ko siya hanggang sa unang palapag lang. Hindi ko siya kayang samahan sa itaas dahil matatakutin ako. Pagbaba niya nagsisisigaw na siya habang tumatakbo na para bang may humahabol sa kanya. Nadaanan na niya ako pero mukhang hindi niya ako napansin. Hinabol ko siya saka hinila," tuloy-tuloy na paliwanag ni Crissa sa guwardiya.
Marahan siyang binalingan ng guwardiya.
"May nangyari ba?" tanong nito sa kanya.
Ipinikit niya ang mga mata saka dahan-dahang tumango. Bumilang siya ng tatlo para pakalmahin ang sarili. Nang makakuha ng hustong lakas ay saka niya isinawika ang buong pangyayari.
"... kaya hinigit ko si best palabas, at nakita niyo na nga kami," sabi niya sa guwardiya bilang pagtatapos. Bumuntong-hininga siya saka isa-isa silang tiningnan. Kitang-kita ang takot sa mukha ni Crissa habang ang gwardiya naman ay nanatiling kalmado ngunit bakas pa rin sa mga mata nito ang gulat dahil sa mga sinabi niya.
"Room 301, 'di ba? Puntahan natin," sabi ng guwardiya.
"Hindi ba pwedeng maiwan na lang po kami?" naalangang sabi ni Crissa.
"Mahirap kung maiiwan kayo rito’t baka kung ano pa ang mangyari sa inyo." Wala silang nagawa kung hindi tumango at sumunod na lamang dito.
Hawak-kamay na naglakad sa pasilyo ang magkaibigan. Sa harap nila ay ang guwardiyang may hawak-hawak na lente sa kaliwang kamay.
"Best," bulong ni Crissa sa kanya."Natatakot ako," nangangatal na dugtong nito.
Pinilit ni Jill na tapangan ang loob at ngitian na lang ang kaibigan kahit na alam niyang nanginginig na rin buong kalamnan niya sa matinding takot at kaba.
Nang marating nila ang silid-aralan ay pansamantala silang huminto sa pintuan nito. Makalipas ang limang segundo ay saka lamang kumilos ang guwardiya at pumasok dito. Naiwan namang nakatayo sa labas ang dalawa.
Ilang minuto rin ang lumipas bago iniluwa ng silid-aralan ang guwardiya. Kunot-noo ito habang naglalakad palapit sa kanila.
"Walang bangkay, walang dugo, walang kahit ano. Mukhang pinaglaruan ka lang ng imahinasyon mo kanina, iha. Umuwi na kayo’t baka hinahanap na kayo sa inyo," sabi nito.
Napaawang ang bibig niya sa sobrang pagtataka. Paanong nangyaring wala iyon? Hindi siya maaaring magkamali. Nakita niya mismo ang taong naliligo sa dugo at ang bulto ng taong humahabol sa kanya.
"Sigurado ba kayo?" takang tanong ni Crissa.
"Oo. Sundan n’yo ako," saad ng guwardiya kaya't agad silang tumalima.
Pinasadahan nila ng tingin ang buong silid-aralan gamit ang liwanag na nagmumula sa lenteng hawak ng guwardiya at ang tanglaw ng liwanag ng buwan. Napatunayan nilang tama ang sinabi guwardiya sa kanila kanina. Wala! Wala nga ang kanyang nakita kanina lang. “Maayos ang lahat. Malayo sa itsura nito noong nakita ko kanina. Imahinasyon ko lang ba talaga ang lahat?” bulong niya sa sarili.
"Mukhang imagination mo nga lang, best," sabi ng matalik niyang kaibigan na tila narinig ang sinabi niya.
Napaigtad siya nang tumunog ang cellphone niya. Agad niya itong inilabas at napasabunot sa sarili ng makita ang pangalang nakarehistro rito. 'Mommy Maine'. Patay na naman siya sa ina!
BINABASA MO ANG
Jack and Jill
Mystery / ThrillerJack and Jill went up the hill To fetch a pail of water. Jack fell down and broke his crown, .... And Jill came tumbling after?! Are you sure? ----- Collab story po ito. Ang pangunahing ideya na gawin ang kuwento ay galing kay Liz (maglarotayo). An...