Ikatlong Kabanata

174 7 5
                                    

Ikatlong Kabanata

 

“'Di ba kanina pa kitang tinatawagan para umuwi? Anong oras na? Akala ko ba pagkakuha mo ng libro mo eh paalis ka na? Bakit ngangayon ka lang, ha?” nanggagailiting bungad sa kanya ng Mommy niya matapos siyang pagbuksan nito ng pinto.

“Eh kasi po…” naaalangan niyang sabi.

“Kasi ano?” nagtitimping usisa nito.

“Kasi po…” Hindi niya maituloy ang sasabihin niya. Gusto niyang ikwento sa Mommy niya ang nangyari sa kanya kanina pero paano? Tila may bikig sa lalamunan niyang pumipigil na ilahad sa Mommy niya ang nangyari. Napabuntong-hininga siya at saka nagsalita. “Hindi ko po agad nahanap ang libro ko kaya natagalan ako. Sorry po,” nasabi na lang niya habang nakayuko.

Napapailing na lang ang Mommy niya sa kanya. Binilinan na lang siya nitong magpalit na ng uniporme at saka magpahinga. Sinunod naman niya ito’t dumiretso na sa kanyang kwarto.

Nang makapagpalit ay agad siyang dinalaw ng antok paglapat pa lang ng katawan niya sa kama.

***

Madilim. Walang tao. Tanglaw na nagmumula sa liwanag ng buwan sa isang silid. Nakagapos na tao. Duguang mukha. Musika na ngayo’y may himig na. Mula sa masayang tono na may kalangkap na mabagal na himig. Pinakinggan niya ito.

Jack and Jill went up the hill

To fetch a pail of water.

Jack…

Natigil ang musika. Napaltan ito ng isang aninong malapit sa may silid na kinaroroonan niya. Umalis din agad ito. Nagtatakbo siya. Sa paglingon niya, nakita niya ang paghabol nito. Binilisan pa niya ang takbo ngunit palapit ito ng palapit. Nilingon niya itong muli. Nakangisi ito sa kanya. Ibinigay niya ang lahat ng lakas para makalayo rito. Akala niya’y nakalayo na siya pero napahinto siya nang maramdamang may malamig na kamay ang humawak sa kanyang braso kasabay niyon ay narinig niya ang malamig na boses nitong itinutuloy ang awit kanina.

…Jack fell down and broke his crown

But Jill...

 

Sa halip na tapusin ang kanta’y bigla siyang sinakal nito.

***

“Jill! Jill!” gising ni Crissa sa matalik na kaibigan habang tinatapik-tapik ang pisngi nito. Kanina niya pa kasi itong ginigising pero hindi ito nagigising sa tawag niya kaya tinapik na niya ito sa pisngi.

“Ungh…” ungol nito.

“Jill! Wake up!” paggising niya pa rito habang niyuyugyog na.

Unti-unting nagmulat ng mga mata si Jill at naaninagan ang matalik niyang kaibigan na natataranta ang mukha.

“Thank God! You’re awake!” nakahingang maluwag na sabi nito.

Nagtataka siyang tinitigan ang kaibigan. “Bakit? Anong nangyari?” tanong niya rito.

Ipinaliwanag naman ni Crissa ang nadatnan nito kanina sa kwarto niya. Pagkatapos niyang marinig ang lahat ng sinabi nito, hindi siya lubos makapaniwala na nangyari iyon sa kanya. Hindi siya ang tipo ng taong tulog-mantika kung tawagin. Madali siyang magising pero base sa kwento nito ay ang hirap daw niyang gisingin.

Bigla niyang naalala ang panaginip. Hindi kaya iyon ang pumipigil sa kanya para gumising. Napailing siya. Bakit? Bakit bigla siyang nagkaroon ng ganoong klaseng panaginip? Dahil ba sa nakita niya kagabi? Naguguluhan siya pero higit sa lahat ay natatakot siya. Natatakot na baka masundan pa itong muli. Ayaw na niya! Nanghihina siya isipin pa lang na maaaring maulit ito sa kanya.

Bigla siyang napatingin sa ibabaw ng kabinet niya. Doo’y nakita niya ang kanyang manika noong bata pa lamang siya na hiwalay ang ulo sa katawan nito. Kinilabutan siyang bigla. Noo’y walang epekto ang manikang ito sa kanya dahil kahit ganito ang itsura nito ay ayos lang sa kanya kasi paborito niya ito. Pero bakit ngayo’y kinabahan siya nang makita pa lang ito?

“Hey!” untag sa kanya ni Crissa. “Tulala ka. Ano bang nangyari?” usisa nito.

“Napasarap lang ako ng tulog,” pagdadahilan niyang nakatingin pa rin sa manika.

Napakunot-noo ito sa sinabi niya ngunit hindi na ito nagtanong pang muli. Bagkus ay hinatak na lang siya nito sa kanyang pagkakaupo sa kama’t itinulak sa banyo ng kanyang kwarto. Ani nito’y mahuhuli na sila sa pagpasok. Sabay kasi silang pumasok palagi. Wala na siyang nagawa kundi ang magmadali na lang at kalimutan ang masamang panaginip na iyon.

Sa pagtapak niyang muli sa eskwelahan, parang sa kanya’y lahat nagbago. Ang mga taong nagdaraan sa paligid niya noo’y parang bale wala lang sa kanya ngunit ngayo’y pilit niyang iniisa-isa ang mga mukha ng mga ito na tila ba may hinahanap na kung sino. Naguguluhan siya sa sarili niya. Ang masama pa nito’y pakiramdam niya’y palaging may nakatingin sa kanya kahit wala naman, palaging may nakasunod kahit wala naman at palaging may umaawit ng kagaya ng nasa panaginip niya kahit wala naman.

Araw-araw siyang nakakaramdam nang ganoong pakiramdam na tila ba hindi na naalis pa sa sistema niya. Titingin-tingin sa paligid at lilingun-lingon sa may likuran niya na tila ba may hinahanap ang kanyang mga mata – iyon palagi ang ginagawa niya.

Hanggang isang araw sa paglalakad niya habang nakapaling sa may likuran niya’y may nabunggo siyang kapwa niya estudyante. Sa loob ng tatlong taong pamamalagi niya sa eskwelahang iyon, ngayon lang niya ito nakita.

Bigla siyang nakaramdam ng kakaiba nang makita niya itong nakatitog sa kanya. Malalim at tagus-tagusan ang mga titig nito. Agad siyang pumaling sa ibang direksiyon upang iwasan ang mga titig nito ngunit ramdam pa rin niya ang pagtitig nito. Hindi siya makagalaw sa kanyang kinatatayuan. Hanggang sa narinig niya itong magsalita sa mahina ngunit malamig at nakakikilabot na tono, “Halimaw!”

Jack and JillTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon