Ikaapat na Kabanata
Napaamang siya nang marinig ang tinuran ng lalaking iyon ang salitang “Halimaw.” Hindi siya agad nakakibo. Naramdaman niya ang unti-unting paggalaw nito sa kanyang tabi na ngayo’y papalayo na. Hindi niya magawang tingnan ito ngunit makalipas lang ang ilang segundo ay napagpasyahan niyang lingunin ito pero hindi na niya ito nakita pa.
Nagtataka man, pinagpatuloy na lang niya ang paglalakad palabas ng eskwelahan. Ayaw niyang magpaabot ng gabi rito lalo na’t wala siyang kasama ngayon. Baka kung ano na naman ang makita niya.
Pagdating niya ng bahay, naabutan niya ang mga magulang na naghahapunan kaya sumabay na rin siya sa mga ito. Kinamusta siya ng mga ito pati na ang kanyang pag-aaral. Tipid niyang nginitian ang mga magulang at sinabing ayos lang siya kahit ang totoo nama’y hindi. Ayaw niyang mag-alala ang mga ito sa kanya.
Pagkatapos kumain, nagtungo agad siya ng kwarto upang makapagpahinga. Doo’y namataan niya ang kanyang manikang pugot ang ulo sa ibabaw ng kabinet. Parang pinupukpok ng martilyo ang kanyang dibdib habang nagpapakatapang na lapitan ang kanyang manika.
Napabuga siya ng hangin bago ito hinawakan. Naulinigan niyang may sumisigaw ng “Halimaw!” nang paulit-ulit. Nilingon niya ang buong silid ngunit tanging siya lang ang naroroon. Bigla siyang napabitaw sa manika na parang napaso sa pagkakahawak dito. Sa pagbitaw niyang iyon, may isang mumunting alaalang biglang lumitaw sa kanyang balintataw.
***
Puno ng pagtataka ang mababanaag sa mga mata ni Jill habang nililibot ng tingin ang kanyang paligid. Lahat ng mga taong naroroo’y mga nakasuot ng itim. Lahat ay tumitingin sa kanya. Lahat ay tahimik, wala ni isa man sa mga ito ang nangahas na umimik.
Nagsimula siyang hanapin ang kanyang kakambal sa mga taong naroroon ngunit ang natunton ng mga mata niya’y ang kanyang inang nakatayo sa tabi ng isang may kalakihang ataul na kulay puti. Nilapitan ng batang si Jill ang kanyang ina. Doo’y nakarinig siya ng mga bulung-bulungan sa kanyang paligid. Nang makalapit ay tinanong niya rito ang kanyang kakambal. Namutlang bigla ang mukha ng kanyang ina’t doo’y nagsimula ang paglandas ng mga luha mula sa mga mata nitong wari’y kagagaling lang sa pag-iyak.
“S-si Jack…” panimula nito na may panginginig ang mga labi. “Nalaglag si Jack mu-“
Hindi na nakatapos pa sa pagsasalita ang kanyang ina dahil may isang tiinig silang narinig na nakapagpapuno sa silid na iyon.
“Halimaw!” sigaw ng isang batang lalaki. “Halimaw!” ulit pa nito.
Hinanap ni Jill ang pinanggalingan ng tinig na iyon. Sumalubong sa kanya ang kulay abong mga mata nitong punung-puno ng panibugho, ang mga pisngi nitong namumula sa galit at ang mga labi nitong madiin ang pagkakatikom. Sa kanya ito nakatingin. Akmang susugurin siya nito nang makita niya ang isang babaeng sa tantiya niya’y nasa edad trenta mahigit ang humawak sa mga bisig ng batang lalaki upang pigilan ito sa paglapit sa kanya.
Naguguluhan at natatakot siya sa ikinikilos ng batang lalaki kaya sa nagtatanong na mga mata’y nilingon niya ang kanyang ina upang humanap ng kasagutan mula rito ngunit naagaw ang kanyang pansin nang mapansin ang isang maliit na pigura sa loob ng kulay puting ataul. Kasinlaki niya ito, magkasing tangos ng ilong, magkasing hulma ng baba, magkasing hawig at sa wari niya’y pareho silang kulay itim ang mga matang nilalangkapan ng mahahabang pilik-mata. Ang kaibahan lang nila’y lalaki ito.
“Jack…” mahinang usal niya kasabay ng isang malabong alaala sa kanyang isipan.
“Halimaw!” sigaw ulit ng batang lalaki na nakawala mula sa pagkakahawak dito’t bigla siyang sinugod. Natumba siya sa ginawa nito. Agad namang dinaluhan ng mga lalaking malapit dito ang batang tumulak sa kanya at hinatak itong pabalik. Sinaway ito ng ina nito habang siya nama’y inaalalayan ng kanyang inang tumayo.
“Mommy, halimaw ba ako?” tanong niya sa ina. Ngumiti muna ito sa kanya na hindi naman umabot sa mga mata nito ang pagkakangiti bago siya sinagot. “Hindi, anak. Hindi ka halimaw.”
Dahil sa sinabi ng ina, nagkalakas siya ng loob na harapin ang batang lalaki at isigaw sana ritong “Sinungaling ka!” ngunit hindi nangyari iyon. Ang mga titig pa lang nito’y nakakapagpaduwag na sa kanya.
“M---“
Naramdaman niyang may tumakip na mga kamay sa kanyang tainga upang hindi niya marinig ang kung anumang sasabihin ng batang lalaki ngunit huli na ang lahat para rito. Narinig na ng batang Jill ang sinabi ng batang lalaki.
“Mamamatay-tao!”
Ang lahat ay nanginig sa kanilang narinig. Nagugulumihanan. Nalilito. Nababahala.
Hinahanap niya ang kasagutan sa mga taong naroroon at doo’y nakita niya ang kanyang amang nakangiti habang ang mga kamay nito’y unti-unting pinapalis ang pagkakatakip sa kanyang tainga. Agad siyang niyakap nito at doo’y nakaramdam siya ng kapanatagan ng loob.
***
Unti-unting bumalik sa kasalukuyan ang diwa ni Jill. “Iyong lalaki kanina. Siya 'yong bata noon na sumisigaw ng halimaw sa 'kin,” mahinang usal niya.
“Bakit niya 'ko tinatawag noon na halimaw? At bakit hanggang ngayo’y ganoon pa rin ang tawag niya sa 'kin?” sa isip niya.
“Bakit ganyan ka pa rin sa 'kin ngayon, Louie?” napabulalas na tanong na lang niya sa sarili.
BINABASA MO ANG
Jack and Jill
Misterio / SuspensoJack and Jill went up the hill To fetch a pail of water. Jack fell down and broke his crown, .... And Jill came tumbling after?! Are you sure? ----- Collab story po ito. Ang pangunahing ideya na gawin ang kuwento ay galing kay Liz (maglarotayo). An...